Chapter 11

43 1 0
                                    

"Hello, Pa?"

"A-Anak? Wendy, ikaw ba 'yan?"

Nangilid ang luha ko nang marinig ang boses ni papa sa kabilang linya, halos mabasag ang boses. Parang pinipiga tuloy ang puso ko. Akala ko hindi ako magiging emosyonal sa pagtawag ko sa kanya. Ngunit masyado kong na-overestimate ang sarili ko.

Tinuro ni Peter 'yong papel sa lamesa na nagpabalik sa 'kin sa wisyo. Nakasulat dito kung ano lang ang dapat kong sabihin sa tatay ko. At mabuti na lang pala pinagawa ko ito dahil sa ngayon ay mistulang nablanko ang isip ko.

Nakaupo ako sa lamesa. Nag-angat ako ng tingin kay Peter na nakatayo sa harapan ko at seryoso ang tingin sa 'kin bago muling binuksan ang bibig. "Oo, Pa. Si Wendy 'to—"

"Ayos ka lang ba? Nasaan ka ba at hindi ka namin matawagan ng mama mo?" Nagtaas ng boses si papa. Halata ang labis na pag-aalala. Inasahan ko naman ito pero iba pa rin pala kapag narinig mo na mismo. Kahit hindi ko siya nakikita, base sa boses niya ay pinipigilan niyang umiyak. "Nakausap namin ang kaibigan mo. Ang sabi niya abala ka raw sa pag a-apply ng trabaho kaya hindi ka pa makatawag sa 'min ng mama mo. Pero hindi kami naniniwala sa kanya kaya paluwas na kami ng Maynila bukas."

Lalong sumikip ang dibdib ko sa nalaman. Pagtingin ko kay Peter ay umigting naman ang panga niya nang mag-iwas ng tingin.

Hindi ko alam kung anong intensyon ni Elle sa pagsisinungaling niya sa mga magulang ko. Pero mas gusto kong malaman kung anong ginagawa niyang aksyon ngayong nawawala ako. Sa intindi ko kasi sa mga sinabi ni Peter noon, natuloy ang kasal ni Elle at nagawa pa nilang magpunta sa honeymoon.

Hinayaan na lang ba talaga niya 'kong makidnap?

"Totoo ang sinabi ni Elle, Pa. Pasensya na po talaga. Ngayon lang ako nakatawag kasi ang dami kong interviews na inasikaso," pagdadahilan ko kahit na sa loob-loob ko, napakababaw na dahilan nito. Kung ako ang makakarinig ng paliwanag ko, hindi ako maniniwala. Pero kailangan ko kasing sakyan ang kwento ni Elle para 'di sila mas lalong magduda.

Tinuro naman ulit ni Peter ang papel bago ko pa ito makalimutan. Kaya agad ko itong isinunod.

"Hindi na rin po pala ako nakapagpaalam sa inyo. Nagbakasyon kasi kami ni Elle ngayon. Biglaan lang. Pero ayos lang naman po ako, wala kayong dapat ipag-alala," sabi ko na medyo iba sa nakasulat sa papel pero 'yong punto ay nanduon naman.

"Pinag-alala mo kami ng tatay mo, Wendy!" mangiyak-ngiyak na boses ni mama ang narinig ko. Mukhang naka-loud speaker ang phone ni papa. "Pinayagan ka namin magpunta ng Maynila dahil ang sabi mo ia-update mo kami. Anong nangyari sa 'yo? Sinasabi ko na nga ba. Masamang impluwensya talaga ang Elle na 'yan."

Ayaw kong masira si Elle sa mga magulang ko. Pero dahil sa sitwasyon ko ngayon, alam kong ito na nga ang nangyayari ngayon.

"Umuwi ka na lang dito imbes na pinag-aalala mo kami ng papa mo!" sigaw pa ni mama. Ngunit agad siyang kinontra ng sunod na sinabi ni papa.

"Kung nasa bakasyon ka, magpahinga ka, anak. Pagkatapos ay galingan mo sa trabaho."

"Ay naku, Tart! Kunsintidor ka talaga sa anak mo kahit kailan!" Nailing na lang ako dahil na-miss ko ang ganito nilang pagtatalo. May tumakas na luha sa gilid ng isang mata ko nang ngumiti ako. Agad ko itong pinunasan. "Wendy, mag a-update ka naman sa 'min kung ano nang nangyayari sa 'yo. E kanino bang numero 'to?" mas mahinahong tanong ni mama. Alam ko namang napangungunahan lang siya ng emosyon pero mas angat ang pag-aalala niya sa 'kin.

Napatingin tuloy ako kay Peter na may mabilis na isinulat sa papel at pinakita sa 'kin. "Ah sa isa pang kaibigan namin ni Elle... Kasama namin sa bakasyon!" nakakunot noong sagot ko. Alam ko na kasing malalabuan pa rin ang mga magulang ko rito kahit na dinagdagan ko pa ang sagot ko.

Kidnapped By ChanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon