Calilah Agatha's
"Lila, kailan ang enrollment ninyo?" napaangat ang tingin ko kay Don Sofronio nang magtanong siya sa'kin. Narito ako ngayon sa sala at nagpupunas ng mga figurines na display. Mabilis na binitawan ko ang ginagawa ko at hindi ko na napigilan ang pagngiti dahil masayang masaya akong sa wakas ay mukhang makakapag-aral na ulit ako. Mukhang tutupad ang Don sa pangako niya sa'kin.
"Sabi po ni Anna ay sa susunod na linggo na ang enrollment sa university na pinapasukan niya. Doon ko din po sana balak mag-aral, Don Sofronio" iyon kasi ang pinakamagandang unibersidad dito sa probinsya namin. Ayoko namang lumayo pa dahil dagdag gastos lang yun. Nakakahiya kay Don Sofronio.
Bahagyang kumunot ang noo ng matanda. "Ano bang kurso ang kukunin mo? Agriculture din ba gaya ni Anna?"
Umiling ako. "Hindi po. Tourism po sana ang gusto kong kuning kurso, Don Sofronio"
Napatango-tango ang matanda. "Maganda nga iyon, Lila. Sige, ako na ang bahala sa pag-aaral mo"
Hindi na ako nahiya. Tuwang-tuwang lumapit ako sa kanya at humawak sa kamay niya. "Maraming salamat po, Don Sofronio"
Natawa ang matanda at ginulo ang buhok ko. "Call me Dad. Mapapangasawa ka ng anak ko, di'ba?"
Doon ako napangiwi. Biglang pumasok sa utak ko ang nangyari kahapon. Ang ginawang paghalik sa'kin ni Sir Tristan doon sa may lawa. Hiyang-hiya ako pagkatapos noon pero tinawanan lang niya ako. Parang batang ginulo pa niya ang buhok ko kaya inis na inis ako. Hanggang sa makauwi kami dito sa mansyon ay hindi ko siya iniimikan at tinitingnan. Nakakainis siya. Wala siyang karapatang gawin sa'kin yun!
"Dad, susunduin ako ni Iñaki mamaya. I really need to go back to Manila" natigil ang pag-uusap namin ni Don Sofronio nang marinig ko ang boses ni Sir Tristan. Iika-ikang naglalakad siya papasok ng living room kung saan kami nag-uusap ni Don Sofronio. Sa ngayon ay nakakalakad na siya sa tulong ng saklay. Kahit nga sa pagbaba sa hagdan kanina ay hindi na siya nagpatulong sa'kin. Mukhang nagpapakitang gilas para payagan ng ama na makabalik ng Maynila.
Napabuntong hininga ang matanda at napahilot sa sintido niya. "Ang tigas talaga ng ulo mo, Milandro. Manang-mana ka sa pinagmanahan mo"
Narinig kong natawa si Tristan. Nanatili naman akong nakayuko para magpatay malisya. Wala naman akong pakialam sa usapan nilang mag-ama. Sa totoo lang ay masaya pa ako kung aalis siya dito at babalik kung saan mang lugar. Siguradong hindi na ako mapepressure sa kalokohang kasal na sinasabi nila. Mas okay pang maging katulong ako dito habang nag-aaral ako kesa maging asawa ng mayabang na ito.
"Iñaki is on his way here. Nakakahiya naman kung inabala ko siyang magpasundo pero hindi naman ako sasama sa kanya pabalik" may bahid ng pang-aasar ang tinig niya kaya pasimpleng napairap na lang ako. Bakit niya nagagawang kausapin ng ganun ang ama niya?
"Pero hindi pa magaling ang pilay mo" katwiran ng matanda.
"I can manage. Saka hindi din naman ako mapapakali kung alam kong may problema sa kompanya ko tapos nandito ako. And besides, hindi naman ako papabayaan ni Iñaki" sagot niya sa ama na walang nagawang napabuntong hininga na lang.
"Then take Lila with you. Para naman napanatag akong may mag-aalaga sayo 24 oras. Sigurado naman akong hindi ka sasamahan ng matalik mong kaibigan hanggang sa pagtulog, di'ba?" napasinghap ako at nanlalaki ang matang napatingin sa matanda. Seryoso ba siya?!
Bumaling sa'kin ang matanda at masuyong ngumiti. "Samahan mo ang anak ko sa Maynila, Lila. Doon ka na din mag-aral dahil mas magaganda ang mga unibersidad doon. Siguradong mas magiging maganda ang kinabukasan mo kung doon ka magtatapos"
Bumaling ang tingin ko kay Sir Tristan na ngayon ay nakatingin na din sa'kin habang nakataas ang isang sulok ng labi. Hindi ko mabasa kung anong nasa isip niya pero sigurado akong sa loob-loob niya ay nag-iisip na naman siya ng ipang-aasar sa'kin.