6 - Beer

2 0 0
                                    

Hinintay muna ni Felip na lumubog ang araw bago umalis ng bahay kahit na alas-singko ng hapon ang usapan nila ni Manuel na magkikita sa Adele. Alas-sais na siya ng gabi nakarating doon. As usual, kaonti na naman ang mga tao at madalas pang nasa school supplies section. Pumunta si Felip sa comics section kung saan nila nagpagkasunduan na maghihintay sa isa't isa. Pero imbis na si Manuel ang nakita niya, si Hazel ang nadatnan niya kasama ang tatlo nilang mga kaklase na sina Gina, Ysabel, at Wilma.

Aatras na sana siya pero huli na ang lahat, nakita na siya ni Hazel. Nakalugay ang buhok nito at presko tingnan. Amoy niya ang pulbo at cologne na amoy barako.

"Oy, Felip," bati ni Hazel sa kaniya. 

"H-Hazel, oy," tarantang bati niya. Kinakabahan dahil si Hazel ang kaharap niya at dahil na rin sa mga kasama nito. 

"Hi, Felip," sabi ng tatlo niyang kaklase nang sabay-sabay.

Hindi maitago ni Felip ang saya. Ngayon lang yata siya kinausap ng mga ito kahit dalawang linggo na silang magkaklase. Kahit alam niyang napilitan lang ang mga ito na batiin siya para maiwasan ang ilangan.

"H-hi," bati niya sa kanila habang pasimpleng tinatago ang peklat gamit ang kamay. Hindi alam ni Felip kung bakit hanggang ngayon ay ginagawa niya pa rin ito. Alam niyang hindi masasakop ng kaniyang kamay ang buong peklat niya pero awtomatiko pa ring itinatago ng palad niya ang mukha niya.

"Sino kasama mo?" tanong ni Hazel sa kaniya.

"Oy, classmates!" bati ni Manuel sa kanila. 

Ramdam ni Felip ang pagluwag ng hininga dahil sa nandito na ang maingay niyang kasama na pwede niyang iharap sa mga kaklase.

Pero napansin niya ang pag-irap ni Gina, ang pagsimangot ni Ysabel, at ang pagbuntong-jhininga ni Wilma. Iniwan sila ng tatlo niyang kaklase.

"Sunget ng mga 'to kala mo naman magaganda," sabi ni Manuel, siniguro niya pang narinig siya ng mga ito. 

"Himala at napunta ka rito," sabi ni Hazel. "Okay na ba si Tonton?"

"Hindi pa e. Siya lang ata ang may apat na paa pero hindi makalakad."

Sabay na natawa si Hazel at Manuel habang siya ay hindi makapaniwala sa narinig. 

"Apat paa ng kapatid niya," kaswal na kwento ni Hazel na nagpanganga kay Felip. "Siya nga pala, gagawa na kayo ng project sa ESP?" 

"Ah, oo. Papunta kami kina Felip ngayon."

"Kami nga rin e. Papunta sa bahay ni Rochelle. Ang laki pala ng bahay nila. Gan'yan talaga siguro kapag afam ang tatay 'no?" bulong ni Hazel na para bang may nakasunod sa kanilang stalker na pwedeng looban ang bahay nina Rochelle. "Bantayan mo 'tong si Manuel. Kawatan 'yan. Hindi 'yan mapakali kapag hindi nakakanakaw."

"Ina mo," natatawang sabi ni Manuel. 

Natahimik silang tatlo nang dumating si Rochelle. Nakatali ang kulay blonde nitong buhok at nakasuot ng kulay pink na T-shirt. 

"Hello. Are you also here to buy some supplies?"

"Bumili lang kami ng komiks," sagot ni Manuel.

"I love comics. Especially The Amazing Spiderman. It was released --"

"Utang na loob, Rochelle, walang may pake," sabat ni Hazel at hinawakan sa braso si Rochelle. "Una na kami at baka umabot na naman kami sa kung sino ang nag-imbento ng papel."

"O-okay," sabi ni Felip. Mayroong paghihinayang sa boses niya, marahil dahil ayaw niya pang umalis si Hazel. Gusto niya pa itong kausap.

"You are so rude," sabi ni Rochelle habang kinakaladkad siya ni Hazel. "How could you interrupt me while I am sharing some fun facts?"

Little FreakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon