10 - Foreigner

2 0 0
                                    

Hindi makapaniwala si Felip sa ginawa ni Manuel. Ito na yata ang nakakamuhing ginawa nito sa kaniya. Iniwan siya nitong mag-isa sa classroom dahil absent ito. Wala rin siyang natanggap na excuse letter para malaman kung bakit siya absent.

Kaya heto siya ngayon, walang kausap habang ang mga kaklase niya ay sobrang ingay. Tumingin siya kay Hazel na abalang nakikipag-usap sa mga kaibigan nito.

Doon siya natauhan na nagiging kaibigan na niya si Manuel. Ilang linggo na rin niyang hindi ramdam na nag-iisa siya kahit nakakaasar kasama si Manuel. Naisip niya rin kung papasok din ba siya sa club nila. Si Manuel lang naman ang matakaw, pero napamahal na sa kaniya ang lasa ng makunat na turon kada uwian. 

Bwisit na Manuel talaga. Iyan ang bulong niya buong maghapon. 

Tumingala si Felip para tumingin sa orasan. Alas-dos na pala ng hapon, nandito na ang Araling Panlipunan nilang guro na ayaw na ayaw nila - si Minardo Cruz. Mabigat ang awra ni Mr. Cruz. Alam na alam mong may masama itong kaluluwa. Palagi kasi itong nagbibiro nang hindi maganda. Bawal din ang hindi sumunod dito. Sa unang tingin ay akala mo masayahin itong tao, pero idinadaan nito sa tawa at biro ang mga insulto. May reputasyon na itong nagpapahiya ng mga estudyante kaya ginagawa nila ang lahat 'wag lang itong magalit. 

Nang matauhan ang lahat ng oras na para sa isang oras na kaba, tumahimik na silang lahat dahil ayaw ng guro na madatnan silang maingay. Nadala na sila noong naabutan silang maingay kaya pinahiya ang buong section nila na parang merkada - mabaho na, maingay pa.

Pagkaapak ni Mr. Cruz sa kanilang silid-aralan, parang dumilim ang paligid. Hindi nila alam kung dahil makulimlim o dahil nandito na ang hari ng lagim. 

"Good afternoon, mga living creatures ng Calachuchi," bati ng guro sa kanila. "Bago tayo magsimula, paalala lang na itapon niyo na ang mga ballpen niyo na maingay. Kung inaantok kayo, lumabas kayo ng room dahil ayaw kong makita ang pangit niyong pagmumukha na humihikab. At kung naiihi kayo, kailangan niyong itaas ang mga kamay ninyo at tanungin kung pwede bang lumabas." 

Walang sumagot sa kaniya, pero alam na niyang naging malinaw siya sa kaniyang mga rules. 

"Ms. Marquez," tawag nito sa kaklase nilang maliit na si Josephine. "Hindi mo naman siguro pangarap maging prostitute, ano?"

Tila binuhusan ng malamig na tubig si Josephine. Hindi niya alam kung ano ang ginawa niya. Nakabutones naman nang maayos ang blouse niya. Hindi na rin nakikita ang tuhod niya dahil pinahaba na niya ang kaniyang palda. Nasa bulsa na rin ang suklay niya. Wala pa nga siyang first kiss, paanong naging prostitute na lang siya bigla nang hindi niya man lang namamalayan.

"Tanggalin mo 'yang lipstick mo," utos ng guro. Kaagad na pinahid ni Vilma ang mga labi gamit ang palda niya. Hindi naman ito lipstick, galing lang ito sa pagkain niya ng lollipop. Pero ayaw niya itong idahilan dahil alam niyang mapapagalitan pa rin siya.

"Attendance. Kapag hindi kayo sumagot kaagad kapag tinawag ang pangalan niyo, tatanggalin ko talaga 'yang tenga niyo," banta ng guro. Nagsimulang magtawag ng pangalan si Mr. Cruz. Lahat inaabangan na matawag ang apelyido nila. Hindi na nga sila halos huminga para lang marinig nang malinaw ang guro.

"Castro?" tawag ni Mr. Cruz sa apelyido ni Manuel. Nang walang sumagot, tumingala si Mr. Cruz at tumingin sa bakanteng upuan na nasa tabi ni Felip. "Wala? Anong balita sa kaibigan mo Mr. Galang? Bakit absent na naman?" 

"Hindi ko po alam, sir," sagot ni Felip.

"Baka natakot sa'yo ha? Sabi nila basta lagi raw magkasama nagiging magkamukha na e." 

Rinig niya ang pagtawa ng iilan sa mga kaklase niya. Nagtinginan pa sila ni Kyle na isa sa mga natawa. Huminga na lang siya nang malalim, pilit na kinakalma ang sarili. Gusto niyang isumbong si Mr. Cruz, pero kanino? Sa Guidance Counsellor? Pwede ba 'yon? Malamang hindi siya kakampihan. Isa lamang siyang hamak na estudyante. Wala siyang kapangyarihan dito. 

Little FreakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon