Chapter 7

39 1 0
                                    

"Rise and shine!" masayang bungad ko kay Peter pagbukas ng pinto ng kwarto.

Naabutan ko siyang nakahiga pa rin sa sahig. Pero nang marinig ang boses ko ay bigla siyang napabangon. Halatang nagulat sa lakas ng boses ko.

"Sa unang hirit, unang-una ka!" Kinantahan ko pa siya para talagang magising ang diwa niya. Lalo nga lang lumukot ang mukha niya. "Unang hirit! Unang hirit! Unang—" Tumigil tuloy ako, baka kasi hindi siya pamilyar sa theme song ng morning tv show na ito dahil wala naman siyang telebisyon dito.

Tumikhim ako bago lumapit sa kanya dala ang niluto kong danggit silog. "Uhm ang bango! Niluto ko na 'yung tinatago mong danggit sa ref ah. Tsaka may nakita akong kamatis, baka mabulok na kaya hiniwa ko na," pagpapaalam ko kahit alam kong wala naman na siyang magagawa.

Nakita kong nakakakunot ang noo ni Peter habang nakatulala, halatang nag lo-loading pa ang isip sa mga nangyari.

Wala naman talaga akong balak magluto ng umagahan. Pero dahil kagabi pa lang ay kumukulo na ang tyan ko, nagising ako ng maaga ngayon kahit ayaw ko. Si Peter sana ang paglulutuin ko kaya lang mahimbing ang tulog niya. Nakakahiya namang gisingin kaya ako na lang ang nagluto.

"Anong ginagawa ko rito?" seryosong tanong niya, medyo namamaos ang boses. Akala mo talaga siya pa itong naagrabyado. Tila nagkapalit kami ng sitwasyon ngayon.

Naupo naman ako sa kama, pinatong ko muna rito 'yong dalawang platong dala ko bago sumagot.

"Nakidnap ka," pang-aasar ko na lalong nagpasibangot sa kanya. "Joke lang! Pumasok ka rito kagabi. Lasing na lasing." Kinilabutan ako nang maalala ko 'yong nangyari sa pagitan namin. Akala ko talaga kung saan na kami mauuwi. Mabuti na lang at masyado siyang lasing para gawan ako ng masama.

Natahimik naman si Peter. Napatakip ang isang kamay sa bibig. Binigyan ko siya ng ilang segundo at magsasalita na sana dahil sa pagkainip nang mauna siya. "Did we... Did I...?" nag-aalangang tanong niya. Mukhang wala siyang maalala.

Niyakap ko kunwari ang katawan ko bago dahan-dahang tumango.

"F*ck," sabi niya sa sarili. Inihilamos niya ang dalawang kamay sa mukha bago napasabunot sa buhok. Pinagdikit ko naman ang labi ko. Pinigilan ang pagngiti. At least nakaganti ako sa pananakot niya sa 'kin. Mabuti naman at may pagsisising makikita sa mukha niya. Kahit papaano ay hindi naman pala siya masamang tao.

At bago pa siya mawala sa sarili ay sinabi ko na ang totoo. "Joke lang ulit! Wala ka namang ginawa. Nakatulog ka lang dyan sa sahig," bawi ko. Tutal wala naman siyang naaalala, hindi ko na pinaalam pa ang totoong nangyari.

Dito siya napatingin sa 'kin ng matalim. Ngumisi naman ako sabay nguso sa dala kong pagkain. "Pwede bang mamaya na tayo mag recap sa mga nangyari? Nagugutom na kasi talaga 'ko. Masarap 'to. Promise." Ngumisi ako sabay taas-baba ng kilay.

Dahil sa pang-aasar ko ay marahas siyang tumayo, nag-iwas ng tingin sa 'kin, at halatang nainis.

"Grabe ang pikon mo naman," pahabol ko nang maglakad na siya palabas ng kwarto. "Oy! Sayang naman 'tong niluto ko! Masamang nag-aaksaya ng pagkain! Hindi ba 'yon tinuro sa kidnapping academy?!" sigaw ko pa.

Pero mukhang wala talaga siyang balak kainin ang iniluto ko. Napabuntong-hininga ako dahil sa pagkadismaya pero ilang segundo lang ang itinagal. Naisip ko kasing may dalawang serving na 'kong pwedeng kainin ngayon.

Masaya naman akong kumain ng breakfast. Hindi ko alam kung sobrang sarap ba nito o sadyang gutom na gutom lang ako. Paniguradong mas masarap nga lang 'to kung nakatingin ako ngayon sa beach habang kumakain.

Alam kong dapat ay tumakas na 'ko kagabi. Pero pakiramdam ko mas ligtas ako kung mananatili na lang ako sa kubo imbes na maglakad sa labas ng madilim. Hindi ko rin kasi alam ang pasikot-sikot dito. Baka may maengkwentro pa 'kong mas nakakatakot kaysa kay Peter.

Kidnapped By ChanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon