Chapter 4

42 1 0
                                    

"Kumpleto na ba lahat ng gamit mo, 'nak?" marahil ay pangatlong beses na itong natanong ni papa. Tinulungan na nga nila akong mag empake pero nag-aalala pa rin silang baka may nakalimutan ako.

"Sigurado ka bang tutulungan ka ni Elle? Baka naman salita lang niya 'yon," sabi pa ni mama sabay abot ng mga pabaon niyang pagkain. "Ayan at ibigay mo 'yan pagdating mo sa kanila. Kapag nagkaproblema eh umuwi ka na lang dito."

Noong nalaman nilang gusto kong magtrabaho at tumira sa Maynila, nakakita ako ng pangamba sa mukha nila. Pero pinakinggan muna nila kung anong pinanggagalingan ko pati na rin ang plano ko.

I told them that I was laid off and that it has always been my dream to find another opportunity in the city.

Naintindihan naman ng mga magulang ko ang sitwasyon ko, lalo na si papa. Hindi sila tumutol katulad ng inasahan ko. Sila pa ang nagsabing makakabuti nga siguro kung magkakaroon ako ng bagong karanasan dahil halos buong buhay ko ay nakatali na 'ko sa kanila. Syempre ay nag-aalala sila dahil ngayon lang ako malalayo. Pero dahil nasa edad naman na raw ako kaya susuportahan nila ang desisyon ko.

Tinanong nga lang ni mama kung anong opinyon ni Kyle sa mga plano ko. Alam kasi nilang malaking impluwensya ito sa buhay ko. Pero imbes na sabihin sa kanila ang problema naming dalawa, nagsinungaling ako sa bagay na ito. Sinabi kong suportado ni Kyle ang desisyon ko kahit ni pagbasa ng mga chat niya ay hindi ko nagawa.

Dahil naging abala ako sa pa-assignment ng Stellar, ilang oras ang lumipas bago ko nabuksan ang chat ni Kyle. Dahil dito, binura niya lahat ng mga messages niya at ngayon ay kailangan ko pang manghula kung anu-ano ang mga ito.

Kaya nga wala pang alam si Kyle sa plano ko. Pero alam ko namang iisipin niyang nagpapadalos-dalos ako ng desisyon – na hindi ko kakayanin. At hindi ako handang makarinig ng kahit anong negatibong bagay galing sa kanya. Especially because we haven't really had a proper conversation since our unexpected meetup in front of his office.

Mabuti na nga lang at nandyan si Elle. Sinabi ko sa kanya ang plano ko at natuwa naman siya para sa 'kin. Handa siyang tulungan ako. Pinasabay na nga niya ang mga gamit ko pagluwas ko sa Maynila isang araw bago ang kasal niya. May bakanteng kwarto naman daw sila para sa 'kin. Pwedeng dito muna 'ko tumira habang nasa hiring process pa ang job application ko.

Naghihintay na sa labas ng bahay ang tricycle na maghahatid sa 'kin sa sakayan ng bus. Kaya naman humarap ako kina mama't papa bago nagsalita.

"Kumpleto na po lahat ng gamit ko. Kakain po ako ng masustansyang pagkain sa tamang oras. At iinumin ko rin ang vitamins ko," inulit ko ang mga bilin nila. "Wala po kayong dapat ipag-alala. Matagal naman na po kaming magkakilala ni Elle. Para ko na ring kapatid 'yon. Tsaka sa umpisa lang ako titira sa kanila. Maghahanap din ako ng pwedeng lipatan. Maga-update naman po ako sa inyo kaya wala po kayong dapat ipag-alala."

Nagkatinginan sina mama't papa na para bang maiiyak. Tuloy ay nagaya na rin ako sa kanila. Niyakap naming tatlo ang isa't isa bago nila ako sinamahan sa tricycle at pinanuod na umalis.

Alam kong masyadong mabilis ang mga pangyayari. Kinakabahan ako pero mas lamang ang excitement dahil alam kong magkakaroon na rin ako sa wakas ng mga bagong karanasan.

Nangako ako sa sarili kong pagdating ko ng Maynila, babaguhin ko talaga ang sarili ko. Hindi na 'ko 'yong Wendy na boring at palaging nakahindi sa mga bagay. Hindi na 'ko 'yong Wendy na takot magkamali at mapahiya kaya hindi sumusubok ng kahit anong bago. Sisiguraduhin kong mage-enjoy ako sa bagong kabanata ng buhay ko.

Sa totoo lang ay hindi naman talaga pagpunta sa Maynila ang gusto kong mangyari sa buhay ko. Gusto ko lang ng bago, ng excitement, ng pagkakataong maging ibang tao.

Kidnapped By ChanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon