[ HARRY ]
Ang hirap. Bakit ganito?
Ang sakit. Gusto ko ng mawala sa mundo. Gusto kong maglaho. Hindi ko alam na ganito kasakit. I shouldn't entertain this feeling.
Ngayon, heto na. Nararanasan ko na.
Sampung araw na ang nakalilipas ng maghiwalay kami ni Drew. Nung unang dalawang araw matapos nang aming paghihiwalay, sinusubukan niya kong i-text at tawagan. Pero hindi ko siya sinasagot. Madalas naka-off ang phone ko para hindi siya mangulit. Kapag binubuksan ko naman ay pangalan niya ang lumilitaw sa screen.
Pangatlong araw, dumating siya sa dorm ng lasing na lasing. Gusto niya akong kausapin at makipagbalikan. Pero lalo lang akong nagalit sa ginawa niya at literal na pinagtabuyan ko siya. Sinabi ko sa kanya na sa susunod na magtangka pa siyang lumapit sa'kin ay tuluyan na 'kong magagalit sa kanya at kahit pagkakaibigan namin ay kakalimutan ko na. Buti na lang kasama niya si Jason nun kaya hindi na 'ko masyadong nag-alala.
Oo, nag-aalala pa rin ako sa kanya.
Mahal ko pa siya at hindi madaling mawala 'yun, at hindi ko rin alam kung mawawala ang pagmamahal ko sa kanya. Hindi ko alam kung makakalimutan ko pa ang mga panahong magkasama kami lalong-lalo na ang mga pinakamasayang pangyayari. Isa lang ang alam ko, kailangan kong kalimutan ang anumang namagitan sa amin dahil sa simula pa lamang ay mali na ang aming relasyon.
Buti na lang nako-kontrol ko pa at kaya ko pang pigilan ang damdamin ko. Madalas nasa kwarto ako at nagmumukmok. Doon ko ibinubuhos lahat ng lungkot ko sa buhay dahil sa paghihiwalay namin ni Drew.
Iniiwasan ko rin si Jen. Hangga't maari ayoko siyang kausapin. Ayokong marinig mula sa kanya na mali ako. Si Jen naman kasi, hindi marunong magsinungaling. Kahit sana ang pagsisinungaling ay makagagaan ng kalooban ko, hindi niya ginagawa.
Naaalala ko pa, isang araw pagkatapos kong tinapos ang relasyon namin ni Drew ay kinausap ako ni Jen.
"Wala ka ba talagang balak isubo 'yang pagkain na nasa kutsara mo? Kanina mo pa tinititigan 'yan ah." Nasa hapag-kainan kami at nag-aalmusal. Hindi ko pa nga nababawasan ang pagkain sa plato ko. "Pati 'yang kape mo sa harap. Malamig na."
"Wala akong gana Jen."
"Walang gana?" inis niyang tanong. "Harry, 'wag mo nga akong artehan ah. Hindi ba ginusto mo 'yan? Hindi ba ikaw may kasalanan kung bakit kayo nagkahiwalay?"
"Jen, hindi ako! Kung alam mo lang Jen. Kung nakita mo lang sana ng halikan ni Kaye si Drew. Kung nakita mo lang -"
Pinutol niya ang pagsasalita ko. "Kita? Sa'yo na rin nanggaling Harry. Si Kaye ang humalik kay Drew."
Bigla na naman bumalik ang eksenang 'yun na madalas at pilit pumapasok sa utak ko. Tama nga ang sinabi niya. Ngayon ko lang napagtanto na si Kaye pala ang humalik kay Drew.
Pero bakit hindi umatras si Drew? Isa lang ang ibig sabihin nun, nagustuhan din niya.
"Jen, kung ano mang kasinungalingan ang sinabi ni Drew sa'yo 'wag kang maniwala sa kanya."
"Hindi siya nagsisinungaling Harry."
"Paano mo naman nasabi 'yun? Jen, sino ba ang kaibigan mo sa aming dalawa ha?" galit kong tanong. "Bakit ba mas kinakampihan mo pa si Drew kaysa sa'kin?"
"Kaibigan ko kayong dalawa Harry," mahinahon niyang tugon sa galit kong emosyon. "Pero kahit mas matagal kitang kaibigan at kahit na kababata pa kita, mas kakampihan ko si Drew dahil siya ang tama. At mali ka Harry." Tiningnan niya 'ko ng diretso.
"Jen, please. 'Wag ngayon. . ."
"Bakit Harry? Bakit ganun na lang ang galit mo kay Drew? Ni hindi mo lang siya hinayaang magpaliwanag. Ni hindi mo lang pinakinggan ang sasabihin niya. Sabihin mo nga sa'kin Harry ha? Ano bang nangyayari sa'yo? Alam ko naguguluhan ka lang ngayon dahil sa nangyari. Pero alam ko rin na mahal na mahal mo pa rin siya."
BINABASA MO ANG
COFFEE - FLAVORED LOVE STORY
RomanceKuntento na si Harry sa lahat ng aspeto ng kanyang buhay, at isa na dun ang kanyang buhay pag-ibig. Hindi man siya nasa isang relasyon, at kailanman ay hindi pa nakapasok o kahit subukan man lang na pumasok, ay masaya siya sa kasalukuyang kalagayan...