Ako pa lamang ba ang nakararanas nito? Ang managinip sa panaginip ko?Iyong tipo ba na natutulog ka tapos 'yong panaginip mo ay nananaginip ka habang tulog.
Kung kayo ay naguguluhan, marahil ay maiintindihan niyo ito sa pamamagitan ng paglalahad ko ng kwento base sa aking naranasan.
Hindi ko alam na kahit pala anong oras ka matulog ay nandoon pa rin 'yong naka-ambang bangungot.
*****
Bago pa tuluyang tumiklop ang talukap ng dalawa kong mata ay narinig ko muna ang tunog ng siyansi at kaserola. Marahil ay nag-gigisa na ng ulam si lola para sa aming tanghalian.Narito ako sa loob ng aking kwarto noon habang nakahiga nang pabaluktot. Unang araw ng dalaw ko noon at ganoon na lamang ang sakit ng aking puson kaya hindi ko magawang kumilos at bumangon.
Kasalukuyan na akong natutulog nang oras na iyon upang hindi masyadong maramdaman ang sakit at sa oras na iyon din ay nagsimula na akong managinip.
At ito nga ang sinasabi kong panaginip sa panaginip. Sana ay maintindihan niyo ang aking kwento.
Sa aking panaginip ay natutulog ako suot ang pulang bestida. Katulad sa sitwasyon ko noong araw na iyon ay natutulog din ako upang hindi maramdaman ang sakit ng aking puson.
Ngunit sa pagtulog kong iyon ay bigla na lamang akong ginigising ng aking lola sa tuhod.
"Jaya, gising! Gumising ka." tawag nito sa akin sabay yugyog pa ng aking katawan ngunit hinayaan ko lamang ito at pinanatiling tiklop ang aking mata.
"Jaya, gumising ka na. Bumangon ka na riyan." muling tawag nito sa akin at ganoon na lamang ang aking gulat pagmulat ng aking mata.
Si lola, ang lola ko sa tuhod. Ngunit pat-y na si lola. Paanong nangyaring narito siya?
"Sumama ka sa akin, Jaya. Halika rito." saad niya at nagsimula nang hawakan ang aking kamay.
Hindi ako makagalaw, hindi ako makasigaw, ang tanging alam ko lang ay nagsisimula na ang luha kong umibabaw.
Tila ba nakatahi ang aking labi sapagkat hindi ako makahingi ng tulong, tila ba may pasan akong mabigat na gulong kaya hindi ako makabangon, tila ba wala akong ibang magawa kundi ang umiyak lamang at magmakaawang ako ay kaniyang bitawan.
Natatakot ako, nakangiti sa akin si lola at pinipilit akong sumama sa kaniya. Umiiyak ako, sapagkat tanging hikbi na lamang ang aking nagagawa habang umiiling, ipinapaintinding sana'y huwag niya akong kunin.
"Tara na, Jaya. Halika na, sumama ka sa akin." muling saad niya at tsaka pumunta sa aking paanan.
"Aaaaaaahhhhhhhh!!!!" gusto kong isigaw ngunit tanging sa isip ko na lamang ito magawa.
Nagsimula nang hilain ni lola ang aking paa habang siya ay nakangiting nakatingin sa akin.
Sa oras ding iyon ay mas lalo nang nangibabaw ang aking takot sapagkat ramdam kong bumababa na ako sa kama dulot ng kaniyang panghihila sa akin.
Nagpapasalamat ako sapagkat sa oras ding iyon ay nagawa ko nang magpumiglas.
"Ayoko, ayoko, ayoko!!!" paulit-ulit kong saad habang umiiyak at nagpupumiglas.
Nagmamadali akong tumakbo papalabas ng kwarto at umupo sa may hagdanan, nakayuko't umiiyak, pinapakalma ang sarili dulot ng panaginip na hindi ko inaasahan.
Ngunit ang labis kong ipinagsasalamat ay panaginip lang iyon, bangungot lamang iyon, salamat at ako'y nagising pa.
Ang aking panaginip sa panaginip ko noong araw na iyon ay isa pa ring isipin sa akin ngayon. Sapagkat ang suot ko sa panaginip kong iyon ay katulad din sa suot ko noong araw na iyon.
Dapat ba ay iyon na rin ang huling araw ko rito sa mundong ibabaw?
Huling tulog ko na ba iyon kung hindi pa ako nagising?
Bakit palagi akong dinadalaw ni lola sa panaginip ko?
Bakit palagi niya akong pinipilit na sumama sa kaniya?
Bakit kailangang ako ang ginagambala niya kung ang dahilan naman ng kaniyang pagkakamat_y ay ang pagpapabaya sa kaniya ng kaniyang anak?
__________
@may-likha
errors ahead, open for (constructive) criticism
work of fiction
you can visit my timeline for more stories, thank you
BINABASA MO ANG
One Shot Stories
Teen FictionKonnichiwa!!! Ang librong ito ay One Shot Stories na isinulat ko. Hinihiling ko na sana ay hindi ito nakawin ng iba. PLAGIARISM IS A CRIME, buds. Enjoy reading!!!