'Ang ganda talaga ng gabing ito,' sabi ni Harry sa kanyang isip.
Malamig ang pag-ihip ng hanging amihan sa mukha ni Harry habang pinagmamasdan niya ang bilog na buwan at mga bituin sa kalangitan. Pero lagi namang maganda ang gabi para sa kanya. Wala mang buwan o hindi niya makita ang kahit isang bituin dahil nagtatago ito sa makakapal na ulap na magdadala ng malakas na ulan – maganda pa rin ito para sa kanya.
Habang matamang pinagmamasdan ni Harry ang langit ay naramdaman niya ang mga bisig ng kanyang asawa na bumalot sa kanyang katawan mula sa kanyang likod na nagsisilbing kalangitan naman niya dito sa ibabaw ng lupa.
"Mahal ko, tara na sa loob," yaya ni Drew sabay halik sa pisngi ni Harry habang nasa likod pa rin siya ng kanyang asawa.
"Handa na ba?"
"Oo. Sorry natagalan ah." Hinalikan niya si Harry.
Napabuntong-hininga at napatingala si Harry. "Sa Linggo papatanggal ko lahat ng mistletoes sa buong bahay. Talagang kinuha mo pa ang style ni Dad. Pakikiusapan ko talaga sila Manong Boy at Manang Flor na alisin lahat ng Christmas decorations dito sa bahay total tapos na naman ang Pasko."
Ang mag-asawang Manong Boy at Manang Flor ang mga caretakers ng bahay nila kapag umaalis ang mag-asawa tuwing Linggo. Ang araw ng Linggo ang nagsisilbing araw nilang dalawa para sa isa't isa. Umaalis sila ng bahay at namamasyal na magkasama.
"Ayoko," mariing pagtutol ni Drew. "Hindi nila gagawin 'yun."
"Bakit?"
"Dahil ako ang nagpapasweldo sa kanila."
"Ahh," tugon ni Harry na tumango-tango pa. "Ang natatandaan ko kasi ako ang nagbibigay ng sweldo nila kahit sa'yo nagmumula ang pampasweldo."
Natigilan si Drew dahil tama ang tinuran ng asawa. Siya na kasi ang nagbu-budget ng lahat ng gastusin nila sa bahay.
"Mahal ko naman. Pwede bang i-extend ng dalawang linggo pa?" Hinintay niya ang sagot ni Harry, pero nabigo siya. "Please? Pagkatapos na ng 'Feast of Three Kings.'"
"Ok," nakangiting pagsang-ayon ni Harry.
"Yes!" Tapos hinagkan niya ulit si Harry. "Tara na sa loob."
"My love, bakit ang dilim?" sabi ni Harry nang pumasok sila sa bahay. Madilim ang buong paligid. Hindi nakasindi ang mga ilaw sa loob. "Drew, ano naman ba 'to? Wala akong makita." Mabuti na lang tumatagos ang sinag ng buwan sa malalaking glass window ng bahay. Kahit papaano ay nakikita ni Harry ang paligid.
Hinawakan ni Drew ang kamay ni Harry. "Mahal ko, nandito lang ako sa tabi mo. Maglakad ka lang at gagabayan kita. Hindi ka mapapano, sigurado ako. Magtiwala ka lang."
"Sabi ko na nga nakalimutan mong makapagbayad ng kuryente eh," biro ni Harry. "Dapat talaga ako na ang sumaglit para gawin 'yun."
"Alam mong hindi ko nakalimutan 'yun. Wala pa 'kong nakakalimutang bilin mo dahil sigurado akong aawayin mo 'ko kapag hindi kita sinunod."
Nang makarating sila sa dining room ay agad napansin ni Harry ang sorpresa ni Drew. Napakaganda ang ayos ng kanilang dining table. Parang mga mesa sa mga fine dining restaurants.
Dinner by candlelight ang inihanda ni Drew para sa first wedding anniversary nila ni Harry. Maaga siyang umuwi galing ng firm para paghandaan ito.
Ginabayan ni Drew si Harry papalapit sa mesa at hinila niya ang upuan para makaupo ang asawa niya. "Mahal ko, maraming salamat sa isang taong pagtya-tiyaga mo sa akin ah," malambing na sabi ni Drew nang makaupo na siya. Kinuha at hinawakan niya ang kamay ng kabiyak. "Sana dumating pa ang maraming taong hindi nagbabago ang tingin natin sa isa't isa."
BINABASA MO ANG
COFFEE - FLAVORED LOVE STORY
RomantikKuntento na si Harry sa lahat ng aspeto ng kanyang buhay, at isa na dun ang kanyang buhay pag-ibig. Hindi man siya nasa isang relasyon, at kailanman ay hindi pa nakapasok o kahit subukan man lang na pumasok, ay masaya siya sa kasalukuyang kalagayan...