Mariing nakatingin at nakikinig si Mrs. Wormwood kay Lisa habang ang matandang pulis naman ay sinusulat sa maliit na kuwaderno ang mga impormasyong binibigay niya."Kagabi po, galing ako sa cafeteria para maghapunan. Matapos kong kumain ay bumalik kaagad ako kasi mag-aaral pa ako sa isang subject at may curfew rin po kapag alas otso pero sa daan ko pabalik, pagbukas mismo ng elevator ay iyon po ang nakita ko, ang nakahandusay na katawan ni Taffy." panimula ni Lisa.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata, sinasariwa ang mga nangyari kagabi.
"Palagay ko po ay pababa rin no'n si Taffy para maghapunan pero hindi ko lang po maintindihan kung bakit sa loob siya ng elevator nawalan ng buhay gayong wala naman siyang kasama."
"Ano po ang sunod na nangyari?" Tanong ng pulis matapos isulat ang nakuhang impormasyon.
"Tinawag ko po ang pangalan niya ng ilang beses pero wala po siyang sagot kaya doon na po ako lumapit at sinuri ang pulso niya. Napasigaw po kaagad ako. Lumabas ho ako saglit sa elevator para humingi ng tulong at buti na lang nakita ko si Mrs. Santiago na kalalabas lang sa faculty room kaya siya ang tinawag ko. Binalikan ko po si Taffy kasama si Mrs. Santiago at pareho po naming napansin ang namumutlang bibig niya na may mga bula at ang maiitim na ugat sa kanyang mukha." nanginginig ang boses ni Lisa habang nagkukuwento.
Lingid sa kaalaman nila na may isang bagay pa na hindi sinasabi si Lisa. Ang lalaking nakita niya kagabi sa madilim na parte ng pasilyo ay palihim lang na nagmamasid sa kanila. Nakasuot ito ng itim na pantalon at jacket. Ang hood nito ay tumatabing sa kanyang mukha at tanging bibig lang ang makikita. Nang mapadako roon ang tingin ni Lisa ay dahan-dahang sumilay ang ngiti sa mga labi ng lalaki. Isang ngiting may halong pagbabanta. Iyon ang dahilan kung bakit natatakot si Lisa na isalaysay ang lahat dahil posibleng siya ang isunod nito sa oras na may sabihin siyang hindi maganda.
"Sinasabi mo bang maaaring lason ang ginamit sa pagpatay?" tanong ng pulis.
Umangat ang tingin ni Lisa sa kanya at marahang umiling.
"Hindi ko po alam."
"Wala bang nakaaway si Taffiana De Guzman bago nangyari ang insidente?"
Umiling muli si Lisa. "Hindi ko po lubos na kilala si Taffy at hindi din po kami magkaibigan pero sa pagkakaalam ko ay mabait po siya at tahimik lang, bihira lang din po siyang makipag-halubilo sa ibang tao at ni minsan ay wala po siyang nakaaway kaya hindi ko po alam kung may tao pong gagawa nito sa kanya."
Napatango-tango ang pulis sa sinabi ni Lisa. "Sige, hija. Maraming salamat sa kooperasyon mo."
Tanging pagtango lang din ang naitugon niya sa pulis at umalis na doon upang magtungo sa kanyang kuwarto.
Humingi naman ng pahintulot ang pulis sa headmistress kung maaari niya bang kausapin si Mrs. Santiago.
Huminga ako ng malalim matapos marinig ang mga sinabi ni Lisa. Gustuhin ko mang lumapit doon at sabihing may kahina-hinalang lalaki kagabi habang nagaganap ang kaguluhan, ngunit hindi ako puwedeng basta nalang maglalabas ng statement at baka ako pa ang paghinalaan.
Mas mabuting tutuklasin kong mag-isa ang mga bagay na gumugulo ngayon sa isipan ko.
Tumayo na ako at dinampot ang cellphone na nakapatong sa mesa. Wala akong makukuha kung palagi lang akong makikinig sa mga sinasabi nila. Kailangan may gawin din ako dahil sa simula't sapol, may misyon akong kailangang tapusin dito.
Iniisip ko kung ano ang dapat kong gawin habang tinatahak ang pasilyo patungo sa library. Liliko na sana ako sa kanan nang makita kong may lumabas galing sa pinto ng library at diretsong naglakad, nakatalikod ito sa akin. Nakilala ko agad si Troy dahil sa malinis na ayos ng kanyang buhok at ang kanyang salamin sa mata na sinusuot niya lang kapag may mahalagang ginagawa lalo na kapag nakaharap sa computer o mga papel.
YOU ARE READING
Wormwood Academy: The Lost Forbidden Book
RomanceGiven a mission to find a stolen forbidden book, Yuri would meet her very opposite being, Gio. What would be their life along the journey?