Calilah Agatha's
Nagpakawala ako ng buntong hininga habang nakatingin sa magandang tanawing nasa harapan ko. Kasalukyan naming binabagtas ang daan pauwi sa Hacienda Laurente at habang papalapit kami doon ay unti-unti na ring nawawala ang pag-asa kong maging masaya. Ang pag-asa kong matupad ang mga pangarap ko sa buhay.
Matapos pakawalan ni Don Sofronio ang tatay ko ay inutusan niya ang mga tauhan niyang dalhin sa ospital si Kamilah. Hindi na niya ako pinababa ng sasakyan kaya hindi na ako nakapagpaalam sa pamilya ko. Hindi ko na talaga alam kung anong kapalaran ang naghihintay sa akin ngayon.
Huminto ang sasakyan sa harap ng isang napakalaking mansyon sa gitna ng hacienda. Puti ang kulay ng mansyon at mukhang maaliwalas dahil gawa sa bubog ang mga bintana. Moderno ang yari nito kaya akala ko tuloy ay wala na ako sa probinsya namin. Ngayon lang ako nakakita ng ganito kalaking bahay. Nagkikita-kita pa kaya sila dito?
"Tuloy ka, Calilah. Wag kang mahihiya" rinig kong sabi ng Don habang may masuyong ngiti sa labi. Wala sa sariling tumango naman ako at sumunod sa kaniya habang malikot pa rin ang paningin ko. Talagang nakakamangha ang mga kagamitan dito. Siguradong pag nakabasag ako dito ay habangbuhay kong pagtatrabahuhan ang halaga nun.
Dumiretso kami sa hapagkainan at kaagad nanubig ang bagang ko nang makita ko ang mga pagkaing nakahain doon. Parang may pyesta. Ang dami at mukhang masasarap. Wala akong kilala sa mga pagkaing iyon dahil sa tanang buhay ko ay ngayon ko pa lang nakita ang mga yun.
Kumalam ang sikmura ko kaya kaagad na nag-init ang pisngi ko. Bakit kasi nakakatakam ang mga nakahain? Nakakakain lang ako ng masasarap na pagkain pag pasko dahil pumupunta kami sa bahay ng tita ko. Yung kapatid ni nanay na may asawang amerikano. Nagbo-volunteer kasi kaming maghugas doon ng mga pinagkainan kapalit ng masasarap na pagkain. Natatandaan kong pag may handa silang hipon, crabs at lobster ay masayang masaya na kami ni Ataliah.
"Maupo ka, Calilah. Saluhan mo ako" alok sa'kin ng Don. Nahiya pa nga ako dahil siya pa mismo ang humila ng uupuan ko. Atubiling naupo naman ako doon.
Nakalimutan ko na ang hiya. Hindi ko alam kung anong uunahin ko. Narinig ko ang pagtawa ng Don pero hindi ko na siya pinansin.
Habang kumakain ay naisip kong mag-aapply na lang ako dito bilang kasambahay para makabayad ng utang sa halip na magpakasal sa anak niya. Mas matatanggap ko yun at may pag-asa pang makaipon ako pag pumayag si Don Sofronio sa pakiusap ko.
"Gusto mo bang bumalik sa pag-aaral, Lila?" nanlaki ang mga mata ko sa tanong ni Don Sofronio. Mabilis na tumango-tango ako habang nilulunok ang mga pagkaing nasa bibig ko.
"Opo, Don Sofronio!" masayang tugon ko kaya ngumiti ito at inabutan pa ako ng tubig na kaagad ko namang tinanggap at ininom.
"Kung gayon ay mag-enrol ka sa susunod na semestre. Kahit saang unibersidad mo gusto ay susuportahan kita" balewalang saad niya kaya ang lawak lawak ng ngiti ko sa mga oras na iyon. Ang saya-saya ko. Sa wakas ay maipagpapatuloy ko na ang pangarap ko.
Sasagot sana ako para magpasalamat nang may basta na lang humigit sa upuang nasa harapan ko at pabagsak na naupo doon.
"Good Morning, Dad" tila ba tamad na tamad na bati niya sa ama sabay inom ng kapeng nasa harapan niya.
Basa ang gulo-gulo niyang buhok, siguro ay dahil katatapos lang niyang maligo. Nakasuot lang siya ng sandong puti at sweat shorts. Kitang-kita ko tuloy ang malalaking braso niya.
Nakatitig lang ako sa kanya habang hinihilot-hilot niya ang sintido niya. Ilang sandali pa ay nanlaki ang nga mata ko nang makilala ko siya. Siya yung lalaking kasama ni Nanay sa bahay noong nakaraang gabi! Siya ba yung sinasabing anak ni Don Sofronio? Kung gayun, siya ang lalaking 'pakakasalan' ko daw?!