4 - Deal

3 1 0
                                    

Lunes na naman.

Nandito na naman ang kaba, ang puyat dahil hindi nakatulog kakaisip kung ano ang mangyayari kinabukasan. Nandito na naman ang walang laman na tiyan pero hindi makaramdam ng gutom. Nandito na naman ang malamig na tubig na kailangan niyang harapin at ang makati niyang uniform. 

At ang pinakaayaw niya sa lahat ay kailangan na naman niyang ipakita ang mukha niya sa mga tao. Buti na lang at lagi siyang hatid-sundo ng kaniyang tiya Jackie dahil mas madadagdagan lang ang alalahanin niya kapag nag-commute siya.

Pero kahit man kinakabahan siya, may inaabangan na siya sa eskwelahan, iyon ay si Hazel. Hindi niya alam kung maaga pa para sabihing kaibigan na niya si Hazel. Kung may kasama na ba siya sa pagkain ng tanghalian. Kung may kasabay na siya sa pag-uwi. 

Baka sadyang mabait lang si Hazel, pero hindi naman talaga sila magiging matalik na magkaibigan. Baka nga hindi siya nito pansinin. Mas mabuti nang hindi umasa para hindi masaktan.

Nang makarating na siya sa eskwelahan, pansin na naman niya ang mga titig ng mga estudyante sa kaniya. Kaya tinakpan niya ulit ang mukha ng panyo. Nakita niya si Hazel sa harap ng kanilang silid-aralan na nakikipag-usap sa kanilang mga kaklase habang may hawak na walis tingting.

Malayo pa lang ay rinig na niya ang boses nito. Ano kaya ang sasabihin niya? Hi? Kamusta? Salamat sa tubig na nilibre mo. Nasa kuwarto ko pa ang bote. Pwede ka bang kasabay maglunch mamaya?

Hindi lumingon si Hazel sa kaniya. Kaya binilisan na lang niya ang takbo papasok ng kanilang room. As usual, wala na namang pumansin sa kaniya. 

Hindi ito ang inaasahan niya. Akala niya noon ay may sasalubong sa kaniyang tatlong malalaking bully at aagawin ang bag niya para kunin ang baon niya. Akala niya ay may mang-aasar sa kanila at tatawagin siyang fire boy o kamukha ni balmond sa Mobile Legends.

Pero wala. Wala man lang sumubok na kaibiganin siya.

Dahil hindi pa naman mag-uumpisa ang flag ceremony, pumunta muna ng cr si Felip para magtago. 

Nakita niyang papalabas ng cr si Manuel. Basa ang buhok nito na kasalukuyan nitong kinukuskos sa isang puting tuwalya. Hindi rin ito naka-uniform, nakasuot ito ng kulay gray na damit na may  print na "Aldub" sa harapan.  May dala rin itong sabon at shampoo na kaagad naman nitong itinago sa bag.

"Oy!" bati nito sa kaniya. "Partner! Anyare nu'ng isang araw? Ba't bigla ka na lang tumakbo? Hindi tuloy tayo nakapag-usap tungkol sa project. Buti na lang pinaliwanag na ni Hazel sa 'kin. Pero medyo 'di ko pa gets."

Hindi siya kumibo. Hindi naman niya alam ang sasabihin. 

"Akala mo hindi kita maaalala, 'no? Hirap mo kayang makalimutan. May asset ka e. Ghost rider!" sabi nito at itinuro ang kaniyang mukha.

Ramdam ni Felip ang namumuong galit. Pero hindi na lang siya sumagot. Masarap mang sapakin ang pagmumukha ni Manuel, hindi niya pa rin ito magawa. Hindi rito sa eskwelahan. Hindi ngayon kung kailan nag-aalala ang tiyahin niya.

"Siya nga pala. Hindi kita matutulungan sa project na 'yan. Ang dami kong iniintindi e. Medyo famous kasi ako."

"Sino bang may sabi na kailangan ko ng tulong mo?" singhal niya. "Kaniya-kaniya tayo. Gagawa ka ng sa'yo, at ako rin."

"Ah, ganon ba 'yon? Sige nga, ano nga ulit 'yung project? Ipaintindi mo nga sa 'kin kung bakit 'di kailangan ng partner?"

"Libro. Gagawa tayo ng libro."

"Tungkol saan?"

"Sa partner."

"Paano ka gagawa ng libro tungkol sa 'kin kung wala kang alam sa buhay ko? Alam mo ba full name ko?"

Little FreakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon