27 - Friend

0 0 0
                                    

Kanina pa nagsimula ang Christmas Party, pero hindi pa rin magawang mag-enjoy ni Felip. Suot niya ang isang polo na kulay puti na binili nila ni Manuel sa ukay. Nagpagupit din siya at may bagong sapatos na niregalo sa kaniya ng tiyo Ryan niya. Marami na rin silang nakain at nalarong party games. Nang matapos ang mga laro at nagpapatugtog na lang ang classroom, tumayo siya sa pintuan at tiningnan kung darating ba si Manuel. Pero malapit nang matapos ang party, wala pa rin si Manuel.

Hindi niya rin alam kung ano ang rason kung bakit hindi ito nakadalo. Ang alam niya ay may plano itong dumalo sa party dahil may ibibigay siyang regalo para kay Rochelle. Hindi niya rin ito ma-kontak dahil wala itong cellphone o social media. Ang tangi niya lang magagawa ay maghintay, at kung matapos na ang party at wala pa rin, pupuntahan niya na lang ito sa kanila.

"Hindi na darating 'yon. Nakita ko 'yon sa sabungan e. Tinanong ko pa kung pupunta ba siya rito ngayon. Sabi niya susunod lang daw siya. Anong oras na oh," sabi sa kaniya ni Hazel. "Nag-enjoy yata sa sabong. Bawal pa naman 'yon. Lagot na naman sila kapag may rorondang pulis do'n."

Narinig niya ang sinabi ni Hazel pero hindi siya lumingon. Halu-halo ang emosyon niya ngayon. Kanina niya pa hindi matingnan nang diretso si Hazel dahil sa ganda nito. Lahat silang mga magkaklase ay nagulat sa bagong dating ni Hazel, pero siya lang yata ang hindi makatingin nang hindi kinakabahan.

"O-okay lang. Bahala na siya kung pupunta ba siya rito o hindi."

"Ang sabi sa 'kin ni Manuel may regalo ka raw sa 'kin," tukso ni Hazel.

Mas lalo siyang nainis kay Manuel nang marinig iyon. Ang usapan nila ay sabay nilang ibibigay ang mga regalo nila sa mga crush nila dahil Christmas break naman na at hindi nila makikita ang mga crush nila ng ilang araw. Sa isip niya ay sinasapak na niya si Manuel. 

"Gago talaga 'yon," bulong niya na narinig pa rin ni Hazel. 

"Akin na," sabi ni Hazel at inilahad ang kaniyang palad.

Nag-aalangan man, kinuha ni Felip ang isang maliit na box sa bulsa at ibinigay kay Hazel. Pagbukas ni Hazel ng box, nakita niya ang isang kwintas na may letter A. 

"A kasi Arevalo... alam mo na. Apelyido mo," naiilang na paliwanag niya. "Mura lang 'yan kaya baka kalawangin kapag nababad sa tubig."

"Ang sabi sa 'kin ni Manuel ang regalo mo raw ay Aasawahin," natatawang sabi ni Hazel. "Gago talaga 'yon. Pero salamat. Na-appreciate ko 'to. Wala pang nagbibigay sa 'kin ng gan'to. Kahit pa sabihin mong mura lang, big deal na 'to 'no."

Sinuot ni Hazel ang kwintas. Nang maisuot na niya ito, tumingin siya kay Felip at ngumiti. At sa pagkakataong iyon, nagkaroon na ng lakas ng loob si Felip na titigan si Hazel. 

"Anong plano mo pagkatapos ng party?" tanong ni Felip.

"Pupunta ako sa bahay nina Rochelle. Swimming kami sa pool nila," sagot ni Hazel.

Tumango siya at hindi na kumibo. Plano niya sanang imbitahing gumala si Hazel sa bahay nina Manuel.

- - - - - - - - -

Nang matapos na ang Christmas Party, napagdesisyonan na lang ni Felip na maglakad mag-isa. Nagtatampo pa rin siya kay Manuel dahil sa hindi nito pagsipot, pero mabuti na lang at ang natanggap niyang regalo ay isang mug na may Batman na design. Hindi na siya makapaghintay na ipakita ito kay Manuel para magpainggit. 

May nakasalubong siyang mga estudyante na naglalaro ng chess sa labas ng isang classroom. Marami-raming nakapalibot sa kanila na mga estudyante rin. Ang dalawang naglalaban ay nakasuot ng christmas hat at ang isa ay may balbas pa na parang kay Santa Claus. Dahil maaga pa naman, huminto muna siya para manood. Tiningnan siya ng mga estudyante na naglalaro. Ang akala niya'y magugulat sila sa kaniyang itsura pero para silang nahihiya kaya medyo lumayo siya nang konti.

Little FreakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon