12 - Girlhood

2 0 0
                                    

Malaki ang garahe ng bahay nina Rochelle, mayroon ding kotse, pero wala silang driver na nagmamaneho rito dahil niligawan siya ng dati nilang driver kaya kaagad na sinesante ng nanay niya. Magmula nun, hindi na ulit sila kumuha ng driver. Hatid-sundo si Rochelle lagi ni manang Helen. Sakay ng tricycle kahit saan pa sila pumunta. Wala namang pakialam si Rochelle kung samahan pa siya ng kasambahay nila kahit saan. Masaya pa nga siya. 

"Maganda pa naman 'yang anak ko. Mahirap na," iyan ang laging linya ng kaniyang ina sa tuwing pinapasamahan siya nito kay manang Helen. 

Mulat na ang mga mata ni Rochelle sa ganitong mga bagay. Alam na niya ang mga pwedeng mangyari sa kaniya kaya inalam niya ang lahat ng paraan para maging ligtas. Ang kulang nga lang sa kaniya ay pisikal na lakas. 

Dahil nagkasakit si manang Helen, hindi na siya nito nahatid papuntang eskwelahan. Ilang buwan na rin namang walang nangyayaring masama sa kaniya kaya wala naman na siguro siyang dapat ikabahala. 

Pero heto siya ngayon sa harap ng kanilang eskwelahan, nakikipagdebate sa tricycle driver na ayaw siyang pababain ng tricycle.

"Five hundred? But that's too much."

"Convert it dollar, cheap."

"No, no. Five hundred pesos is too much for a ride. It's not fair."

"Pay me. Pay. Bayad. Poor here."

Nauubusan na siya ng pasensiya. Idagdag mo pa ang bigat ng Filipinia na kailangan niyang suotin.

"Manong, ano po problema rito?" 

Lumingon si Rochelle at nakita ang kaklaseng si Manuel. "This man just told me I need to pay five hundred pesos for a ride of this tricycle."

"Ha? Teka, slowly."

"He ... told me, I need to pay five hundred pesos."

Nang maintindihan ni Manuel ang gustong sabihin ni Rochelle, tumango siya at tumingin ulit sa driver.

"Ito naman si manong, dose pesos lang naman tricycle galing sa bahay nila ah."

Dumukot sa bulsa si Manuel at nakapa ang natitirang sampung piso. 

"May dalawang piso ka ba?"

"I can pay for it. How much?"

"Twelve."

Kinuha ni Rochelle ang bente sa bulsa at ibinigay sa driver. Bumuntong-hininga ito at pinatakbo ang tricycle nang matulin. Hindi naitago ni Rochelle ang pagkainis. 

"You know where I live?" tanong niya kay Manuel.

"Bahay niyo lang naman may swimming pool dito e. Sa susunod ibayad mo agad 'yang dose tapos takbo ka na. Marami talagang manggagatso rito lalo na sa mga kano. Tapos dapat sa guard ka banda bumaba para makasumbong ka kaagad."

"Thank you,"  sabi niya at tumalikod na para pumasok ng paaralan.

Ayaw niyang isipin na kailangan niya ng iba para maging ligtas. Kailangan niya si manang Helen, tapos ngayon kailangan niya pa ng isang lalaking pinoy na iligtas siya sa mapagsamantalang driver. 

Kaya ba kailangan siyang may kasama lagi? Kaya ba may yaya siyang sinasamahan siya kahit saan siya magpunta? Meron naman siyang nanay, bakit hindi ito ang magbigay ng proteksyon sa kaniya? May tatay naman siya, pero bakit parang hindi pa rin siya ligtas? Paano kung mangyari ulit 'yon sa kaniya? Paano kung walang Manuel na darating? 

Malalim na buntong-hininga ang nailabas niya dahil sa daming iniisip.

- - - - - -  -

Buwan ng Wika kahit September na. Kung sa buong Pilipinas ay buwan ito upang maging makabayan, para sa mga estudyante ng Pag-Asa National Highschool, ito ay kumpetisyon para malaman kung sino ang pinakatalentadong section sa eskwelahan.

Little FreakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon