Always leave an impression to be remembered.
Maraming paraan para gawin ito. Ngunit alam kong hindi kasama ang pagsuka sa lalaking ngayon mo lang nakilala.
"Sorry!" sigaw ko pagkatapos masukahan ang lalaking kaharap ko. Napapikit ako ng mariin pagkakita sa kanyang long sleeve polo na dati'y kulay puti pero ngayon cream na!
Idinilat ko ang isang mata ko at nakita ang nakalaglag niyang panga. Nagpapabalik-balik ang tingin niya sa 'kin at sa damit niya. "Uhm, nasuka ako, if hindi pa halata," sabi ko bago itinawa ang hiya. Nakadilat na ang mga mata ko kaya kitang-kita ko ang pagpukol niya ng matalim na tingin sa 'kin.
"Gusto sana kitang tulungan pero nakatali 'yung kamay ko. Kaya sorry na lang ulit," paalala ko sa kanya bago pinuno ng hangin ang bibig ko. Hindi pa rin kasi siya kumikilos sa harapan ko kaya baka akala niya may magagawa ako.
Nakaupo ako sa buhangin, nakatali ang mga kamay sa likod, ganuon din ang mga paa ko. Para akong sirena sa harapan niya.
Sinubukan kong tingnan ang paligid – mataas ang sikat ng araw, may mga puno, buhangin, at dagat! Mukhang dinala niya 'ko sa isang isla!
Alam kong dapat akong matakot ngayon dahil kasama ko ang isang estranghero sa isla na pwede kong maging libingan. Pero matagal na rin kasi mula noong huli akong nakapag-beach kaya tuloy nahaluan ng excitement ang pakiramdam ko.
Nawala ako sa iniisip ko nang maghubad ng polo sa harapan ko 'yong lalaki. "Ay jusko po," bulong ko sa sarili sabay pikit. Kung may mga kamay lang akong magagamit ay baka tinakpan ko na ang mga mata ko.
"Why the hell are you wearing that gown?"
Napadilat ako sa tanong niya. Sasagot sana ako kaya lang napalunok ako nang makita 'yung abs niya. Ito na yata talaga 'yung totoong six-pack abs na sinasabi nila. Paano'y palaging pinagyayabang ni Kyle ang kanya kahit hindi ko naman ito makita at makapa.
Humakbang pa papalapit sa 'kin 'yong lalaki kaya lalong nag-init ang mukha ko. Ang tagal ko na yatang nakatitig sa baba kaya nag-angat ako ng tingin.
Hinigit ko naman ang hininga ko nang makita ko siya sa ilalim ng sikat ng araw. Nangungusap ang mga mata niyang tila pinaghalong kulay brown at green. Medyo may kahabaan ang buhok niyang kulot, ang ilang piraso ay nakalaglag sa harap ng mukha. Malamang kung ibang lalaki ang may hairstyle tulad ng kanya, magmumukhang madungis. Sa kanya lang yata bumagay ito dahil nagmukha siyang modelo. Makapal ang kanyang kilay, matangos ang ilong, at malinis ang pagkakabawas ng bigote at balbas.
"Narinig mo ba ang tanong ko?" Nang magsalita siya ay tsaka ako bumalik sa wisyo. Masyadong halatang wala akong tinitingnang lalaki noon kaya ganito na lang ang pagkamangha ko sa itsura niya. "Bakit suot mo ang gown na 'yan?"
Tumikhim ako bago nagsalita. "Pinasukat lang sa 'kin ng kaibigan ko— wait nga. Kung gown naman pala ang habol mo, sana 'di mo na 'ko sinama." Masyado kasi siyang concerned sa gown at 'di siya mapakali rito. "Lasing naman ako. 'Di ko malalaman kung hinubaran mo 'ko," dagdag ko pa.
Lalong lumukot ang mukha ng lalaking kaharap ko. Mukhang napasobra yata ako sa freedom of speech. Inihilamos niya ang dalawang kamay sa mukha na para bang nainis sa sinabi ko. Nag-iwas naman ako ng tingin kasi parang nagiging makasalanan ako sa pagdaan ng bawat segundo.
Alam kong dapat matakot ako sa sitwasyon ko. Pero pakiramdam ko kasi magandang pagkakataon din ito para bumuo ng ibang Wendy—syempre kung hindi ako mapapatay.
Basta habang nandito ako sa islang 'to, pwede akong maging ibang tao. Hindi ko kailangang sundin kung sino 'yong Wendy na kilala ng lahat sa loob ng ilang taon. In short, hindi ko kailangang maging seryoso at boring sa lahat ng oras.
BINABASA MO ANG
Kidnapped By Chance
Romantizm"Kung nagsabi ka ng maayos bago mo ko kinidnap, eh 'di sana nakapag-empake pa 'ko!" *** Matagal nang gustong takasan ni Wendy ang kanyang payapa at simpleng buhay. Kaya nang magpunta sa kasal ng kanyang kaibigan, kulang na lang ay magdiwang siya nan...