Calilah Agatha's
Totoo ba talaga yung kasabihang ang bawat isang tao sa mundo ay may kamukha o kahawig kahit na hindi naman magkaano-ano?
Sa tagal kong nabuhay sa mundo ay wala pa akong nakikitang kamukha ko bukod kay Nanay, sa mga kapatid ko at kay Raya. Pero ngayon, habang nakatitig ako kay Riella ay parang nakikita ko ang batang ako.
Ang kulay brown niyang mga mata na tila ba nangungusap, makapal na kilay at malalantik na pilikmata, ang matangos na ilong, ang natural na mapupulang labi, ang itim at tuwid na tuwid na buhok ay kahawig na kahawig ng kay Raya na gaya rin ng sa akin. Kung hindi ko nga kilalang-kilala ang anak ko ay maipagkakamali ko sila. Posible ba yun? Paano nangyari yun?
"Your Mama is so beautiful, Raya" rinig kong bulong niya sa anak ko at naghagikhikan pa sila. Maging ang boses nila ay halos magkatunog din. Namamalikmata ba ako o naeengkanto na? Uso ba dito sa syudad ang engkanto?
Napailing na lang ako dahil kung ano-ano na lang ang pumapasok sa isip ko. Baka nagkataon lang yun. Or possibly na baka may kapatid ako sa labas at itong batang ito ang anak niya kaya nakakahawig ko rin.
Nginitian ko si Riella at saka hinaplos ang pisngi niya. "Nice to finally meet you, Riella"
Malawak na ngumiti ang bata at sa panggigilas ko ay bigla na lang itong yumakap sa bewang ko. Sa hindi malamang dahilan ay nangilid ang luha sa mga mata ko. Ang puso ko ay may kakaibang pagtibok din, hindi dahil sa takot o kung anuman kundi dahil sa hindi maipaliwanag na saya.
Nang tawagin na kami ng teacher nila para papuntahin sa gym ay hinawakan ko na ang kamay ni Raya. Si Riella naman ay humawak sa kabilang kamay ng anak ko. Hindi ko maiwasang makaramdam ng lungkot para sa kanya. Yung yaya lang niya kasi ang kasama nya ngayong araw. Busy daw kasi ang Daddy nito pero baka daw sumunod dito mamaya.
Unang naglaro ang mga bata. Magkasama sa team sina Raya at Riella at ang sarap nilang panoorin. Halata kasing enjoy na enjoy sila. Nangingibabaw ang mga hagikhik at tili nila sa paligid na nagpapatunay kung gaano sila kasaya.
Sa sumunod na game ay kailangan naman daw ng Daddy kaya naupo sa tabi ko yung dalawa. Nang lingunin ko sila ay pareho silang nakanguso habang nanonood sa mga kaklase nilang may kasamang ama.
Lumingon sa'kin si Raya at saka mas pinahaba ang nguso niya. Naglalambing na yumakap siya sa'kin at saka isiniksik ang mukha niya sa dibdib ko. "Mama, bakit wala akong Papa gaya ng mga classmates ko?"
Nakagat ko ang ibabang labi ko nang gumuhit ang sakit sa dibdib ko dahil sa tanong niya. Hindi ko alam kung paano magpapaliwanag sa kanya. Paano ko sasabihing walang pakialam sa kanya ang ama niya? Na may iba itong buhay at ibang taong gustong makasama. Na hindi siya kasali sa mundong gusto nitong buuhin. Paano ko ipaliliwanag sa kanya ang mapait na katotohanang iyon nang hindi siya nasasaktan?
"That's okay, Raya. Ako nga walang Mama e" biglang singit naman ni Riella. Nang magtama ang mga mata naming dalawa ay napansin kong nangingilid na rin ng luha sa mga mata niya.
Inextend ko ang mga kamay ko para maabot siya. Lumapit naman siya sa'kin at naupo sa kabilang gilid ko. Gaya ni Raya ay yumakap din siya sa bewang ko at sumiksik sa dibdib ko.
Habang yakap ko silang dalawa at napatingala ako para mapigilan ang pagtulo ng luha sa mga mata ko. Ano ba naman 'to? Dapat magba-bonding lang kaming mag-ina e. Bakit biglang nag-iiyakan na kami ngayon?
Hinalikan ko na lang sila pareho sa tuktok ng ulo nila at hinaplos-haplos ang likod nila para pakalmahin sila. Ang babata pa nila pero nararanasan na nila ang pagiging unfair ng buhay. Hindi nila deserve yung ganito. Dapat masaya lang sila at naglalaro nang walang iniisip na kung ano.