Gusto kong magsimula sa islang ito kasama si Peter bilang si Briar. At para magawa ito ng maluwag sa loob ko'y balak kong tawagan ang mga magulang ko para ipaalam sa kanila kung nasaan talaga ako at sino ang kasama ko. Hindi ko sasabihin sa kanila kung paano at bakit ako napunta sa islang ito. Gusto ko lang malaman nilang maayos at masaya ako rito.
Alam kong tututol sila sa umpisa pero kalaunan ay mapapapayag ko rin sa buhay na gusto ko. Kung hindi man, handa akong ipaglaban si Peter sa kanila. Lahat naman kasi ng gusto nila sinunod ko simula pagkabata. Kaya sana kahit ito lang ay ibigay na nila sa 'kin. Kung magagalit sila ay ipagdadasal ko na lang na mapatawad nila 'ko pagdating ng panahon.
Ito ang mga bagay na tumatakbo sa isip ko habang pababa kami ni Peter sa bundok. Nagpaplano na ako para sa hinaharap habang parehong tikom ang bibig namin. Hindi ko nga alam kung bakit parang mas mabilis kaming nakabalik sa kubo kaysa nakaakyat sa bundok kahit pareho lang naman ang daang tinahak namin.
Pagdating sa kubo, nagtaka ako nang pagbaba ni Peter ng gamit ay lumabas din siya. Tuloy ay kahit gusto ko sanang magpahinga sa kwarto, naisipan kong sundan siya. Nakita ko siyang nakatayo sa tabing dagat. Dahan-dahan akong naglakad at tumabi sa kanya, animo ibon na natatakot akong mabugaw.
Pasikreto akong sumulyap sa kanya at nakitang malayo ang tingin niya. Para bang malalim ang iniisip niya. Tuloy ay ilang minuto rin ang pinalipas ko bago ako tumikhim at nagsalita, "Bakit nandito ka? Baka umulan na. Pasok na tayo sa loob," pag-aya ko sa kanya dahil madilim na ang langit; napuno na ito ng mga ulap. Mukhang pinagbigyan lang talaga kami kanina.
Nang hindi siya kumibo, hinawakan ko siya sa braso at bahagyang iginiya pabalik.
May problema kaya? Hindi kasi siya kumilos sa kabila ng paghila ko. Para siyang naging bato sa kinatatayuan niya. Napansin ko ring masyadong seryoso ang mukha niya ngayon. Malalim ang tinging ipinukol niya sa 'kin bago hinawakan ang kamay ko at dahan-dahang inalis ang pagkakahawak sa kanyang braso.
"Bakit nagsusungit ka na naman?" medyo pabirong tanong ko kahit na kabado at may kirot sa dibdib.
Kumpara kaninang umaga ay para bang mas malamig siya ngayon sa 'kin. Anong nangyari sa deep talk namin kanina? Akala ko pa naman ay mas magiging malapit na kami sa isa't isa pero parang na-reset ang relasyon namin.
Hindi kaya kulang lang siya sa lambing? Nang maisip ito'y humakbang pa 'ko palapit kay Peter. Nakatingin siya ng diretso sa 'kin at ganuon din ako. Nang kaunti na lang ang distansya sa pagitan namin, tumingkayad ako at mabilis na nagnakaw ng halik sa kanyang labi.
Nakita ko ang paglaki ng mga mata niya habang nakalapat ang labi ko sa kanya. Pumikit ako; dinama ang lambot nito habang dinig ang malakas na hampas ng alon. Para bang sandaling huminto ang oras sa pagitan namin.
Pagputol ko ng halik ay umatras ako para makita siya ng buo. Parang natulala siya dahil sa ginawa ko. "Makikinig ka na ba sa 'kin?" tanong ko habang nakangiti. Nakakatuwang makita na kahit papaano ay may epekto ako sa kanya.
Akala ko ay susunod na siya sa 'kin nang ipasok niya ang kamay sa kanyang bulsa. May kinuha siya rito bago inilahad ang palad sa 'kin. Lumawak ang ngiti sa labi ko nang akala ko'y may regalo siya. Ayon lang ay nagtaka ako nang makitang ito lang pala 'yong baryang pinautang niya sa 'kin kanina kapalit ng bigay niyang sapatos.
Napaisip ako kung binibigay ba niya ito sa 'kin. At nang balak ko na sanang kuhanin ay sinarado naman niya ulit ang kanyang palad. Pagkatapos ay ibinato niya sa dagat 'yong barya!
Nalaglag ang panga ko; nanlaki ang mga mata ko. "Bakit mo tinapon?! Hindi mo ba naintindihan 'yung paliwanag ko kanina?" pagtataas ko ng boses. Pupuntahan ko sana ang pinagtapunan niya nang hawakan niya 'ko sa braso. Dito muling nagtagpo ang mga mata namin – may mababakas na kakaibang dilim at lungkot sa kanya.
BINABASA MO ANG
Kidnapped By Chance
Romance"Kung nagsabi ka ng maayos bago mo ko kinidnap, eh 'di sana nakapag-empake pa 'ko!" *** Matagal nang gustong takasan ni Wendy ang kanyang payapa at simpleng buhay. Kaya nang magpunta sa kasal ng kanyang kaibigan, kulang na lang ay magdiwang siya nan...