1 - Freak

6 1 0
                                    

Kumatok si Felip sa isang lumang classroom kung saan naroon si Mrs. Santos, ang guidance counsellor ng Pag-Asa National Highschool. Hawak niya ang isang panyo para takpan ang kaliwang bahagi ng mukha niya. Sinadya niya ring pumunta ng eskwelahan nang late para wala gaanong mga estudyante ang makakita sa kaniya.

Isang linggo na ang lumipas magmula noong nagsimula na ang unang araw ng pasukan. Pero dahil sa kaniyang kondisyon, pinayagan siyang mag-enrol ng eskwelahan kahit na huli na siya. Kaya magkakaroon tuloy siya ng sarili niyang grand entrance.

Nang marinig ni Mrs. Santos ang katok, tumingin siya sa pinto. Ngumiti siya at naging rason iyon para magkaroon ng kaonting tibay ng loob si Felip.

"Pasok ka," sabi ni Mrs. Santos na agad sinunod ni Felip.

Umupo si Felip sa bakanteng upuan. Pinanood niyang magsulat si Mrs. Santos. Tiningnan niya ang mga larawan ng pamilya nito. Ang isang box ng ballpen, isang box ng chalk na wala pang bawas, at isang vase na puno ng plastik na mga bulaklak. Binasa niya ang nameplate na nasa harapan ng lamesa: Mrs. Constantine V. Santos, Guidance Counsellor.

Tumingin siya ulit sa guidance counselor. Tiningnan niya ang mga puting buhok nito - malamang galing sa mga makukulit niyang mga estudyante o 'di kaya'y dahil sa mga gagambang nasa kisame na hindi niya maabot - ang kulay gintong salamin, at maamo nitong mukha kahit kulubot na nagbibigay ng katiyakan sa kaniya na hindi siya nito huhusgahan.

Ganito nga siguro dapat ang itsura ng mga guidance counsellor. Para bang matutukso kang sabihin lahat ng sekreto mo dahil hindi ka nito huhusgahan.

Huminto sa pagsulat si Mrs. Santos at tiningnan siya.

"Bakit ka pa nandito? Magsisimula na ang klase mo," sabi ng guro at tumingin sa kaniyang relo. "Alas otso na. May klase ka na."

Napakamot sa ulo si Felip. "N-natatakot po ako."

"Anak, alam ko na nag-a-adjust ka pa lang sa highschool, pero magiging sanay ka rin."

"Baka po kasi, ma-bully ako."

Hindi kaagad nakaimik si Mrs. Santos. Alam niyang hindi ito maiiwasan lalo na't maraming mga batang makukulit at palaasar sa eskwelahan. Kahit na nakatakip ng panyo ang peklat ni Felip, mahahalata mo pa ring mayroong kakaiba sa kaniya. Maliit na bata si Felip, medyo payat din. Medyo mahina rin ang boses at pananalita. Malamang ay magiging sentro ito ng panunukso. Bumuntong-hininga muna siya bago siya magsalita.

"Makinig ka sa akin. Oo, makikita nila ang mukha mo. Oobserbahan ka nila, titingnan, may sasabihin sila, bubulong, magtatanong. Hindi mo maiiwasan ang kung ano mang gusto nilang isipin, pero maniwala ka sa akin, mababaling sa ibang bagay ang mga atensyon nila, at lalapit na lang sila sa'yo para maging kaibigan ka."

Hindi umimik si Felip,at alam ni Mrs. Santos na hindi niya nakumbinsi ang bata para hindi kabahan na pumasok sa silid-aralan. Pero ano nga ba ang alam niya sa batang ito? 

Ang alam lang ni Mrs. Santos ay nagkatrauma ang bata dahil sa sunog. Dahil sa trauma, nag-homeschool si Felip hanggang nasa tamang edad na siya para mag-highschool. Ngayong araw ang pagbalik niya sa pampublikong paaralan bilang grade 8 student. Walang kakilala, at ang tanging kaibigan lang ay siya.

"Ganito na lang: kapag may nam-bully sa'yo, 'wag kang magdadalawang-isip na sabihin sa akin. Aaksyunan namin kaagad."

Naging panatag si Felip nang marinig iyon. Tumingin siya sa orasan na nasa pader ng silid. Late na siya sa unang subject niya. At kapag late ka, malamang kailangan mong harapin ang mga mata ng mga kaklase mo. Kaya naman, kahit katorse anyos na si Felip, para siyang siyete anyos na batang nakiusap kay Mrs. Santos na samahan siya papuntang silid-aralan.

Little FreakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon