2 - Dreadful

1 1 0
                                    

Kanina pa tumunog ang bell, hudyat na p'wede nang umuwi dahil bukas na ang gate. Pero nasa palikuran lang si Felip, naghihintay na umuwi na lahat ng estudyante bago siya lalabas. 

Nasa isang cubicle siya, nakatingala, at maya-maya'y nakayuko para bilangin ang mga tiles. Ito na yata ang bago niyang paboritong lugar, ang pinakahuling cubicle ng kanilang cr.  Lagyan niya kaya ito ng poster ng paborito niyang banda, o 'di kaya nama'y vase. P'wede ring i-display niya ang mga binili niyang mga komiks na hindi niya pa nababasa. Paano kaya kung lagyan niya ito ng OUT OF ORDER na sign para siya lang ang makagamit? 

Maingay pa sa labas, senyales na marami pang estudyante. Ayaw niyang masama sa gitna ng mga nagtutulukang mga taong p'wede siyang i-bully. Ayaw niyang matitigan. Kaya kapag tumahimik na, p'wede na siyang umalis.

Nang mapansin niyang wala na gaanong estudyante, lumabas na siya ng cubicle. Hindi niya inaasahan na may isang estudyanteng lalaki ang naroon pa. Sa sobrang gulat ng estudyante ay tumili ito nang pagkalakas-lakas. 

EEEEEEEEEEEKKK. Ganu'n na tili. 

Marahil ay natakot sa kaniyang itsura. Sino bang hindi? Alas-singko na ng hapon at nasa isang cr siya ng eskwelahan. Kung pagsasamahin mo ang madilim na cr dahil hapon na at mukha niya, malamang aakalain mong nasa horror movie ka.

Nakahawak pa rin ang lalaki sa kaniyang dibdib pero kalmado na. Nang matauhan siyang isang tao si Felip at hindi multo na humihingi ng hustisiya ay nakapagsalita na ito nang maayos.

"Sorry, akala ko wala nang tao," sabi nito at umalis na.

Lumabas na rin si Felip, pero sa pagkakataong ito ay nakatakip na ang kaniyang peklat para wala na siyang matakot. Nagsisi siya nang mapansin na medyo marami pang estudyante. Ayaw niya na ring bumalik pa sa cr baka may matakot lang siya ulit. Kaya binilisan niya na lang ang paglalakad. Nakayuko lang. Nagbabakasakaling may makita siyang bato. Kahit anong hugis, kulay, basta bato. Pero nakakita siya ng patay na tipaklong. Nakakita rin siya ng medyas na sobrang dumi. Nakakita siya ng dumi ng aso na lanta na. Inaabangan niya ang kulay ng gate ng eskwelahan. Pero medyo malayo pa. Nasa damuhan pa siya at wala sa sementadong daan.

Pero ang hindi niya nakita ay ang bola ng sepak takraw na papunta sa kaniya. Napatumba siya, hindi dahil sa sakit pero dahil sa gulat. Nabitawan niya ang panyo na tumatakip sa kaniyang peklat.

"Sorry, tol!" rinig niyang sigaw sa kaniya.

Nilapitan siya ng isang manlalaro at inabot ang kamay nito sa kaniya. Nang tumingala siya, nagulat ang lalaki at napaatras nang bahagya. Dalawang tao na ang nagulat niya.

"S-sorry."

Hindi niya tinanggap ang kamay ng lalaki. Tumayo siya mag-isa at tumakbo palabas ng gate kung saan naghihintay ang tiyahin niya sa lumang jeep.

"Felip!" tawag ng kaniyang tiya Jackie sabay busina ng jeep.

Kaagad na sumakay si Felip sa tabi ng kaniyang tiyahin habang pawisan at hinihingal.

"Anong meron? Okay ka lang ba?" tanong ng tiya Jackie niya.

Lumingon siya sa likuran. Iniimagine niya na nasa horror movie siya kung saan maraming zombie ang humahabol sa kanila at kailangan na nilang tumakas.

"Ayos ka lang ba? Para kang galing marathon ah."

"Okay lang ako. Mag-drive ka na."

Hindi na nagtanong pa ang tiyahin niya. Nang nakalayo na sila sa eskwelahan, parang nabunutan ng tinik si Felip.

Tumingala siya at nakita ang repleksiyon sa salamin. Kahit siya ay hindi masikmura ang itsura niya, paano na lang kaya ang iba?

--

Little FreakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon