OSS12 (ISANG KAHIG, ISANG TUKA)

1 0 0
                                    


"Naaayy! Naaaayy! Nandito na ho ako." tawag ko kay inay at tsaka nagmano sa kaniya pagkapasok ko ng bahay.

"Mabuti naman at ligtas kang nakauwi anak. Aba, mukhang masarap ang iniuwi mong ulam." natutuwang saad niya nang makita niya ang laman ng bitbit kong plastic.

"Minsan lang ito nay, alam niyo namang puro na lang tuyo o di kaya'y bagoong at kalamansi na lang ang ulam." saad ko at ngumiti.

"Ang aga namang matulog ni Mico, inay. Si Ysa nga pala, nasaan na naman siya?" tanong ko, pagtukoy sa dalawa kong nakababatang kapatid.

"Iyang si Mico, nakatulog na kakamukmok, nalulungkot siyang hindi na naman nakapasok ng paaralan sapagkat walang baon. Si Ysa, 'yong batang iyon anak, nagrerebelde na naman sapagkat hindi napagbigyan ng gusto." saad niya na siyang ikinabuntong hininga ko.

"Pambili po ng gamot niyo, nay. Ito naman, baon ni Ysa at Mico. Pambili ng bigas... at pambayad ng kuryente." mahinang saad ko sa huli, nalulungkot sapagkat ni piso ay wala man lang natira sa sahod ko.

"Pasensya na anak kung ikaw ang nangangailangang kumayod para sa ating pamilya. Kung hindi lamang tayo iniwan ng iyong ama..."

"Ssshhhh... Nay, kalma po okay? Hayaan niyo na po siya." putol ko sa sinasabi ni inay dahil makikitaan mo na ito ng poot at galit sa kaniyang mga mata.

Sa kasamaang palad kasi ay iniwan na kami ng aking ama. Saad ay mangingibang bansa upang mag hanapbuhay ay namamangka na pala sa dalawang ilog, nagpapakasasa sa init ng katawan.

"Pero anak, ipapaalala ko lang sa 'yo ha? Nasa pinakamababang estado man tayo ng pamumuhay ay sana anak hindi mo pa rin maisipang kumapit sa patalim." payo ni inay na siyang tinanguan ko.

"Oo naman, nay! Ako pa ba?" saad ko pa kahit labas sa ilong.

"Ipinagyayabang nga kita sa mga kapitbahay anak, proud na proud ako sa 'yo kasi nagagawa mo kaming buhayin kahit sobrang hirap na ng buhay." natutuwang saad pa niya.

Napangiti na lamang din ako sa isinambit ni inay.

Inilibot ko ang aking paningin sa apat na sulok nitong munti naming bahay.

Napakaliit nitong bahay namin na kung susukatin mo'y nasa 9 square meters lamang. Dating barong barong ngunit nang makapag- ipon ipon ay unti unti ko nang ipina sementado. Nanatiling luma ang aming yero na kung saan ay nagdudulot pa ng maraming tulo rito sa loob tuwing umuulan.

Sa sahig lamang kami kumakain, at kung gabi naman ay maglalapag na ng banig na matutulugan.

Samantalang, ang aming palikuran ay nasa likod ng bahay, pinagtagpi tagping mga sako at tarpaulin lamang iyon.

Magpapadala na sana ako sa aking antok nang biglang bumukas ang aming pintuan. Mula roon ay pumasok si Ysa na nagdadabog.

"P/ta wala na namang kuryente?!" pasigaw niyang saad at nagdadabog na ibinaba ang kaniyang bag.

"Magbabayad pa lang ako bukas anak, kabibigay lang kasi ng ate mo ng sahod niya kanina." sagot ni inay sa mahinang tono.

"Ysa, iwasan mo ang pagrerebelde at tumulong tulong ka rito sa bahay. Tambak na naman ang labahan at dumarami na naman ang alikabok dito sa bahay." muling saad ni inay, dahilan upang magdabog muli si Ysa.

"Ano bang akala mo sa akin, katulong? Ikaw, doña?" tanong niya na siya ring sinagot ko.

"Ysa, 'yang bunganga mo. Baka nakakalimutan mong nanay natin 'yang kinakausap mo." kalmadong saad ko na kung saan ay ibinaling niya rin sa akin ang kaniyang tingin.

"Isa ka pa eh! Akala mo yata dahil ikaw ang naghahanap buhay dito, ikaw na ang nasusunod palagi eh!"

"Ysa! Igalang mo ang ate mo---"

"Ayan na naman tayo, nay! Ipinagtatanggol mo na naman ang magaling kong ATE. Palibhasa kasi siya ang paborito mong anak! Ano? Dahil ba siya ang kumakayod? Dahil sa kaniya nanggagaling ang baon namin? Dahil siya ang nagbibigay ng pangangailangan natin?" putol ni Ysa sa sinasabi ni inay.

"Pero nay, alam mo ba? Syempre hindi, wala kang alam sa katotohanan!" sumunod pa niyang saad at tumawa ng mapakla.

"Anong katotohanan ang sinasabi mo anak?" naguguluhang tanong ni inay na dahilan ng muling pagtawa ng aking kapatid.

"Ysa..." nagbabantang tawag ko sa kaniyang pangalan, umaasang tumigil na siya.

"Nay, itong magaling mong anak---"

"Ysa, ano ba?! Pwede ba tumigil ka na?!" pasigaw kong pagputol sa sasabihin na sana niya.

"Anak, hayaan mo munang magsalita si Ysa, gusto kong malaman kung ano 'yong katotohanang sinasabi niya." saad ni inay at tsaka tumingin kay Ysa, hinihintay na magsalita itong muli.

"Iyang magaling niyong anak, nay? P/kp/k 'yan. Kung kani-kaninong lalaki sumasama, kung sino sinong lalaki ang nagkakama sa kaniya. Eh sumasayaw pa nga iyan sa harap ng maraming lalaki habang hubo't h/bad!" natatawang saad niya.

"T-totoo ba iyon, anak?" naiiyak na tanong ni inay.

"Anak, sagutin mo ako parang awa mo na. Totoo ba iyon?" sumunod niya pang tanong. Marahil ay umaasa siya na sana nagsisinungaling lang ang aking kapatid na si Ysa.

Ganoon na lamang pagtulo ng aking luha nang mapaupo si inay habang ang kaniyang dalawang palad ay nakatakip sa kaniyang mukha.

Marami pang sinasabi si Ysa na hindi na rumirehistro sa aking isip sapagkat ang atensyon ko ay nakapokus na lamang kay inay nang bumuhos na ang kaniyang luha.

Patawad, inay. Kung ang anak niyong paborito ay siyang napakarumi. Pasensya na, inay kung ang anak niyong ipinagmamayabang ay siya palang kumakapit sa patalim.

Pasensya na, inay. Sapagkat ang akala niyong may marangyang trabaho ay nagiging parausan lamang pala ng kung sino sino.

Patawad. Pagkat ako'y tila kalapati na naging mababa ang lipad.

__________
@may-likha
errors ahead, open for (constructive) criticism
work of fiction
you can visit my timeline for more stories, thank you

One Shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon