7 - Dinner

1 0 0
                                    

Dahil hindi pa nakapagsaing si Felip, binigyan na lang muna si Manuel ng isang mansanas ng kaniyang tiya Jackie. Nakaupo lang si Manuel sa sala at naghihintay na maluto ang nakakagutom na tinola ng tiyahin ni Felip.

Natatawa pa siya habang hinihiwa ni Felip ang mga rekados at tinuturuan ng tiyahin. Pero napansin niya na umiiwas si Felip sa apoy. Hindi rin siya pinapalapit ng tiyahin niya kapag kailangan nitong palakasin ang apoy.

Ayaw niyang kaawaan si Felip, dahil mas lalo lang itong manliliit sa sarili. Mas gusto niya itong yakapin ang sa tingin niya ay pangit sa kaniya. Peklat lang naman. Wala lang 'yon. Gusto niyang kumbinsihin si Felip na higit pa siya sa peklat niya.

Nang matapos nang maghiwa si Felip ng mga rekados, lumapit ito sa kaniya. 

"Kapag may nawala na gamit dito sasapakin kita," bulong ni Felip sa kaniya.

"Judgemental ampota," bulong niya rin pabalik.

Mahirap ang buhay ni Manuel. Hindi lang mahirap, matatawag na silang dukha. May lima siyang kapatid na ang lahat ay may kapansanan, may kakulangan at mga itsura na kakaiba kaya hindi sila makahanap ng matinong trabaho. Ayaw na sana niyang mag-aral pa pero pursigido ang nanay niya na makatapos siya kahit highschool man lang. Pero kahit mahirap sila, ang pagnanakaw niya ay hindi dahil sa mahirap lang sila.

Ninanakaw niya kahit mga gamit na walang kwenta. Tansan, sintas ng sapatos, minsan nga'y nagnakaw siya ng straw sa iniinom na softdrinks ng kapitbahay. Hindi niya rin maintindihan kung bakit. Pero kapag nakakakuha siya ng gamit na hindi sa kaniya, pakiramdam niya ay may  nakamit na siya sa buhay niya. 

"Iho, halika ka na't kakain na," sabi sa kaniya ni Jackie.

Kaagad na pumuntang kusina si Manuel at umupo katabi ni Felip. Mas lalo pa siyang nagutom sa sobrang puti ng kanin na umuusok pa. May tatlong mangkok ng sabaw at may isa para sa kaniya lang nakalaan. Sa mangkok ay may tatlong parte ng manok, sayote, at malunggay. Sa tabi pa nito ay may suka na maraming sili.

"Hindi ko alam kung ano ang paborito mong ulam kaya 'yan ang niluto ko."

"Wala hong problema. Kinakain ko pa lahat kahit pagpag."

Nagkatinginan ang mag-asawa at napansin ito ni Felip. Si Manuel naman kaagad na kumuha ng pagkarami-raming kanin at nagsimulang kumain. 

"Nagdarasal kami rito," bulong ni Felip kay Manuel.

Napahinto si Manuel sa pagkain pero puno na ang bibig niya ng kanin. Kaagad niya itong nilunok nang hindi nasasamid. 

"Maiintindihan po ni Lord. Gutom ako e. Tsaka na lang po kapag tapos na."

Nagkatinginan ulit ang mag-asawa. Dahil nasimulan na ni Manuel ang pagkain, silang tatlo na lang ang nagdasal. Pagkatapos nito, nag-umpisa na rin silang kumain. 

Maya-mayang nililingon ni Felip si Manuel. Para itong ilang araw na hindi nakakain. 

"Hinay-hinay lang, iho. Hindi ka namin aagawan." 

"Sigurado po ba kayo?" natatawang tanong ni Manuel.

Hindi nakaimik si Ryan. Napahawak na lang siya sa lumalaki niyang tiyan.

"Hindi 'to dahil sa pagkain ah. Galing 'to sa beer."

"Kung ganu'n magkakasudo pala tayo. Paborito ko ang beer e. Ang sabi sa 'kin ni inay, beer muna kasi pambata 'yon. Tsaka na ako iinom ng gin kapag malaki na 'ko."

Ang tanging maririnig na lang sa lamesa ay ang pagnguya ni Manuel. Hindi sila nakaimik. Hindi nila alam kung mabuti bang impluwensiya si Manuel kay Felip.

"So kamusta 'tong project na ginagawa niyo?" tanong ni Ryan para maiba ang usapan.

"Mag-uumpisa kami pagkatapos kumain," sagot ni Felip.

Little FreakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon