OSS11 (MALING PAG-IBIG BA?)

1 0 0
                                    


"Gina, sa tingin ko ay kailangan na nating itigil ang namamagitan sa atin." saad niya at inalis ang kaniyang kamay mula sa pagkakahawak ko.

"Ha? Nagpapatawa ka ba? Ano bang sinasabi mo riyan?" saad ko at tsaka tumawa.

"Gina seryoso ako, maghiwalay na tayo." saad niya na siyang dahilan upang tumigil ako mula sa pagtawa.

"Bakit? May problema ba? May nagawa ba akong mali? Anong nagawa ko?" sunod-sunod kong tanong na siya namang sinagot sa pamamagitan ng pag-iling.

"Kung ganoon, bakit ka nakikipaghiwalay?" tanong ko sinusubukang makipagtitigan sa kaniya ngunit patuloy naman niyang iniiwas ang kaniyang paningin.

"Walang maghihiwalay." mariin kong saad dahilan upang kunot noo siyang mapatingin sa akin.

"Gina, hindi mo kasi naiintindihan."

"Paano ko maiintindihan kung hindi mo pa nga sinasabi ang dahilan?" pagalit ko nang tanong sa kaniyang sinabi.

"Dahil mali ang pag-ibig na mayroon tayo. Maling mali ang relasyon natin." saad niya na ikinatahimik ko.

"Tignan mo, tignan mo kung paano tayo tignan ng iba." saad niya't sinimulan ko ring ilibot ang aking paningin sa aming paligid.

"Ang mga tinging ipinupukol sa atin na para bang tayo'y may ginawang krimen, hindi katulad ng kung paano nila tignan ang normal na magkarelasyon.."

"Tuwing tayo'y magkahawak kamay na naglalakad... eh ni hindi pa nga natin magawang hagkan ang isa't-isa."

"Ang bawat galaw natin ay limitado dahil sa mga mapanghusgang tao."

"Na kung hindi mo mariringgan ng masasakit na salita ay titignan ka naman nito mula ulo hanggang paa."

"Gina, kung hindi tayo tanggap ng iba paano pa kaya ng pamilya nating dalawa?"

"Nasisigurado mo bang matatanggap tayo ng ating pamilya?"

"Edi ipaglaban natin ang relasyon natin. Ipaglalaban naman kita eh, kaya kitang ipaglaban."

"Pasensya na, pero hindi ko kaya." saad niya na siyang gumulat sa akin.

Batid kong ang mga inihayag niyang salita ay may punto't katotohanan ngunit hindi ko man lang inisip na ito na yata ang huli naming kahihinatnan.

"B-bakit hindi?" natawang saad ko sa likod ng nangingilid ko nang luha.

"Gina, paulit-ulit lang tayo rito! Mali nga ang relasyon na meron tayo, mali sa paniniwala at sa paningin ng lahat!" mariin niyang saad at mahinang naihampas ang kamay sa mesa.

"Kailan ba naging mali ang pagmamahal?"

"Kailan ba naging basehan ang pananaw ng iba upang masabing may maling relasyon?"

"Sa pagmamahal ba kailangan... kailangan pa bang ikonsidera ang opinyon ng iba?"

"Hindi ba pwedeng magmahalan tayo kasi pareho tayo ng nararamdaman?"

"May tama at mali na ba sa pagmamahal ngayon?"

Sunod-sunod kong tanong sapagkat ako ay naguguluhan. Naiintindihan ko ang kaniyang ipinupunto ngunit hindi ko maintindihan kung bakit ganito ang pag-ibig.

Bakit kailangang itigil dahil lang hindi ito maganda sa paningin ng iba?

"Meryl naman, love..." nagmamakaawa kong saad at hinawakan pa ang kaniyang kamay.

Ngunit sadyang buo na nga ang kaniyang desisyon at nagawa nang alisin ang kaniyang kamay mula sa pagkakahawak ko at tsaka umiling.

Hindi ko alam na masakit din pala ang magmahal ng kapwa babae. Hindi dahil may iba itong mahal, hindi dahil sawa na ito sa akin, o napagod, o masaya na sa iba. Kundi dahil sapagkat mali sa paniniwala at paningin ng iba na magmahalan ang dalawang taong pareho ng kasarian.

__________
@may-likha
errors ahead, open for (constructive) criticism
work of fiction
you can visit my timeline for more stories, thank you

One Shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon