11 - Queen

0 0 0
                                    

Lahat ng normal para sa kaniya ay kamangha-mangha na para sa iba. Hindi niya rin maintindihan kung bakit. Normal lang sa kaniya na may dalawang-gusaling bahay. Normal na sa kaniya ang pagwika ng ingles. Normal na sa kaniya ang may shower at bath tub sa banyo. Normal lang sa kaniya ang itsura niya pero rito sa Pinas, para na siyang isang Diyosa na sinasamba ng mga tao.

Nakakasilaw raw sa puti, maganda raw ang kulay ng buhok, at masarap titigan ang mga mata niyang kulay asul. Para raw siyang totoong barbie. Minsan ay nawawalan na siya ng personal space dahil hinahawakan na lamang siya ng mga kapitbahay niya sa braso para maramdaman ang kinis ng balat niya. At ayaw na ayaw niya iyon. Sa tuwing may humahawak sa kaniya, kaagad siyang naghuhugas ng kamay, o 'di kaya ay naliligo.

"Ang ganda-ganda talaga ng anak mo, Rachel!" 

"Mabuti na lang at nagmana sa tatayang itsura."

"Pwede mo nang isabak sa beauty contest at pagiging artista."

Iyan ang madalas na sinasabi ng mga kaibigan at kapitbahay ng kaniyang nanay sa kanila. Minsan lang sa ilang buwan nagpapakita ang kaniyang ina, at sa tuwing magkasama sila, para siyang trophy na iwinawagayway ng kaniyang ina para mapakitang may maganda siyang nagawa sa buhay. 

"Ayos lang sa akin na hindi ko na nakakasama ang kanong asawa ko. Basta may maipadala lang siya sa akin.."

Iyan ang laging sinasabi ng kaniyang ina sa lahat ng kausap niya, pero ang totoo, hindi lang siya pinili. Isa siyang kaladkaring babae, kabit, parausan. Hindi naman talaga siya trophy, isa siyang bunga ng isang pagkakamali, at alam iyan ng kaniyang ina. Kada alas dos ng madaling-araw, pumupunta ng banyo si Rochelle, at nakikita niya lagi ang ina na umiinom sa mahabang mesa nang mag-isa.

Pero nang nagdalaga na siya, ni anino ng kaniyang ina ay minsan na lang niyang makita. Naubusan na rin siya ng pasensiya para hanapin ito. Mabuti na lang talaga at nandiyan si manang Helen para alagaan siya, kahit na alam niyang nandito lang ito dahil sa pera at bahay. Kahit na ganu'n, napamahal na siya sa tinuturing niyang pangalawang ina.

"When is mom coming back?" tanong niya noong walong taong gulang pa lamang siya.

"Soon, my dear," iyan lang din lagi ang sinasabi ni manang Helen. 

Memoryado na niya ang tono, ang bawat salita, at bawat lungkot sa sagot ni manang Helen. Soon. Hindi detalyado, walang petsa, kasi walang nakakaalam. Basta kung kailan lang gustong lumitaw. Soon. Isang salitang kumbinasyon ng 'hindi ko alam' at 'uuwi 'yon, hintayin mo na lang'. Hanggang napagod siya. Hanggang sa hindi na siya naghihintay.

"Ang ganda ng bahay niyo," sabi ni Hazel nang bumisita ito sa ikaanim na pagkakataon. Ito rin ang sinabi niya noong unang beses at pangalawa at pangatlo. Parang kada bisita niya rito ito ang una niyang sinasabi. Ang ganda ng bahay niyo. 

"It's just normal," sagot niya lagi.

"May shower pa kayo. Ang yaman niyo talaga."

"It's normal. Every house has that."

"Wala kaming shower e."

"Really? Why?"

"Matapobre mo naman."

"I'm just asking."

Kahit na matalino, hindi madali para kay Rochelle ang makitungo sa kapwa. Prangka, masyadong masakit magsalita. Hindi siya marunong magsinungaling, at sasabihin niya ang gusto niyang sabihin kahit na masaktan ka pa. At hindi niya rin alam kung nasasaktan ka na ba.

Hindi rin madaling makalimot si Rochelle. Alam niya ang sinabi mo kahit ilang taon na ang lumipas. Naaalala niya pa rin ang lahat ng mga contact numbers. Regalo para sa iba, pero para sa kaniya ay sumpa. Dahil may mga bagay na gusto niyang malimutan. Noong pitong taong gulang pa lamang siya, naalala niya ang ina na may katalik na hindi niya tatay. Noong limang taong gulang, naalala niya ang mukha ng kaniyang ama. 

Little FreakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon