Kabanata 6

35 5 0
                                    

Calilah Agatha's

"Ang gwapo talaga ni Sir Tristan, ano?" kilig na kilig na sabi ni Anna. Isa sa mga kasambahay ni Don Sofronio na kasing edad ko lang din kaya mabilis kong nakasundo. Ayon sa kwento niya ay pinag-aaral daw siya ng Don habang nagtatrabaho dito sa hacienda.

Nandito kami ngayon sa may garden ng masyon habang nagdidilig ng halaman. Sa di kalayuan ay naroon si Sir Tristan habang nakaupo sa isang wheel chair. Hindi pa rin kasi magaling ang pilay niya.

"Buti pa 'tong mga halaman, alaga sa dilig. Ako kaya, Sir Tristan, kailan?" bulong pa ni Anna sabay hagikhik kaya siniko ko siya. Hindi ba siya nahihiya sa mga lumalabas sa bibig niya?

"Baka marinig ka" paalala ko sa kaniya pero parang wala siyang pakialam. Ang pula pula ng pisngi niya at ang pungay-pungay ng mga mata niya. Halatang nagiilusyon na naman siya.

"Bakit ba? Masama bang mangarap? Saka ang gwapo gwapo naman talaga ni Sir Tristan e! Ang swerte mo nga e. Ikaw ang napiling mag-alaga sa kanya" reklamo niya sa'kin habang nakanguso kaya napailing na lang ako.

Anong swerte doon sa araw-araw na lang, nakakarinig ako ng sigaw at mura mula sa lalaking yun? Hindi naman ako ang minumura niya kundi ang kung sino mang kausap niya sa phone pero nakakainis pa din. Ayoko talagang makarinig ng kahit na anong mura. Nakakarindi.

Muli kong nilingon si Sir Tristan at napakunot ang noo ko nung sinubukan niyang tumayo mula sa wheel chair. Kitang-kita ko ang pagngiwi niya habang pilit na inaapak ang mga paa sa bermuda grass.

Tahimik lang kami ni Anna habang nakatingin sa amo naming hindi na maipinta ang mukha habang pinipilit humakbang. Nakailang ngiwi na siya dahil siguradong masakit pa rin ang pilay niya pero sige pa rin. Matigas talaga ang ulo ng lalaking 'to kahit kailan!

"Fuck!" nagkatinginan kami ni Anna nung nakita naming na buwal mula sa pagkakatayo ang amo namin. Sinundan pa iyon ng sunod sunod na malulutong na mura.

"Tulungan mong tumayo si Sir, Lila!" nanlalaki ang matang utos sa'kin ni Anna sabay tulak kaya wala akong nagawa kundi ang lumapit sa kanya.

Nang makalapit ako sa kanya ay sinamaan niya ako ng tingin pero wala naman siyang sinabi. Nagpaalalay naman siya sa'kin hanggang sa maiupo kong muli siya sa wheel chair. Lumuhod ako sa harapan niya para icheck kung may pagdurugo ba o ano pero mukhang wala naman.

"Saan ka ba galing?" inis na tanong niya kaya nag-angat ako ng tingin. Nang makasalubong ko ang mga mata niya ay kita ko ang labis na iritasyon mula rito.

Nagakat ko ang ibabang labi ko at saka ituro ko sa kanya ang pwesto ko kanina. Nandoon pa rin si Anna habang kunwaring nagdidilig pa rin ng halaman. Panay naman ang sulyap dito sa pwesto namin.

"Tsk. Di'ba ako ang amo mo?" tanong niya kaya napatingin ako sa kanya. Nagtatakang tumango naman ako. "O, edi dapat sa'kin lang ang atensyon mo! May kanya-kanyang toka ang mga kasambahay dito kaya wag mong pakialaman ang mga trabaho nila!"

Pasimpleng napataas ang kilay ko. Anong trip ng lalaking 'to ngayon? Sa halos isang linggong pagsisilbi ko sa kanya, ngayon niya lang sinabi sa'kin ang mga bagay na yun.

"Tsk. Itulak mo yung wheel chair. Doon tayo sa tambayan ko" utos niya sa'kin kaya kaagad na tumayo ako at nagpunta sa may likod niya. Itinulak ko ang wheel chair at sinunod ang direksyon na tinuturo niya.

Habang naglalakad ay hindi ko maiwasang mapangiti. Ngayon lang ako nakagala dito sa hacienda. Ang sarap sarap ng simoy ng hangin at ang daming puno sa paligid. May nakakasalubong kaming mga tauhan ng hacienda at nakangiting bumabati sa'min.

Nakarating kami sa isang lawa sa ilalim ng punong mangga. Hindi ko na naitago ang tuwa ko dahil ang ganda-ganda talaga ng tanawin sa harapan ko. Ang linaw-linaw ng tubig at may mga tagak pa akong nakikita sa di kalayuan. Tahimik pa at payapa. Totoo nga ang chismis! Maganda talaga at mala paraiso ang Hacienda Laurente.

GalimgimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon