Calilah Agatha's
"A-anong ginagawa mo dito? Tumakas ka ba sa Hacienda Laurente?" gulat na gulat na tanong sa'kin ni Nanay pagkapasok na pagkapasok ko ng bahay namin. Mukhang hindi siya nagtinda ngayon sa karinderya dahil naririto pa siya sa bahay gayong medyo tanghali na.
Tipid akong ngumiti at nagmano sa kanya. "Hindi po. Pinayagan po akong umuwi ni Don Sofronio"
Nanlaki ang mga mata niya at pagalit na binawi ang kamay niyang hawak ko. "Bakit?! Ano na namang kaartehan ang ginawa mo?"
Napakunot ang noo ko sa sinabi niya. "Ayaw nyo po bang umuwi ako dito, Nay?"
"Tigilan mo ako sa kaartehan mo, Lila! Bumalik ka ngayon din sa hacienda at baka magbago pa ang isip ni Don Sofronio. Baka bigla niya ulit ipahuli ang tatay mo at itigil ang pagpapagamot kay Kamilah" sermon niya kaya napayuko na lang ako habang nangingilid ang luha.
Akala ko pa naman ay nag-aalala sila dahil umalis ako ng hindi nagpapaalam. Akala ko pa naman ay magiging masaya siya na nakauwi pa ako dito sa bahay ng buhay. Ni hindi man lang niya ako kinamusta. Hindi man lang niya tinanong kung ayos lang ako doon at kung anong kondisyon ang ginawa ni Don Sofronio kapalit ng kalayaan ng tatay ko.
"Wag mo akong iyakan, Calilah! Maswerte nga tayo dahil nagustuhan ka nung matanda! Doon ka na muna sa kanila at maging masunurin sa mga ipapagawa sayo." hinawakan ni nanay ang kamay ko at hinaplos ang pisngi ko. "Kaunting sakripisyo lang ang hinihiling ko sayo, anak. Para ito sa kapatid mo"
"N-nay .. g-gusto po ni Don Sofronio na pakasalan ko yung anak niya. Ayoko po, Nay. Gusto ko lang pong mag-aral" umiiyak na sumbong ko sa kaniya.
Natigilan siya at nanlaki ang mga mata niya. Bakas sa mukha niya ang gulat at galak. "Talaga?! Aba ang swerte mo, Calilah! Pag pinakasalan mo si Tristan, kahit hindi ka na mag-aral ay magbubuhay prinsesa ka!"
Lalo lang akong naiyak. Akala ko ay makakahanap ako ng kakampi pero hindi pala.
Hinaplos-haplos ni Nanay ang buhok ko. "Wag ka nang mag-inarte anak. Ang tagal kong pinagdasal na sana magustuhan ka ni Tristan. Tinatawanan nga ako ng mga kapitbahay dahil sabi nila ay ambisyosa daw ako nung sinabi kong ikakasal ka sa anak ni Don Sofronio. Ngayon, pamumukhaan ko sila"
Kusa na akong lumayo kay Nanay. Hindi ko na talaga kaya. Naging mabuting anak naman ako sa kanila pero bakit ganito sila sa'kin ngayon? Takot na takot akong lumaban sa kanila, ni sumagot ay hindi ko ginagawa pero bakit ganito ang ibinabalik nilang pakikitungo sa'kin ngayon? Parang wala akong halaga sa kanila.
"Amalia, saan itatambak ang mga buhangin at sementong inorder mo?" napatingin ako sa pinto nung may kumatok doong kapitbahay namin.
Kaagad na ngumiti naman si Nanay at excited na lumabas. Sumunod ako sa kanya at nanlaki ang mga mata ko nang makita kong may mga bakal, semento, buhangin, yero, hollow blocks at tiles na binababa sa tapat mismo ng bahay namin.
"Nay, ano 'to? Saan ka kumuha ng pinambili mo sa mga yan?!" sa unang pagkakataon ay nagtaas ako ng boses sa nanay ko. Punong-puno na ako.
"Binayaran ni Don Sofronio ang mga nasira nila doon sa karinderya ko. Malaki ang binayad nila sa'tin, anak. Maipapagawa na natin ang bahay. Hindi na tayo mangangamba pag may bagyo. Umuwi ka na doon sa Hacienda at magpasalamat ka kay Don Sofronio at sa mapapangasawa mo" lalo akong nanghina sa narinig ko. Ang dating sa'kin ay parang ipinagbili ako ng sariling magulang ko.
Hindi na ako sumagot pa kay Nanay dahil hindi ko na kayang kausapin pa siya. Ang sama-sama ng loob ko. Ang sakit-sakit ng dibdib ko.
Tumakbo ako palayo sa lugar na iyon. Hindi ko alam kung saan ako pupunta pero ayoko sa bahay. Ayoko sa hacienda. Bakit ang saklap ng kapalaran ko.
