Hindi naging madali sa akin ang lahat-lahat. Nakakapanibago at ang tahimik. Hindi katulad noong mga panahon na kasama ko pa ang mga kaibigan.
Natanggap ako sa unibersidad na gusto kong pasukan at naka-avail ako ng scholarship. Iyon naman talaga ang goal kaya nagsisipag ako. I need to get the scholarship at all costs.
"Hindi ka ba nag-iisip, Lavender?! Wala na nga tayong pera! Bakit ka pa mag-aaral?! Hindi mo ba kita ang sitwasyon natin?"
Hindi ako sumagot. Kailan ba ako sumagot sa ina?
Ang palaging tahimik kong ama ay puro buntonghininga ang pinapakawalan. Hindi ko alam kung para ba 'yun kay Nanay dahil sa pasisisigaw niya o para sa akin dahil pinilit kong mag-aral kahit na hindi naman kaya.
Kaya ko naman. Magtatrabaho pa rin naman ako. Kapag may sobra ay bibigyan ko pa rin naman sila. Hindi ko naman sila tatalikuran.
"Puro may mga asawa na ang mga nakakatanda mong kapatid. Ang mga nakakabata mong kapatid, Lavender. Kailangan ka nila. Ano pa ba ang ginagawa mo sa buhay?! Nagsasayang ka lang ng panahon. Gayahin mo ang anak ni Lando. Nagtrabaho dahil hindi na kaya."
Napalunok ako dahil sa pagbanggit ni Nanay sa pangalan ng ama ni Veronica.
Ang hirap pala talagang maging mahirap. At mas lalong mahirap kapag ang pamilya na mismo ang ayaw magbigay ng suporta.
Bakit ang ibang mga magulang ay namomoblema pa sa tuwing nagbubulakbol ang mga anak nila sa pag-aaral? Bakit sa akin? Gusto kong mag-aral pero wala namang suporta ang natatanggap ko?
Puro mga negatibong salita lamang ang naririnig ko.
Kahit pala gaano kalaki ang pangarap ng isang tao, kung araw-araw niyang maririnig ang mga hindi magandang salita ay nakakawalang gana din pala.
"At saan ka pupunta ngayon?! Lalayas ka?"
Isang araw ay hindi ko na makayanan pa. Sa pag-uwi ko galing sa paaralan, pagod, gutom, at walang-wala, masasakit na salita lamang ang natanggap ko. Hindi ko na nakayanan. Napagdesisyunan ko ng umalis sa bahay.
Rinig ko ang pag-iyak ng mga kapatid pero tuloy-tuloy lang ako sa paglagay ng mga gamit sa malaking bag.
Kahit na gusto ng tumulo ng luha ay hindi ko hinayaang makalabas ito sa mga mata ko. Dapat magpapakatatag ako. Kakayanin ko naman.
"Lalayasan mo kami dahil sa malaki ka na?! Wala kang utang na loob! Pinalaki kita! Binihisan, pinakain, at pina-aral. Tapos ito ang igaganti mo sa amin?"
Lumabas ako ng silid. Lalapitan na sana ako ni Nanay pero agad na nakapunta si Tatay sa harapan niya kaya mas nagalit siya. Ang ama ko na ngayon ang sinasaktan niya.
"Kung ito man lang magpapasaya sa'yo, Lavender. Umalis ka na. Basta't huwag mong pabayaan ang sarili mo. Huwag mo na kaming alalahanin."
Ang pinipigilan na luha kanina ay bumuhos na ngayon dahil sa sinabi ng ama.
Rinig ko ang lakas na sigaw ni Nanay. Ang pagmumura niya sa akin pero tuloy-tuloy lang ang lakad ko. Buo na ang desisyon kong gawin 'to.
"Ito ang higaan mo. Dito ka mananatili, Lav. Huwag kang mag-aalala, hindi ko sasabihin sa Nanay mo. Mananatiling sekreto na nandito ka."
"Salamat, Manang Luping."
"Sus! Maliit na bagay. Tutulungan kita sa abot ng aking makakaya. Bata ka pa lang ay nagtatrabaho ka na sa akin kaya napamahal ka na sa akin."
Pasalamat ako dahil kahit na hindi ko maintindihan ang ugali ng ina. Nandito naman si Manang Luping. Mukhang siya pa nga ang ina ko kumpara sa totoo kong ina.
BINABASA MO ANG
Desiring Lavender (Dreamer 1)
RomanceFirst story of the dreamers series R-18 Status: Completed Language: Tagalog - English