22 - Sing

0 0 0
                                    

Gusto nang mabihis ni Felip dahil nangangati na ang katawan niya sa suot-suot na costume. Tapos na ang performance nila sa MAPEH na theater arts pero heto pa rin siya't isang puno habang ang katabi niyang si Manuel ay isang bahay. Sa kanilang dalawa, si Manuel lang ang tila ba naaaliw sa mga suot nila.

Kasalukuyan nilang pinapanood ang performance ng grupo nina Rochelle at Hazel. Dahil puro babae, si Hazel ang ginawang lalaki na kapares ng kaklase nilang babae.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nagpapansinan. Ramdam niya noong una na gustong makipag-usap ni Hazel sa kaniya pero dahil ilang beses na siyang umiwas, hindi na nagpumilit pa si Hazel. Mas mabuti na iyon para kay Felip. Isasara na niya ang puso para sa bagong kaibigan. Ayaw na niyang masaktan ulit.

Lumingon siya kay Manuel na tumatawa habang nanonood. Hindi niya tuloy maiwasang maisip kung habang-buhay na ba silang magkaibigan o pati ito ay makakagawa o makakasabi ng masakit na makakaapekto sa pagsasama nilang dalawa.

Nang maramdaman ni Manuel na nakatingin si Felip sa kaniya, nilingon niya si Felip at nagtaka dahil sa titig nito.

"Nahuhulog ka na ba sa 'kin, ha?" tanong ni Manuel. Kaagad siyang binatukan ni Felip.

Pagkatapos ng performance na iyon, hindi na nawala ang tingin ni Felip kay Hazel. Pinanood niya itong tanggalin ang pagkakapusod ng buhok nito. Pinanood niya itong tanggalin ang mga palamuti na kinailangan para sa performance. Pinanood niya itong makipag-usap sa mga kaklase nila tungkol sa mga maling linya na nasabi niya. Pinanood niya itong ngumiti at tumawa habang kausap si Rochelle.

Hinintay niya na baka sakaling lingunin siya ni Hazel. Pero hindi. Inilaan ni Hazel ang atensyon sa performance ng susunod na grupo. 

Marami ang nakapansin na magmula noong naging mas malapit sina Hazel at Rochelle ay unti-unting nagiging babae tingnan si Hazel. Maayos na lagi ang humahaba na nitong buhok. Nagpupulbos na ito at nagtitrim na ng kilay. Nagsisimula na itong magsuot ng mga damit na hindi naman nito sinusuot noon. Mas lalong gumaganda si Hazel sa paningin ni Felip at mas lalo niyang nararamdamang wala siyang pag-asa.

Nang matapos na ang huling performance ng section nila, bumalik ang lahat sa kanilang upuan. Ang iba ay nagtatanggal ng makeup at inaalis na ang mga props sa harapan kung saan sila nagperform.

"Don't forget about the solo singing contest later, class. Who is your representative by the way?"

Walang kumibo. Noong nakaraang linggo pa nag-announce ang guro nila na may competition na ganito sa buong grade 8 sa subject na MAPEH. Pero hanggang ngayon wala pa silang representative. Wala ring mapilit si Rochelle dahil hindi niya kilala kung sino ang mag potensyal sa pagkanta.

"Wala?" tanong ng guro nila. "This is a performance task. Isang estudyante ang may hawak ng grades niyo sa performance task na 'to."

"Si Felip po marunong kumanta!" sigaw ni Manuel.

Napalingon ang lahat kay Felip. Gusto na lang niyang lamunin ng lupa. Pinagdasal niya pa na sana totoo ang bomb threat na kumakalat sa eskwelahan nila at sumabog kaagad sa tapat niya. 

"Mr. Galang?" tawag sa kaniya ng guro. "Are you willing to perform?"

 Kinurot ni Felip si Manuel sa tagiliran nang pagkalakas-lakas dahilan para mapaliyad ito. 

"Hindi po ako marunong kumanta, sir. Nang-go-goodtime lang 'to," palusot ni Felip.

"Okay, anyone? Five minutes na lang at matatapos na ang time natin. Give me a name."

Wala pa ring nag-vo-volunteer. Lahat nakatingin kay Felip. Hinihintay nilang itaas niya ang kamay niya pero wala siyang kahit kaonting plano para itaas ito.

Little FreakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon