18 - Game

2 0 1
                                    

Tapos na ang suspension ni Manuel, habang silang tatlo ay may dalawang linggo pa. 

Ang buong akala ni Felip ay mahihiya itong mag-aral ulit, pero heto siya ngayon at  nakaupo na sa tabi niya habang inaasar ang iba niyang mga kaklase. Hindi niya alam kung disiplina ba ang nakuha ni Manuel sa suspension o kapal ng mukha.

Sa oras ng kanilang ESP, pinatayo si Manuel sa harapan para humingi ng tawad sa mga kaklase niya, pati na rin kay Felip. Mabuti na lang at hindi ito tumawa na lagi nitong ginagawa, para mapakitang seryoso siya sa paghihingi ng tawad.

"Humihingi ako ng tawad sa lahat ng mga gamit na nakuha ko. Trip ko lang kasing mangolekta ng mga gamit na hindi akin. 'Di ko rin alam. Pero promise, hindi ako kumuha ng pera o mga mamahaling bagay. Kaya nandito ang lahat ng mga gamit na nakuha ko rito. Kunin niyo na lang kung sa inyo," sabi niya at nilapag ang isang bag na puno ng mga kinuha niya sa room nila.

"Tarantado ka, pinalo ako ng nanay ko kasi nawala 'tong payong na 'to tapos na sa'yo lang pala," galit na sigaw ni Kyle at hahampasin na sana si Manuel pero kaagad na pumagitna ang kanilang adviser. 

Mabuti na lang at natanggap ng buong klase ang paghingi ng tawad ni Manuel. Pero kailangan niya pa ring sundin ang parusa na ibinigay sa kaniya ng Guidance Counsellor kasama sina Felip, Hazel, at Rochelle. Kasalukuyang ginaganap ang kanilang Acquaintance Party, pero heto sila at nagpipintura ng Guidance Office.

"Bakit kayong tatlo lang ang nasuspend? Eh marami naman pala kayong sumagot sa kapreng teacher na 'yon?" tanong ni Manuel habang nilalagyan ng glue ang buong palad.

"We crossed the line," sagot ni Rochelle habang abala sa pagpipintura ng dingding.

"Anong line? Sa flag ceremony?" 

Napahawak sa noo si Felip dahil sa tanong ni Manuel na iyon.

"Ibig niyang sabihin lumampas siya sa linya," dagdag ni Hazel.

"Sa ano ngang linya?"

"Kay sir."

"Bakit may linya si sir?"

"It means overstepping the boundary," ulit ni Rochelle. "We said something that questions his profession."

"Ha? Anong boundary? Tricycle?"

"Diyos ko," naiiritang sabi ni Felip. "Nainsulto namin si sir. Alam mo 'yung sinasabi sa TV na 'sumosobra ka na'? Ganun."

"Ah, sumobra ba kayo? Parang kulang pa nga 'yon e. Ikaw?" tanong ni Manuel kay Hazel. "Ano namang nagawa mo't lumampas ka sa linya?"

"Pinakyuhan ko si sir. Sabi ko sir, pakyu! Ganun."

"Eh, ikaw anong ginawa mo?" tanong ni Manuel kay Felip.

"Pinakyuhan ko rin si sir."

"Weh?" hindi makapaniwalang tanong niya habang natatawa. "Bakit? Anong trip mo?"

"Deserve niya 'yon. Ilang beses na niya 'kong pinagtripan sa klase."

Narinig nila ang malakas na hiyawan sa gymnasium ng eskwelahan nila. Nagtinginan silang apat, pero nagpatuloy din sila sa kanilang mga ginagawa. Nasipa pa ni Hazel ang tray ng roller paint dahil sa inis. Lumapit na lang siya kay Rochelle para sana inisin ito. 

"Hindi ka ba natatakot na baka bad record ka? Talino mong tao suspended ka," tanong ni Hazel kay Rochelle.

Napaisip si Rochelle nang ilang segundo bago sumagot. "Not really. I did something that I knew was right. I will never regret defending someone like Annika."

"Alam mo, mabait ka rin pala e," sabi ni Hazel na akala niya'y magpapangiti kay Rochelle. Pero sumimangot ito.

"That's not my intention. I don't want to be kind. I want to be just. Those are different." 

Little FreakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon