Calilah Agatha's
"So, nasaan ang mga bagets ngayon?" tanong sa'kin ni Carlee mula sa kabilang linya. Break time ko kasi sa trabaho kaya nagkaroon kami ng pagkakataong makapag-usap. Hindi na kasi ako tinantanan ng marites na 'to mula nung nalaman niya ang tungkol kay Riella at ang pagiging civil namin ni Tristan para sa mga bata.
Sumimsim muna ako ng kape bago ko siya sinagot. "Nasa tatay nila pa rin. Hindi kasi ako nagday-off nitong buong isang linggo. Kailangan kong magbayad ng remaining balance ni Raya sa school at ng upa sa apartment"
Tatlong buwan na ang lumipas mula noong lumabas ang lahat ng katotohanan at ganoon ang naging routine namin. Isang linggong nasa pangangalaga ni Tristan ang mga bata at isang linggo naman sa'kin. Pag nasa kanya ang mga bata ay puro trabaho lang ang inaatupag ko para mas makaipon. Kailangan mas doblehin ko ang pagkayod ngayon dahil dalawa na ang paglalaanan ko bukod pa ang mga bills.
"Bakit? Di ka ba tinutulungan nung ex mo?" tanong sa'kin ni Carlee habang nakataas ang kilay kaya napakamot ako sa ulo.
"Nag-offer siya pero tumanggi ako"
Actually, sabi ni Tristan ay siya na daw ang bahala sa lahat ng gastusin ng mga bata sa school pero hindi ako pumayag. Siya na nga ang nagbayad ng buong tuition fee ni Riella kaya dapat ako naman ang kay Raya. We are practicing co-parenting kaya dapat hati din kami sa gastos.
"Naku, yang pride mong yan ang magpapagutom sayo, Calilah! Aba, obligasyon ni Tristan na gastusan ang mga anak niya saka isa pa, barya lang yun sa kanya! Babaan mo naman ang pride mo, teh! Di nakakaganda" sermon niya sa'kin. Nakapamewang pa siya at tumataas-taas ang kilay habang dumadada kaya natawa ako.
"Yun na nga lang ang ipagmamalaki ko bukod sa mga anak ko. Ibigay mo na sa'kin 'to, teh" natatawang sagot ko sa kanya kaya nakatanggap ako ng matinding pag-irap.
"Nakikita mo ba yang sarili mo sa salamin? Namamayat ka na kakapuyat! Kumakain ka pa ba? Aba, Calilah baka maagang maulila sa ina ang mga inaanak ko! Alagaan mo nga ang sarili mo! Hayaan mong si Tristan ang magsustento sa mga bata. Hindi kabawasan sayo yun dahil responsibilidad naman talaga niya yun!" dagdag na sermon pa niya kaya napakamot na lang ako sa ulo ko. Lalong sumasakit ang ulo ko sa bunganga ni Carlee ngayong madaling araw.
"Oo na, sige na. Bye bye na, tapos na ang break ko. Love you, teh!" bago pa siya makapaglitanya ay pinatay ko na ang tawag. Kilala ko yun, hindi ako titigilan nun hangga't hindi ako naririndi sa bunganga niya.
Bumalik na ako sa trabaho pagkatapos kong kausapin si Carlee. 7:00 am ang out ko at talagang nagmamadali ako dahil kailangan kong puntahan ang mga anak ko sa school. Tuwing umaga ay dumadaan talaga ako doon para makita sila bago sila pumasok sa klase. Sa gabi naman bago ako pumasok sa trabaho ay tatawagan ko muna sila. Ganun din naman si Tristan pag nasa akin ang mga bata. Minsan ay pumupunta pa siya sa condo pagkatapos ng trabaho niya at siguro minsan dahil sa pagod ay doon na siya nakakatulog. Pag panggabi ako ay doon siya natutulog sa kwarto ng mga bata para may kasama ang mga ito at pag naroon naman ako ay sa sofa lang siya dahil ako ang katabi ng mga bata.
Sa totoo lang ay nakakapagod pero we're surviving. Basta para sa mga bata. Basta masaya ang mga bata.
"Mama!" tili ng mga bata nang makita ako at nag-uunahan pa talaga sila sa paglapit sa akin para yumakap. Ugali talaga nilang hintayin ako dito sa waiting area tuwing umaga pag naroon sila sa ama nila.
Pareho ko silang niyakap at hinalikan. Ang laki-laki na nila at mukhang naiintindihan naman nila ang sitwasyon namin ng ama nila. Hindi kasi sila nagtatanong sa set-up namin. Basta ang alam lang nila ay pareho kaming nagtatrabaho ng tatay nila at dalawa ang bahay na inuuwian nila.