Kabanata 2

37 5 0
                                    

Calilah Agatha's

"Ikuha mo nga ako ng alak kay Senyang, Lila" utos sa'kin ni Tatay habang tinutulungan kong magbihis si Kamilah. Katatapos ko lang kasi siyang paliguan at pakainin. Limang taon na si Kamilah pero mukha lang siyang tatlong taon dahil ang liit liit niya.

Akala ko ay kami lang ni Kamilah ang nandito sa bahay ngayong araw gaya ng nakasanayan kaya nagulat akong nandito si Tatay. Nasa karinderya na si Nanay tapos si Liah naman ay siguradong nasa paaralan na.

"Tay, marami na po tayong utang kay Aling Senyang. Hindi na daw po siya magpapautang hangga't hindi natin nababayaran yung mga naunang utang" katwiran ko kaya galit na binagsak niya ang pinto ng kwarto naming magkakapatid. Sinundan pa niya yun ng sunod-sunod na mura kaya napailing na lang ako.

Dahil doon ay nagulat si Kamilah at namutla kaya kaagad na kinarga ko siya at pilit na pinakalma. Ganito talaga ang batang ito pag nagugulat, natatakot o kaya ay pag sobrang nasasayahan. Hindi siya pwedeng makaramdam ng kahit na anong matinding emosyon. Ang hirap-hirap ng sitwasyon niya kaya awang-awa ako sa kanya.

Noong nasiguro kong kalmado na si Kamilah ay hinalikan ko siya sa noo at lumabas kami ng kwarto. Nakita ko si tatay na natutulog sa kahoy naming upuan kaya napailing na lang ako. Hindi ko alam kung bakit siya narito. Baka nag-away na naman sila ni Kuya kaya siya umuwi.

Lumabas kami ni Kamilah ng bahay para mapaarawan ko siya. Naupo ako sa kawayang papag na nasa ilalim ng puno ng mangga at kinandong ang kapatid ko. Yumukyok naman siya sa'kin kaya natatawang hinalikan ko siya sa pisngi. Mahal na mahal ko talaga itong batang 'to. Pag nakapagtapos talaga ako ng pag-aaral at nakapagtrabaho ay ipapagamot ko siya sa mga pinakamagagaling na doktor sa mundo.

"Lila, nasaan ang tatay mo? Umuwi ba siya dito sa inyo?" nag-angat ako ng tingin nung narinig ko ang boses ni Mang Kaloy. Tanod siya dito sa barangay namin at ama siya ni Oliver - manliligaw ko.

"Nasa loob po ng bahay. Bakit po?" takang sagot ko.

"Pinapahanap siya ni Kapitan. Hinahanap daw siya ng mga Laurente" paliwanag ni Mang Kaloy kaya napakunot ang noo ko.

"Bakit daw po?" sa hindi malamang dahilan ay nakaramdam ako ng kaba. Bakit hahanapin ng mga taong iyon ang tatay ko? Di'ba doon sa hacienda nila namamalagi si Tatay? Ngayon nga lang ito umuwi sa'min tapos hahanapin kaagad nila.

Napakamot si Mang Kaloy sa ulo niya. "Hindi ko rin alam e. Napag-utusan lang ako, Lila"

Tumalikod na si Mang Kaloy para tumuloy sa bahay namin nang makita ko si nanay na humahangos papalapit sa amin. "Nakita mo ba ang tatay mo?! Umuwi ba siya dito?"

Bakas sa boses ni nanay ang matinding takot kaya maging ako ay kinakabahan na. Mabuti na lang at tulog na si Kamilah kaya hindi na niya naririnig ang mga nagyayari sa paligid. "N-nasa loob po ng bahay. Bakit po? Ano po bang nangyayari, Nay?"

"Lintik yang tatay mo! Ang daming taong babanggain, ang mga Laurente pa! Kung gusto niyang mamatay, sana nagpasaksak na lang siya sa'kin!" naluluhang sabi ni nanay sabay takbo papasok sa bahay namin.

Nag-aalalang sumunod ako sa kaniya habang buhat pa rin si Kamilah. Napasinghap ako nang basta na lang niyang hinablot si tatay at saka sinampal. "Tarantado ka talaga, Armando! Bakit mo ginawa yun?!"

Umiiyak na talaga si nanay habang sinusuntok-suntok ang dibdib ni Tatay. Nanatiling nakakuyom naman ang mga kamay ni tatay na parang pinipigilan niya ang sariling gumanti kay nanay.

"Hindi ka nag-iisip, Armando! Yan ang napapala mo sa kakasugal mo! Sa mga bisyo mo! Pati kabuhayan natin, mawawala dahil sa katangahan mo!"

Hinawakan ni tatay ang palapulsuhan ni nanay para pigilan ito sa pagsuntok sa dibdib niya. "Ginusto ko ba yun, Amalia?! Ginawa ko lang yun para sa anak natin! Kailangang-kailangan maoperahan ni Kamilah. Iniisip ko lang ang kapakanan ng bunso ko!"

GalimgimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon