28 - News

1 0 0
                                    

Kahit kakasimula pa lang ng Christmas break, heto si Felip at nagpapaprint ng project niya para sa ESP nila. Mamayang hapon na ang huling pasahan. Kung ang iba ay abala para sa Noche Buena, ang mga kaklase niya naman ay abala sa pag-bo-bookbind ng project nila.

Mabuti na lang at binigyan sila ng extension ng deadline ni Mrs. Torres dahil pasko naman daw. Kaya nandito siya ngayon sa Adele para magpaprint.

"Buti na lang nakaabot ka pa rito, ipapasara na 'to ng may-ari e," sabi sa kaniya ng tagabantay na hanggang ngayon ay hindi niya alam ang pangalan kahit ilang beses na silang nagtatanguhan.

"Bakit? Anong meron?" tanong ni Felip.

"Pupunta na sa Amerika ang may-ari. Hindi rin naman kasi 'to mapera na negosyo e. Nandito lang mga estudyante para magpa-aircon. Ang kaso, wala na 'kong trabaho nito. Wala ka na ring tatambayan."

"Hindi na kailangan. May kasama naman na 'kong gumagala kahit saan e."

"'Yon ba 'yung kasama mong mukhang kengkoy?" 

Natawa si Felip pero tumango siya. Aaminin niyang mamimiss niya ang Adele. Ito rin kasi ang naging takbuhan niya sa tuwing nalulungkot siya. Pero dahil may mga kaibigan na siya, hindi na niya kailangang magtago. Kasama niya si Manuel, pinapansin na siya ng mga kaklase, at kasali na siya sa isang chess club. 

Bumukas ang pinto ng Adele at nakita ni Felip si Hazel. Nakasuot ito ng crop top na kulay puti at pants na kulay itim. Wala na ang dating amoy lalaki nitong pabango. Marami talagang nag-iba kay Hazel, pero ang nararamdaman ni Felip ay ganu'n pa rin. Maganda na si Hazel sa kaniya dati pa. Paano na lang kaya ngayon?

Nagkangitian silang dalawa. Inaasahan na niya na pupunta ito sa Adele dahil nagkakausap na sila sa social media. 

"Tapos ka na ba?" tanong ni Hazel. "Buti na lang wala masyadong pumupunta rito. Wala tayong kaagaw."

Napasimangot ang lalaking nagbabantay sa Adele pero ngumiti lang si Hazel.

"Sabay na tayo magpasa. Nauna na kasi si Rochelle. Gumagala sila ng mommy niya ngayon kaya hindi ako masasamahan."

"Sige. Pero si Manuel kaya, gumawa ba siya ng gan'to? Parang hindi ko siya nakikita na nagsusulat ng gan'to e. Ang sabi niya sa akin hindi na siya gagawa kasi hindi naman na daw siya mag-aaral sa susunod na taon. Hanggang December lang daw siya ngayon. Hindi ko alam kung itutuloy niya pa ba ang plano na 'yon."

"Malay ko do'n. Tamad naman 'yon sa mga activities sa eskwelahan e. Sa trabaho lang 'yon masipag. Minsan nga naiisip ko kung hindi lang siya takot, malamang pusher na 'yon."

"Hindi pa ba talaga makakauwi si Manuel? Wala akong kontak sa kaniya e." 

"Ang balita ko hindi pa e. Pero alam na ng mama niya na nasa presinto siya. Buang kasi 'yon e. Kung anu-ano ginagawa sa buhay. 'Di na lang makontento sa kambing nila para sa pasko. Hindi mo rin naman masisisi. Noong huling pasko nga nag-pancit canton lang sila e."

"Pero menor de edad naman siya, 'di ba? Makakalabas naman siguro siya bago magpasko."

"Ewan. May atraso na 'yang si Manuel sa mga pulis don e. Ninakawan niya ng sapatos. Alam mo naman si Manuel, sa lahat ng lugar may kaaway. Katangahan lang niya, pati pulis dinamay niya."

"Wala ba tayong magagawa?"

"Naku, hintayin na lang talaga na lumamig ang ulo ng hepe don. Talagang yamot na yamot 'yon kay Manuel. Wala naman kasing masusumbungan. Marereport mo ba sa pulisya ang pulis? Kaya hintay na lang talaga."

Dalawang oras din silang naghintay bago sila nakapagbookbind. Bumili pa ng ilang gamit si Felip para pangremembrance dahil isasara na ang Adele. Bumili rin siya ng komiks para kay Manuel, ireregalo niya para sa pasko. Hindi siya nakabili para kay Hazel kasi hindi na surpresa kung ganu'n.

Little FreakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon