[3]

434 13 1
                                    

Inikot ko ang paningin ko at laking pagtataka ko ng nasa loob ako ng isang bahay. Maganda at maluwag sa loob, walang masyadong gamit maliban nalang sa TV, maliit na mesa at upuan. Wala ng iba. Pero kanina, naalala kong kasama ko si Kael na nasa bilyaran.

Lumingon ako pero walang tao, ako lang ang nandito. Nalilito na ako kung kaninong bahay ito. Lumapit ako sa pintuan at nang subukan ko itong buksan ay ayaw bumukas. Hindi naman ito naka-lock.


Habang pilit na hinihila at sinusubukang buksan ang pinto ay nakarinig ako ng ingay. Tingin ko ay mula ito sa taas. Binitawan ko na ang doorknob at dahan-dahang umakyat sa hagdan. Sinilip ko kung may tao ba, pero wala.

"May tao ba dyan?" tanong ko at walang sumagot. Nagsimula akong mag-isip ng kung ano-ano.

Nang makarating sa taas ay may nadaanan akong salas. May hallway at may nagmulang ingay ulit mula doon. Nagtungo ako sa hallway at nakakita ng tatlong pintuan. Bababa na sana ako ng bumukas ng kaunti ang pintuang nasa dulo, kaya naman gumawa ito ng nakakatakot na ingay.


Ngumiwi ako sa ingay. Nagtaasan ang aking mga balahibo.

Naglakad ako ng mabagal patungo sa kwartong iyon. Nang makarating ay nilibot ko ang tingin ko. Malinis at maganda sa loob. Kulay puti at itim lamang ang mga kulay ng gamit sa kwartong ito. Tingin ko rin ay babae ang may-ari nito dahil amoy babae dito sa loob.

Sa dami na rin kasi ng mga naging girlfriend ko ay nasanay na ako sa amoy nila. Pero kakaiba itong amoy na ito, mabango siya at hindi masakit sa ilong. Parang may kaamoy siya, tingin ko ay may nakilala na akong tao na may ganitong amoy pero hindi ko maalala.


Doon ko lamang napansin na may isang babaeng nakatayo sa tabi ng bintana. Nakadress siya ng puti na mataas ng kaunti sa kanyang tuhod. Hanggang balikat lamang ang kanyang buhok. Nagsimulang bumilis ang tibok ng puso ko.


"Sino ka?" mahinang tanong ko. Tumawa lamang ang babae. Gusto kong matakot dahil ilang gabi na niya akong ginagambala pero napakasarap pakinggan ang kanyang tawa.


Bakit siya nandito at bakit ko siya nakikita? Lumapit ako ng dahan-dahan. Itinaas ko ang aking kamay para hawakan ang kanyang braso, nang bigla siyang humarap sa akin. Nakangiti siya sa akin.


"Hi, Mico. Namiss kita."

"Sino ka?" tanong ko at napaatras. Lumapit siya sa akin at niyakap ako ng mahigpit.

"Ako si Madelaide. Hindi mo ba ako naaalala?" tinulak ko siya at tumakbo pero nahawakan niya ako. Humigpit ang pagkakahawak niya sa akin at tanging pagsigaw lang ang nagawa ko.


Hingal na hingal ako pagkagising ko. Nakita ko ang mukha ni Kael na nag-aalala sa akin. Narinig ko ang ingay ng mga tao at ang tunog ng mga bolang nagbubungguan. Nasa bilyaran parin kami. At tingin ko ay nakatulog ako dito sa isang billiard table.

"Bro, binabangungot ka!" sambit nito at inabutan ako ng tubig. Kinuha ko ito at mabilis na naubos. Nakita ko ang repleksyon ko sa baso at napatitig nalang ako.

"Mico! Anong nangyayari sayo?" tanong muli ni Kael. Ipinilig ko ang aking ulo at binaba yung baso. Hinila ko nalang siya palabas sa bilyaran at dinala sa isang karinderya.


Nang makaupo ay saka niya ako binatukan. Sinamaan ko siya ng tingin pero di siya natinag.

"Ano bang nangyari? Tsaka paulit-ulit mong sinasabi yung pangalang Madelaide." tanong nito. Hindi ko siya pinansin at nag-order nalang ng dalawang bulalo at apat na kanin. Ayokong pag-usapan ang babaeng iyon. Iniisip ko palang siya ay tumataas na ang balahibo ko.

7th Sense: HauntTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon