9 - Filipina

1 0 1
                                    

Habang hinihintay ang kanilang adviser para sa  susunod at huling subject, pinapanood ni Felip na maglaro si Manuel ng Mobile Legends sa kaniyang cellphone. 

Maingay ang mga kaklase niya, pero rinig niya pa rin ang bawat mura ni Manuel sa bawat pindot niya sa joystick ng nilalaro. Pansin niya rin ang band-aid na nasa mga daliri nito at mahabang mga kuko. 

"Bonak mo naman maglaro," bulong ni Felip kay Manuel na kasalukuyang nakikipagtalo sa mga kalaban.

"Eh hindi ko na maalala kailan ako huling naglaro e. Malay ko bang iba na pala. Nakalimutan ko na nga password ko sa account ko e."

"Mabuti na lang at hindi ako pumayag na sa rank ka maglaro. Kung hindi ubos star ko sa'yo."

Narinig niya ang Defeat na hudyat na tapos na ang laban. Hindi na lang niya kinuha ang cellphone, hinayaan niya na lang munang maglaro ito, buksan ang camera na app para mag-selfie o 'di kaya'y kumuha ng litrato niya nang hindi niya alam.

Hindi niya alam kung kaibigan na ba niya si Manuel. Pero ito lang ang tanging kumakausap sa kaniya nang matagal, ito lang din ang laging sumusunod sa kaniya. Lumipas ang isang buwan niya sa highschool na ito ang lagi niyang kasama. Magkaibigan na ba sila? Hindi niya alam. Ang alam niya lang ay partner niya ito sa isang proyekto, pero hindi naman nila ito laging napapag-usapan. Sabay silang kumain ng lunch. Nagkokopyahan sa tuwing may quiz. Active pa rin ang Closing Club na binuo nila at may sarili pa silang T-shirt na nag-ambagan pa sila para pam-print. Sabay silang umuwi kada hapon at sa tuwing weekend ay tumatambay sila sa treehouse nina Felip.

Pero hindi niya pa rin alam kung magkaibigan na ba sila.

Nang tumahimik ang classroom, alam na kaagad nina Felip at Manuel na naroon na si Mrs. Torres. Kaagad na kinuha ni Felip ang cellphone niya at itinago sa bulsa.

"Good afternoon, everyone. We'll have our meeting muna before our discussion. Since na-postpone ang celebration ng Buwan ng Wika, dalawang events na ang paghahandaan natin, kasi isusunod agad ang Acquaintance Party."

Rinig ang pagkadismaya ng klase. Ibig sabihin nito dalawa rin ang kailangan nilang bayaran na ambagan, dalawang outfit na susuotin, dalawang event na may mga paligsahan na kailangang ipanalo.

"Yes, yes. But calm down. This is a perfect time to enjoy. Mauuna ang Buwan ng Wika, sa susunod na linggo. After that, may isang linggo ulit tayo to prepare for Acquaintance Party. Here are the contests na kailangan nating hanapan ng representatives.

"Lakan and Lakambini, Spoken Poetry, Filipino Ballad na own composition, and lastly Poster Making. Now, let's choose the candidate for our Lakan and Lakambini dahil ito ang may pinakamaraming portions. Pero, hindi pa ito ang final, okay? All Lakan and Lakambinis from all sections in every grade level will have their own competitions first before the final round. That means all sections in grade 8 will have their representatives. After that, kung sino ang mapipili, sila ang magrerepresent sa buong grade 8. Am I clear?"

Napatingin ang lahat kay Rochelle, pati na rin si Hazel. Alam niyang si Rochelle ang pipiliin. Kahit siya, hindi niya maikakailang ito talaga ang pinakamaganda sa klase. Sigurado mananalo sila kung ito ang rarampa sa entablado. Ngunit bakit may imaheng nakatago sa likod ng kaniyang isipan? Imahe niya na nakasuot ng Filipiniana, naka-make-up, at rumarampa?

"Rochelle po, ma'am," sabi ni Kyle habang nangungulangot.

Kaagad na sumang-ayon ang buong klase. Kahit ang kanilang adviser ay hindi na tinanggihan ang sinisigaw ng kaniyang mga estudyante. 

"Lakambini ang bebe ko," bulong ni Manuel kay Felip na walang reaksyon. 

"Hindi naman bagay kay Rochelle. Hindi naman to Miss America."

Little FreakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon