29 - Book

1 0 0
                                    

Ilang buwan na rin ang lumipas magmula nang namatay si Manuel. 

Dumating ang Bagong Taon, Valentines Day, at lahat ng holidays na ibang mga tao ang kasama ni Felip. Lagi na rin siyang nasa Chess Club na nagbibigay sa kaniya ng paraan para hindi mangulila sa Closing Club nila ni Manuel. Mas naging malapit na sila ni Josh at iba pang mga miyembro nito. Nagkaroon pa nga sila ng competition laban sa ibang eskwelahan, at pinanalo niya ang lahat ng iyon. 

Gumagala rin siya kasama ang mga kaklase na kaibigan na niya. Sinasama na rin siya ni Hazel sa bahay nina Rochelle para makipagkwentuhan sa mommy ni Rochelle. Hindi na niya naiisip ang peklat sa mukha niya, nararamdaman na niyang isa lang siyang normal na tao. 

Isa si Manuel sa dahilan kung bakit hindi na niya kailangang itago ang peklat sa mukha. Noong una ay akala niya'y hindi niya kakayanin, na baka bumalik siya sa pagiging mag-isa dahil wala na si Manuel sa tabi niya. Pero maraming balikat ang nandoon para sandalan niya. Maraming mga kamay ang humawak sa kaniya. 

Maraming nagbago nang nawala si Manuel. Hindi niya tuloy maiwasang maisip kung ganito ba ang buhay - may mawawala at may darating. Sobrang daming dumating sa kaniya nang nawala si Manuel. Nagpapasalamat siya sa mga taong nandoon para sa kaniya, pero alam niyang handa siyang isuko ang lahat ng mga bagong kaibigan bumalik lang si Manuel.

Hindi na namalayan ni Felip ang panahon. Dumating na lang ang araw na Moving Up ceremony na pala nila. Kasalukuyan niyang pinaplantsa ang uniform na susuotin para sa seremonya. Ngayon ang pagtatapos niya ng Grade 8.  

Ang isa rin sa hindi maintindihan ni Felip ay ang pagiging tahimik ng eskwelahan tungkol sa pagkamatay ng isa sa mga estudyante nila. Isang hamak na estudyante lamang si Manuel, pero bakit parang wala man lang gumawa ng  kahit anong programa tungkol sa kaniya. Hindi kumalat sa eskwelahan ang pagkamatay ni Manuel. Walang nagtanong o nag-usisa sa mga guro maliban sa adviser nila. Ang akala niya magiging malaking balita ito pagbalik ng eskwela galing christmas break, pero hindi. Parang silang tatlo lang ni Rochelle at Hazel ang nagluksa. Ang iba sa mga kaklase niya ay nagulat lang. 

Pansin niya ring iniiwasan nilang pag-usapan si Manuel. Na para bang sumpa ang pangalan ni Manuel na may masamang mangyayari kapag binanggit ang pangalan niya. Pero aaminin niya na hindi pa siya handang pag-usapan si Manuel. Sa tuwing tinatanong siya ng tiyahin kung maayos lang ba siya, tumatango siya. Pinipilit na lang niya ang sarili na maging abala sa pamamagitan ng mga pelikula na alam niyang hindi magugustuhan ni Manuel. Simula noon, hindi natanggal sa utak ni Felip ang mga tanong, kung ganu'n na ba kasama si Manuel para hindi alalanin. Hindi ba nila alam kung gaano kabait na tao si Manuel? Pero alam niya rin na wala nang magagawa ang galit o lungkot. Hindi na nito maibabalik ang kaibigan niya.

Ang huling pag-iyak niya para kay Manuel ay noong nakita niya ang kabaong nito na inililibing sa lupa. Pagkatapos nu'n, hindi na siya ulit umiyak. Pinilit niya ang sarili na maging manhid, na maging masaya sa mga bagong kaibigan at mga bagong pangyayari sa buhay niya. Pinilit niyang ibaon ang lahat sa nakaraan. Tinago niya ang lahat ng mga bagay na pag-aari ni Manuel. Sa ilang buwan na ganito ang ginagawa niya, pakiramdam niya'y naging magaling na siya sa pagtago ng mga luha na sa tingin niya'y hindi na lalabas sa kaniyang mga mata.

"Felip, tara na," tawag sa kaniya ng tiyahin niya. 

Isinuot na ni Felip ang uniporme at bumaba kung saan naghihintay ang tiyahin niya. Binigyan siya ng tiyahin niya ng ngiti na alam niya ang kahulugan. Nakakalungkot na wala si Manuel ngayon. 

Habang nasa byahe, ramdam ni Felip na pabigat nang pabigat ang kaniyang dibdib. Sa likod ng kaniyang isipan, naririnig niya ang boses ni Manuel. Ililibre siya nito ng balut kapag nakapasa siya ng grade 8. Pero inisip niya na lang ang mga plano ng mga kasama niya sa Chess Club. Magsasamgyup sila at may outing. Isasama niya rin si Hazel at Rochelle. Iyon dapat ang isipin niya, hindi ang mga plano at mga pangako na hindi na matutupad.

Little FreakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon