14 - Eraser

0 0 0
                                    

Patapos na ang buwan ng septembre, at sa buwan ng Oktubre na ang kanilang acquaintance party. Hindi nila mawari kung bakit laging late sa mga events ang kanilang eskwelahan, pero sana hindi sa January ang magiging christmas party nila, iyan ang laging sinasabi ni Felip sa sarili. Dahil ang pasko ang pinakapaborito niyang okasyon. Malamig, walang klase, maraming handa, at makakatanggap siya ng mga regalo.

Sa buong araw naman, naging paborito ni Felip ang lunchbreak. Lagi silang pumupunta ni Manuel sa abandonadong kiosk. Hindi na rin ito masyadong maamoy dahil nililinisan nila. Wala ring pumupunta ritong iba dahil tinatakot nila, o 'di kaya ay nilalagyan nila ng mga harang. 

Hindi naman pansin ng tiyahin niya ang pangdalawahang baunan na dala niya. Masaya nga sila dahil akala nila ay nagkakagana na siyang kumain. Hindi nila alam, may pinapakain na silang iba.

"Kakainin mo pa ba yang longganisa?" tanong ni Manuel.

Umirap si Felip habang nagbabasa ng komiks. Bagong bili niya ito kaya hindi na siya makapaghintay. Gusto niya sanang basahin ito sa bahay pero ang sabi ni Manuel gusto niya ring mabasa kaya dinala na lang niya.

"Sa'yo na lang 'yan. Patay-gutom ka e."

"Yon!" sigaw ni Manuel at kaagad na kinain ang longganisa. Nang matapos siyang kumain, uminom siya ng tubig at dumighay nang pagkalakas-lakas.

"Hindi ko 'to laging nasasabi, pero salamat ha."

"Ha?"

"Magmula nung naging magkaibigan tayo, kahit wala akong baon pumapasok ako kasi nandiyan ka. Libre pagkain."

Natawa si Felip at tinulak palayo si Manuel. "Bading amputa."

Natatawa si Manuel at lumapit ulit kay Felip. "Babawi  ako sa'yo kapag may pera ako. Ililibre kita. Magiging waterboy ako sa susunod na linggo sa basketball. One pipti rin 'yon. Gusto mo balut?"

"Bahala ka."

"Titigil na 'ko sa pag-aaral, Felip."

Napahinto sa pagbabasa si Felip at tumingin kay Manuel na malayo ang tanaw. "Hanggang December na lang ako para matapos mo project natin sa ESP. Partner pa rin naman tayo don."

Hindi maiwasan ni Felip ang mainis. Ganoon lang ba ang ugnayan nilang dalawa? Dahil lang sa partner sila sa isang project? Sa classroom lang ba ang pagkakaibigan nila? Pero hindi niya ito tinanong. Nagkibit-balikat lang siya at nagpatuloy na sa pagbabasa ng komiks.

Nang matapos silang kumain, bumalik sila sa classroom na may nginunguyang judge. Habang nag-aaral si Felip para sa quiz, pinapaamoy naman ni Manuel ang kaniyang hininga sa pamamagitan ng pag-ihip sa mukha ni Felip.

"Tumigil ka nga. Amoy ko 'yung longganisa." 

"Sino niloloko mo dyan sa pagbabasa mo? Eh alam naman nating pareho mababa ang score mo."

"Kahit may masagot man lang ako. Ayoko ma zero, gago. Hindi kita pakokopyahin."

"Akala mo talaga may makokopya ako sa kaniya eh."

Natahimik ang buong section nila na nagpataka sa kanilang dalawa. Pumasok ang isang guro na hindi nila inaasahan dahil hindi naman ito nagtuturo sa section at grade nila. Mukhang seryoso ang mukha ng guro. Sa likuran nila ay isang pamilyar na estudyante. Maya-maya ay nakilala ito ni Felip. Isa ito sa mga nahuli nilang naninigarilyo.

"Sino rito si Manuel Castro?" tanong ng guro.

Kinabahan na lumingon si Manuel sa tumawag sa pangalan niya. Napaubo pa siya dahil nalunok niya ang nginunguyang judge. 

"S-sir?" sagot ni Manuel at itinaas ang kamay. Nakita niyang pumasok ang dalawang lalaki na nahuli nilang naninigarilyo.

"Siya po, sir. Siya po ang nagkuha," turo sa kaniya ng isang estudyante.

Little FreakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon