Calilah Agatha's
"Ate, totoo ba yung sinabi ni nanay na ikakasal ka na doon sa mayamang may-ari ng farm?" inosenteng tanong sa'kin ng kapatid kong si Ataliah habang naghuhugas kami ng pinagkainan dito sa may likod bahay.
"Hindi totoo yun, Liah" sagot ko sa kapatid ko habang nagkukuskos ng kalderong puro uling. "Babalik pa ako sa pag-aaral. Hindi ako mag-aasawa hangga't hindi ko natutupad ang pangarap kong maging isang flight attendant"
"Ha? E iyon ang kinukwento ni nanay sa mga kapitbahay e. Sa susunod na buwan daw kayo ikakasal nung anak ni Don Sofronio" kakamot-kamot sa ulong sabi ng kapatid ko kaya napairap na lang ako sa hangin. Napaka-ilusyunada talaga ng nanay namin.
"Wag ka ngang makikinig dun. Sige na, gawin mo na yung assignment mo sa loob. Ako na ang bahala dito. Ayusin mo ang pag-aaral mo, Liah ha! Swerte ka kasi nakakapag-aral ka!" sermon ko sa kapatid ko kaya mabilis pa sa alas kwatrong binitawan niya ang kawaling hawak.
"Ay salamat, ate! Medyo madami nga akong assignment ngayon e" ngingisi-ngising sabi niya kaya napailing na lang ako. Sigurado kasi akong ayaw naman talaga niya akong tulungang maghugas nitong mga pinagkainan at pinaglutuan mula sa maliit naming karinderya.
Nang maiwan ako ng kapatid ko ay napabuntong hininga na lang ako habang nakatingin sa madilim na kapatagang nasa harapan ko. Likod bahay namin ito at dito talaga kami naglalaba at naghuhugas ng pinggan dahil nandito ang poso. Tanging gasera lang ang ilaw ko pero ayos lang. Sanay na naman ako.
Sanay na ako sa buhay na ganito pero hinding-hindi ako papayag na hanggang dito lang ako. Pinapangako ko sa sarili kong magtatapos ako ng pag-aaral at aalis ako sa lugar na ito.
Sabi ni nanay, masyado daw mataas ang pangarap ko. Wag daw akong ganun kasi siguradong kung gaano daw katayog ang pangarap ko, ganun din kataas ang babagsakan ko. Sa huli ay masasaktan lang daw ako pero hindi ako naniniwala sa kaniya. Hindi niya hawak ang kapalaran ko.
"Lila! Hindi ka pa ba tapos diyan?! Kanina ka pa diyan ah!" napapitlag ako nung narinig ko ang sigaw ni nanay mula sa loob ng kabahayan. Hindi ko alam kung bakit palagi na lang itong galit. At ako ang pinakapaborito niyang pagalitan.
Pangatlo ako sa limang magkakapatid. Yung dalawang kuya ko ay may mga asawa na kaya kaming tatlo na lang nina Ataliah at Kamilah ang kasama ni nanay dito sa bahay.
Lasinggero yung tatay ko at minsan lang umuwi dito sa bahay. Doon siya namamalagi sa bahay ng Kuya ko sa loob ng hacienda ng mga Laurente. Taga pangalaga kasi ng kabayo ang panganay kong kapatid doon. Yung nanay ko naman ay may maliit na karinderya. Sapat lang ang kita sa pang-araw-araw na gastusin at gamutan ni Kamilah. May sakit sa puso ang bunso namin kaya nga baon din kami sa utang. Iyon din ang dahilan kaya napahinto ako sa pag-aaral. Walang mag-aalaga sa kapatid ko pag nasa karinderya si Nanay.
Tapos na ako sa senior high school pero hindi ko na naipagpatuloy ang kolehiyo dahil sabi ni nanay ay wala daw siyang maipangtutustos sa akin. Willing naman akong magworking student para lang maigapang ang pag-aaral ko pero sabi ni nanay ay wag daw akong maging makasarili. Kailangan daw ako ng kapatid ko kaya tigilan ko na daw ang kahibangan ko.
Masakit. Masakit dahil sariling nanay ko pa ang pumipigil sa'kin na abutin ko yung mga pangarap ko. Hindi naman masama ang gusto ko. Kaya ko naman gustong magtapos ng pag-aaral ay dahil gusto ko silang tulungan. Gusto kong maipagamot si Kamilah sa magagaling na doktor. Gusto kong ipaayos ang bahay namin. Yung hindi na kami maglalagay ng timba at planggana pag umuulan dahil sa butas sa bubong. Gusto kong palakihin ang negosyo ni nanay at gusto kong matapos din ni Ataliah ang pangarap niyang kurso. Masama ba yun? Pagiging makasarili ba yun?
Binuhat ko ang mga kalderong hinugasan ko papasok ng bahay para isalansan sa lagayan. Basang-basa na ang damit ko at puro uling na rin ako pero ayos lang. Nasa bahay naman ako at wala namang ibang makakakita sa'kin bukod sa mga kapatid ko at nanay ko.