OSS17 (SINO NGA BA ANG MAY SALA?)

1 0 0
                                    


"Bakit mo pa ako hinanap?"

"Isabel, mahal kita."

"Pero hindi tayo pwede."

"Bakit? Ano ba ang dahilan? Sabihin mo sa akin para malaman ko ang totoo, ang rason kung bakit bigla mo na lamang akong nilisan."

Blanko akong tumingin sa kaniya pagkatapos kong humigop sa iniinom kong kape. Sa loob loob ko'y hindi ko gusto ang lisanin siya ngunit iyon ay kailangan sapagkat ayoko pang mas masaktan siya.
_____
Habang papauwi noon sa aking tahanan ay nararamdaman kong may sumusunod sa akin. Pasimple akong lumiko ng daang tinatahak at tsaka nagtago sa puno upang masigurado kung sinusundan nga ba ako nito.

Agad ko rin siyang hinarangan nang lumiko siya at gulat na gulat na napatingin sa akin.

"Bakit mo ba ako palaging sinusundan?" mataray kong tanong sa kaniya.

"Paano mo nalaman na palagi kitang sinusundan?" nagtatakang tanong niya na ikinairap ko.

Ang munting bahay na aking itinayo ay nasa gitna pa ng mga kakahuyan, ito ay isang liblib na lugar at nakasisigurado akong ako lamang ang nakakaalam. Malayo ang lugar na ito mula sa mataong bayan kaya hindi na ako magtataka kung bakit may nakakapunta pa rito sa kinaroroonan ko, malamang ay sinusundan ako.

Itinaas ko lamang ang isa kong kilay at tsaka ipinagkrus ang dalawa kong kamay.

"Napapansin kasi kita palagi na taimtim na nagdadasal sa simbahan noon. Sa una ay sinubukan kong ignorahin ka na lamang ngunit tila tadhana na rin ang gumagawa ng paraan para makita kita."

"Sa bahay ampunan kung saan ako naglalagi ay hindi ko inaasahang makikita rin pala kita roon. Dahil sa mga tagpong iyon ay mas lalo akong nasasabik na makita kita palagi. Napakaganda mo lalo sa suot mong bestidang puti, binibini." saad nito at pinasadahan pa ako ng tingin mula ulo hanggang paa.
_____
"Mahaaal, anaaaak, halina kayo rito at maghahapunan na!" tawag ko sa aking mag-ama habang naglalapag ng pagkain sa mesa.

Pagkatapos ng ilang linggong sinusundan ako ni Gio ay nagpasya na akong pansinin ito sapagkat hindi ito tumigil kakatanong sa pangalan ko at kung pwede ba kaming maging magkaibigan.

Hindi rin nagtagal ay niligawan ako nito na siya namang pinayagan ko agad.

Ganoon na lamang ang aking gulat nang may dalhin siyang batang hindi ko kilala at sinabing ang batang iyon ay anak niya. Anak niya sa ibang babae ngunit pumanaw na ang ina ng bata.

Hindi man sigurado sa aking desisyon ay pinili kong tanggapin ang bata at itinuring ito na para ko na ring tunay na anak.

Habang kumakain ay masaya akong nakatingin kay Gio at sa bata. Tila ba nasa eroplano ang pagkaing nasa kutsara at tsaka ito isinusubo sa batang tuwang tuwa naman.

Siguro kung nabubuhay lamang ang tunay na ina ng batang si Lia ay masaya ang kanilang pamumuhay ngayon. Isa siguro silang masayang pamilya ngayon.

Sa isiping iyon ay napailing iling ako. Hindi nga talaga maaaring magsama kami ni Gio at ng kaniyang anak.

Hindi ko kayang nakikita ko ang mag-ama sa aking harapan sa kabila ng madilim na katotohanan.
______

Nabalik lamang ako sa diwa nang maramdaman kong ipinatong ni Gio ang kaniyang kamay sa kamay kong nasa mesa. Hinihintay nga pala niya ang sagot ko. Nawala kasi ako sa sarili habang binabalikan ang nakaraan namin.

Sasagutin ko na sana siya nang bigla ay napukaw ang atensyon namin sa telebisyon.

"Magandang hapon! At narito na nga ang nagbabagang balita! Natagpuan na nga ang bangkay ng mag-amang ilang taon nang naibalitang nawawala! Di umano'y ang suspetya ng mga tao ay ang babaeng dati ay kinupkop nila!"

One Shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon