Kaan Kingdom: II

5 0 0
                                    

Mula ulo hanggang talampakan ay puno siya ng sugat. Dahil hindi makagamit si Autumn ng mana ay hindi niya magamot ang kanyang sarili. Ang mana restrainer na kadenang nakakabit sa kanyang mga pulso at bukong-bukong ay unti-unting kinakain ang kanyang mga mana. Si Autumn ay pinagbihis ng isang bistidang kulay puti ngunit dahil sa paulit-ulit na paghampas ng latigo sa kanya, ang kulay puti na bistida ay nagkulay dugo na at punit sa kada hampas sa kanya.

Araw ng parada, isang espesyal na okasyon sa Kaan kingdom kung saan ay inaparada nila ang mga alipin na bibilhin ng mga maharlika doon. Mapalad ang ibang alipin kung mapunta sila sa mababait na maharlika ngunit bihira lang ang nasabing maharlika. Habang ipinaparada ang lahat, si Autumn ang nasa hulihan ng pila. Lahat ng mata ay sa kanya mismo nakatingin. Tumatawa ang iba, binabato naman siya ng ilan. Higit sa lahat, tuwing itinataas niya ang kanyang ulo ay nakikita niya sa malayo ang hari na nasisiyahan sa parada. Hindi magawang magalit ni Autumn dahil alam niya kung para saan ang paradang iyon. Para ipakita sa lahat ng tao ang magkaibang estado nila mula sa mga maharlika.

Nang makarating ang lahat ng alipin sa harapan ng plaza kung saan nagaganap ang okasyon ay agad ihiniwalay si Autumn kasama ng isa pang dalagang babae na hindi tataas sa edad na dalawangpu. Kulay puti ang kanyang buhok at may mga pula siyang mata. Silang dalawa ay inilagay sa tabi ng hari at pinaluhod. Parehas nakayuko sina Autumn at ang dalagang katabi niya habang nakaluhod sila. Sinilip ni Autumn ang dalagang iyon at puno ng takot ang itsura ng dalagang iyon.

"Ahh. Kawawang dalaga. Baka may naghihintay sa kanyang umuwi ngunit nandito siya at magiging alipin ng hari kasama ko." komento ni Autumn.

"H'wag k-ka pong matakot. K-kasama n'yo po ako." pabulong na sinabi ng dalaga kay Autumn na siya naman ikinagulat ni Autumn.

"... Kinaaawaan niya rin ba ako? Nagsasayang lang siya ng oras."

Maya-maya ay napansin ni Autumn na inayos ng hari ang kanyang guwantes at sinabunutan niya ang dalagang kasama ni Autumn. Itinaas ng hari ang ulo ng dalagang iyon habang hawak niya pa rin ang buhok nito. Umiiyak naman sa sakit ang dalagang iyon. Kumunot naman ang noo ni Autumn dahil sa kalupitan ng hari na iyon.

"Mga mamamayan ng Kaan, h'wag n'yong hayaang takutin kayo ng mga witch na ito. Mas malakas tayo kumpara sa kanila. Ang dalawang ito ay aking gagawing alipin. Magpasya kayo sa ibang alipin na nais n'yong angkinin." sabi ng hari at itinapon niya lamang ang dalaga sa lapag at ipinagpag niya ang kanyang mga kamay.

Napansin naman ng hari na nakatitig si Autumn sa kanya. "Pagbibigyan ko ang katapangan mo ngayon, tignan natin kung hanggang kailan mo iyan kayang panindigan."

Lalapitan sana ng hari si Autumn nung biglang bumangon ang dalaga at humarang sa harapan ni Autumn. Tumigil naman ang hari at hindi na lamang pinansin ang ginawa ng dalagang iyon.

"Ayos ka lang po ba?" pabulong na tanong ng dalagang iyon.

"Hindi ko alam kung anong ginagawa mo pero itigil mo iyan. Hindi ko kailangan ng katulad mong poprotekta sa akin. Isipin mo na lamang ang sarili mo." pabulong na sagot ni Autumn.

Agad naman silang kinaladkad ng mga kawal paalis ng plaza at agad silang dinala sa palasyo ng hari.

Doon, sila ay pinaliguan ng mga katulong at binihisan ng damit parehas sa uniporme nila. Parehas silang ipinatawag sa silid ng trono ng hari. Nakaupo sa kanang bahagi ng hari ang panganay na prinsepe at ang pangalawang prinsepe.

"Magmula sa araw na ito. Kayo ay tatayong mga katulong ng mga anak ko. Ang mas matandang babae ay sa panganay kong anak at ang babaeng may puting buhok ay sa pangalawang anak ko. Kayo ang tatanggap ng bawat parusa na matatanggap nila mula sa kanilang mga guro. Gawin n'yo iyan at makakakain kayo." nakangising sinabi ng hari.

From Kingdom to KingdomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon