Chapter 8

47 1 0
                                    

Lagot. Napapikit ako ng mariin sabay hinga ng malalim.

Ang sabi ni Peter, sa kubo lang ako. Pero naabutan niya 'ko sa labas. May kaharap pa akong ibang tao at muntik nang makatawag sa magulang ko. Tuloy ay malakas ang kabog ng dibdib ko. Kinakabahan ako ng sobra sa maaari niyang sabihin at gawin.

Napalunok ako bago dahan-dahang idinilat ang isang mata para sumilip. Matalim pa rin ang tingin ni Peter sa 'kin! Hinigit ko ang hininga ko sabay patong ng isang kamay sa dibdib, mistulang sinapo ang puso.

Tuluyan ko namang binuksan ang dalawang mata ko at nag-aalangang ngumiti kay Peter. Nagawa ko pang itaas ang isang kamay ko sa ere at kumaway. Nag-iisip pa 'ko ng paraan para malusutan ang pagkakamali kaya gusto kong pagaanin ang sitwasyon.

"Pete!" masayang tawag ng matandang kaharap namin. Napatingin naman sa kanya si Peter kaya naputol ang matalim nitong tingin sa 'kin. Dito lang din ako nakahinga ng maayos kahit papaano. Malay ko bang uuwi siya ng may liwanag pa. Ang sabi niya kasi, gabi pa ang balik niya. Siguro sinadya niya ito para mahuli ako.

Pansin ko ang paglambot ng ekspresyon ng mukha ni Peter pagharap sa matanda. Agad naman nagliwanag ang mukha nito. Pakiramdam ko malalim ang relasyon nila. Pero hindi naman sila magkamukha para maging magkamag-anak.

Ibinalik ni Peter ang cellphone nung matanda. "Ah Aling Dolores, ito po," sabi pa niya. At dito naman ako nakaisip ng magandang ideya dahil na rin sa engkwentrong ito. "Pasensya na sa—"

"Tart!" tawag ko kay Peter na pumutol sa kanya. Dahan-dahan siyang napalingon sa 'kin, hindi sigurado kung siya ang tinawag ko. "Na-miss mo naman ako kaagad! Akala ko ba mamayang gabi pa ang uwi mo?" malambing kong tanong sabay kapit sa braso niya. Naramdaman ko ang pagdepina ng muscles niya rito pero hindi ko hinayaang makaapekto ito sa 'kin.

Nanlaki ang mga mata ni Peter nang magkatinginan kami, halatang nagulat sa mga sinabi at ginawa ko. At nang mapansin ko ang mapag-obserbang mga mata ni Aling Dolores sa gilid ng mata ko, hinampas ko sa braso si Peter sabay tawa ng mahina. "Okay lang, Tart! Na-miss din naman kita." Kumindat ako sa kanya para sakyan niya ang pag-arte ko. Pero mukhang mas mabagal pa siya sa pagong makaramdam.

"Ay naku, Pete! Bakit naman iniiwan mong mag-isa si Bra? Bagong kasal pa naman kayo," komento tuloy ni Aling Dolores na nagpaubo kay Peter. Tumango ako sa sinabi niya bilang pagsang-ayon. Ngumuso pa ako sa kanilang dalawa, ibinaba ang magkabilang dulo ng labi, para magpaawa.

At nakita kong akmang magsasalita pa sana si Peter kaya inihilig ko ang ulo ko sa kanyang balikat. Nilingkis ko siyang parang ahas at nanigas naman siya sa kinatatayuan niya. "Kaya nga po, Aling Dolores. Pero ayos lang, nangako naman siya kanina sa 'kin," tumikhim ako bago nagpatuloy. "Hindi raw niya 'ko papalakarin pag-uwi niya," nanunuksong bulong ko sabay taas-baba ng kilay.

Tumikhim naman si Aling Dolores, mas mabilis pang nakuha ang ibig kong sabihin kaysa kay Peter. Napatakip siya ng bibig at nakita kong namula ang pisngi.

"Nakakaabala na yata ako sa honeymoon niyo. Ala e, sige na. Babalik na 'ko. Sasabihan ko ang iba na 'wag kayong istorbohin ditong mag-asawa," nahihiyang saad ni Aling Dolores bago kami talikuran. Sa sinabi niya'y napagtanto kong may ibang tao pa talaga sa islang ito. Sadyang nakahiwalay lang kami sa kanila. Kaya naamn kng gugustuhin kong humingi ng saklolo ay posible.

Nanatili kami sa posisyon namin habang pinapanuod ang paglayo ni Aling Dolores. At nang masigurado naming malayo na siya, rito ako awtomatikong inihiwalay ni Peter sa kanya.

Nagkaharap kaming dalawa at nakita ko ang muling pagdilim ng awra niya.

"Anong sinabi mo kay Aling Dolores?" tanong niya. Parang kulog at kidlat na lang ang dating nito.

Kidnapped By ChanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon