"Lolo, bakit?" tanong ko sa kaniya nang makaupo ako sa kaniyang tabi.Imbes na sagutin ako ay humithit lang siya sa kaniyang hawak na sigarilyo.
Mula sa hindi kalayuan ay nakita ko si lola na nagsisibak ng kahoy, marahil ay panggatong nila ito sa lulutuin nilang pang hapunan.
Tiyak akong nasa iisang tao lang ang tinitignan ng aming mata ni lolo, at sinusundan ito patungo sa loob ng munting bahay.
Pagkatapos ay lumabas siya't sumilong sa puno ng mangga habang nagpupunas ng pawis at nagpa-paypay gamit ang sugatan at magaspang niyang kamay dahil sa kaka-trabaho.
"Lolo, alam mo bang pagod na pagod na si lola?" tanong kong muli habang hindi inaalis ang aming paningin kay lola.
"Sa sampung taon na inalagaan niyo ako, nakita ko lahat ng paghihirap ni lola."
"Pag-gising sa umaga upang maglaba ng mga damit, at magluto ng ating makakain."
"Sa tanghali ay makikita mo siyang nag didilig ng mga mahal niyang halaman, iyon na yata ang kaniyang libangan simula kaniyang pagkabata."
"Natatandaan ko pa lolo, siya ang gumawa ng papag kung saan tayong tatlo ay magkakatabing matulog."
"Siya nga rin pala ang naghahanap buhay para may makain tayo nang tatlong beses sa isang araw, para may pambili sa mga bagay na kailangan natin."
"Naaalala ko pa noong binilhan niya tayo ng bago nating damit, samantalang sa kanya ay suot suot pa rin ang mga pinagtagpi tagping damit "
"Tsaka lolo naaalala mo pa ba nung sinorpresa ka namin noong birthday mo? Alam mo bang ilang buwan niyang inipon ang perang iyon para sa 'yo, kaso nasayang lang dahil umuwi kang lasing na lasing." mahinang bulong ko sa huli.
"Lolo, naaalala mo pa ba noong nagkasakit ka? Kung saan saan at kung kani kanino nagpunta si lola para lang makautang ng pang opera sa sakit mo noon."
"Naaalala mo pa ba yung mga gabi na hinihintay ka niyang makauwi, palaging naluluha si lola sa sobrang pag aalala kasi natatakot siyang baka ikaw ay mawala."
"Isa pa sa hinding hindi ko makakalimutan ay ang kwento ni lola habang hawak hawak ang litrato niyong kupas na sapagkat ito ay kuha noong kayo ay dalaga't binata pa."
"Ang kwento ni lola, nangako ka sakaniya na hinding hindi mo siya pababayaan ngunit bakit noong dito ako nanirahan, ni minsan ay 'di ko nasilayan na kahit sa ilang segundo man lang sana'y mahagkan mo siya't sabihin na, 'pasensya na mahal ko kung ikaw ay nahihirapan'."
"Lolo sa rami ng ginawang sakripisyo ni lola, bakit kabaliktaran noon ay ang iyong ginagawa?"
"Pinang susugal ang perang kinikita ni lola mula sa paglalako ng basahan. Magdamag na nag iinom sa kung saan saan, uuwi kinabukasan at itatapon ang mga nakahain na agahan, nagwawala ka sapagkat natalo sa sugalan."
"Hindi ko maintindihan. Kung mahal mo siya, bakit mo siya pinahihirapan? Kung hindi mo siya mahal, pwede mo naman siyang iwan, para hindi na siya masaktan."
Sunod sunod kong litanya at nang mapatingin ako kay lolo ay siyang gulat ko dahil sa luhang umaagos sa kayang pisngi.
Nasobrahan ko yata ang nga binitawan kong salita. Sa ilang taon kasing nawalay ako sakanila, naipon na sa aking isipan ang mga katanungan kaya napagpasiyahan kong dumalaw dito't humingi ng kasagutan.
"Sorry po, lolo." mahinang saad ko at muling tinignan si lola na kinukuha na pala ang mga isinampay niyang labahan.
"Naging malupit ba ako sa lola mo, apo?" tanong ni lolo pagkalipas ng ilang segundo.
"Bakit nga ba ako naglalasing?"
"Bakit nga ba patuloy parin ako sa pagsusugal?"
"Bakit nga ba hindi ko matigil tigil ang paninigarilyo?"
"Bakit hindi ko magawang itigil ang bisyo ko?"
"Ako ang haligi ng tahanan, ngunit hinayaan ko siyang gawin ang mga responsibilidad ko."
"Pinangakuan ko siya ng magandang buhay ngunit kabaliktaran nito ang aking ibinigay."
"Ang makita siyang nasasaktan at nahihirapan ay araw araw kong pinagsisisihan ngunit aking pinaninindigan ang bagay na nasa aking isipan."
"Apo, mahal na mahal ko ang lola mo. Mas mahal ko pa siya kesa sa sarili ko."
Mga litanya niya na mas lalong gumulo sa aking isipan.
Para sa akin, ito ay isang problema sa paksang matematika na hindi ko matukoy kung ano ba ang formula.
Kasagutang nagsisilbing sinulid na iyong sisisirin sa malalim na tubig, malalim na tubig na siyang nagsisilbing katanungan.
Tila betsin sa asin na kailangan mong paghiwalayin, mas mahirap pala yata iyong gawin.
"Sa sobrang pagmamahal ko sakanya, isinasakripisyo ko na ang buhay ko." litanya ni lolo na siyang nagpabalik sa aking diwa, lumilipad na pala ang aking isipan.
"Ayokong dumating yung araw na makita siyang sa kabaong na nakahiga."
"Ayokong isipin na ang taong mahal na mahal ako, ang taong mahal na mahal ko ay lilisan na rito sa mundo sapagkat iyon na ang kaniyang oras."
"Ayokong maranasan kung paano ako iwan ng isang katulad niya."
"Ni minsan ay hindi nabawasan ang nararamdaman ko sakaniya, bagkus ay mas lumalalim pa ito."
"Ngunit natatakot akong iwan niya."
"Apo, sana ay maintindihan mo ang aking ipinupunto. Pinasok ko ang bisyo't hindi itinigil ang pag iinom at paninigarilyo, alam kong masama ito at labis na ikinalulungkot ng iyong lola ngunit pasensya na."
"Mahal ko siya kaya ako nagkakaganito."
"Sakripisyo? Buhay? Pagmamahal?" tanong ko sa sarili.
"Lolo, ibig sabihin po ba no'n ay mas gusto niyo nang mauna sa huling hantungan kesa kay lola dahil natatakot kayong maiwan?" tanong ko at tumingin sa kaniya nang puno ng kuryusidad.
Malungkot na ngumiti si lolo kasabay ng huling pagbagsak ng luha niya.
__________
@may-likha
errors ahead, open for (constructive) criticism
work of fiction
you can visit my timeline for more stories, thank you
BINABASA MO ANG
One Shot Stories
Fiksi RemajaKonnichiwa!!! Ang librong ito ay One Shot Stories na isinulat ko. Hinihiling ko na sana ay hindi ito nakawin ng iba. PLAGIARISM IS A CRIME, buds. Enjoy reading!!!