Loess Kingdom: I

2 0 0
                                    

"Paumanhin, maaari bang magtanong?" tanong ni Maple sa isang tindera.

"Maaari naman kung bibili ka ng mga paninda kong gulay." sabi naman ng tindera.

Hindi naman agad nakasagot si Maple at napataas ng konti ang kilay niya. Nagbuntong-hininga na lang si Maple at inilabas ang isang supot ng salapi mula sa kanyang bag na walang katapusan ang espasyo sa loob.

"Isang kilong patatas at dalawang tali ng okra." sabi ni Maple at naglabas siya ng dalawang pirasong ginto na salapi.

"Dalawang ginto? Sobra na ang dalawang ginto. Mura lamang ang benta ko." sabi naman ng tindera at hindi siya makapaniwala sa kanyang hawak.

"Tanggapin n'yo na po. Pasasalamat ko kapag nasagot n'yo ang mga itatanong ko. Isa pa po, hindi po ako yung tipong galante sa pera kaya maswerte kayo at gusto kong gumastos ngayon." sabi naman ni Maple at inilagay na niya ang binili niya sa loob ng bag.

"Ano bang itatanong mo?" tanong ng tindera.

"Anong lugar ho ba ito?"

"Loess kingdom."

"Oh. Kasunod ba ng kahariang ito yung Ericales kingdom?"

".... Binibining Dalawang ginto, ang Ericales kingdom ay nasa Silangan. Nasa Kanluran ka ngayon." sagot naman ng tindera.

Hindi naman nakaimik agad si Maple dahil sa hiya. Si Maple ay mahina sa direksyon at hindi rin siya madalas magtanong ng direksyon sa iba. Nagbabasa lamang siya ng mga mapa at kinakabisado ang daan. Gayun pa man ay parati pa rin siyang naliligaw.

"A-aha. Kung ganon, mananatili muna kami dito. May malapit po bang panuluyan dito?" tanong Maple.

"Iyang malaking gusali na iyan ang nag-iisang panuluyan dito sa bayan." sagot naman ng tindera.

"Maraming salamat po." sabi ni Maple at aalis na sana siya nung tinawag siya ng tindera. Nilingon naman siya ni Maple.

"Binibini. Mag-ingat ka sa lugar na ito."

"Maple!" tawag naman sa kanya ni Clement.

"Clement, saan ka ba galing?" tanong ni Maple at kamuntikan na niyang malimutan ang tindera. Lumingon muli si Maple sa direksyon ng tindera at umiling lang sa kanya iyon. "Mag-ingat saan?"

"Nagtanong-tanong ako kung anong lugar ito." sabi ni Clement at naglakad na sila ni Maple.

"Nagtanong ka rin? Bakit hindi ka na lang sumama sa akin? Bakit kailangan mo pang lumayo?" tanong ni Maple.

"Maple, ikaw yung bigla na lang nawala. Kaya hinanap din kita." sagot naman ni Clement.

Hindi naman agad nagsalita si Maple at naniwala na lang sa sinabi ni Clement. "Tutuloy muna tayo dito bago tayo maglakbay. Kailangan ko munang tignan ang mga dadaanan nating lugar." sabi naman ni Maple.

Pumasok ang dalawa sa malaking gusali na itinuro ng tindera. Maingay ang lugar ngunit bigla na lamang tumahimik nung pumasok sila Maple.

"Maple, bakit sila nakatingin sa atin?" pabulong na tanong ni Clement.

"Hindi ko rin alam. Sabay lang tayo pumasok dito." sagot naman ni Maple at hindi niya masyadong pinapansin ang mga nasa paligid nila.

"Maligayang pagdating sa Loess inn." pagbati ng isang babae sa may counter.

Bumwelo muna si Maple bago siya magsalita dahil bihira lamang siya kumausap ng tao. "Dalawang kwarto." sabi ni Maple.

Bumalik naman ang ingay sa lugar matapos magsalita ni Maple. Tila hinihintay lamang nila na magsalita si Maple para makita ang intensyon nila sa lugar na iyon.

From Kingdom to KingdomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon