Ensayo

17 7 0
                                        


Tumaginting na ang mainit na araw

Sa paglagablab nito'y nakasisilaw

Lupa'y tila nilaga't kami ang sabaw

Sabaw dahil para kaming natutunaw


Ramdam ang init sa bawat galaw

Hinihintay na ang ulap ay dumalaw

Di tubig kung 'di uhaw ang umaapaw

Ang katawan ko'y mistulang sumisigaw


Ng AYOKO na! Itigil na natin 'to

Halina at magpahinga muna tayo

Kanina pa sa init ay nakatayo

Inip na inip na't sabik nang umupo


Pero kakayanin naman hanggang dulo

Para nga lang kaming isdang pinatuyo

Mayro'n din namang magandang dulot ito

Ang sayang dama pagtapos ng ensayo


Nang araw ng paligsaha'y dumating na

Paghahanda ay pinutol ng parada

Bawat isa'y nagtipon-tipon sa gitna

Pagkatapos ay may naramdamang iba


Di na init kundi lamig ang nadama

Ang lamig na dulot ng matinding kaba

Ngunit 'yon ay di na dapat alintana

Sa kabila ng lahat, dapat 'todo na!


Sa aming huling ensayo ilalaan

At ipapakitang mayro'n kaming laban

Galaw at ngiti'y aming nilalakihan

Basta't sumayaw lang hanggang katapusan


Nang inanunsiyo kung sino ang lamang

Alam na kapag mayroong nanghinayang

Mas marami parin naman ang nagdiwang

Kaya't ito'y mabuting itawa na lang


At kahit hindi man kami ang pinalad

Di man nakuha ang tropeyong hinangad

Sa tula na lamang aking ilalahad

Ang mga ala-alang walang katulad.

Sa Silong ng KatreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon