Chapter 1

7.6K 88 1
                                    


Last quarter...


"Ipapasa ba niya ang bola o gagawa ng isang delikadong tira? Nasa mahirap na sitwasyon ngayon ang Team Batang Shell. Hindi ko sigurado kung may pinaplanong play itong si Lopez, pero mukhang gagahulin siya sa oras dahil nasa huling mga segundo na lang tayo ng laban," usapan ng dalawang commentator.

Kritikal ang sandaling ito sapagkat ito na marahil ang huling opensa namin para maitabla o mailamang ang laban.


Shot clock... twelve, eleven, ten, nine seconds...


Umikot ako para ipasa ang bola sa tagiliran. Sakto, sumunod ang dalawang naka double team sa akin. Hindi ko ipinasa ang bola. Mabilis kong itinakbo ang bola palayo sa kanila. Madali ko silang naiwanan nang halos isang metro pakanan, sa labas ng nineteen-foot-three-point line. Pagkakataon ko na upang makagawa ng mabilisang play.

Sinilip ko ang bawat anggulo. Nakaipit lahat ng kasamahan ko sa mahigpitang man-to-man defense. Tumingin ako sa oras.


Shot clock... nine, eight, seven, six seconds...


May isang metrong layo pa ako sa three-point line. Nauubos ang oras kaya wala na akong magagawa kun' di ipukol ang bola. Isang naka-depensa na malapit sa akin ang humabol upang tangkaing pigilan ang pagbyahe ng bola pa-basket.


Shot clock... six, five, four, three seconds...


Nakalapit ang kalaban sa akin kaya nagdesisyon akong pakawalan ang bola pa-rainbow shot.


Foul! Tawag ni ref.


Nahagip ako ng kanyang siko. Tumama yun sa aking kanang balikat. Bumagsak ako sa sahig ng court.


"Pare, wala naman sakitan... Putcha naman!" pagalit kong sabi sa kalaban na nakahagip sa akin, habang inaalok ang kanyang kamay para tulungan akong tumayo.

Hinawi ko sya at mag-isa akong tumayo.

"Mark..." tawag ni coach habang papalapit sa akin.

Lumingon ako. Tinignan ko lang siya.

"Mark, dalawang puntos lang ang ipasok mo para maka-overtime."

Tumango ako. Nagsimula na akong kabahan. Pabilis nang pabilis ang kabog ng dibdib ko. Ang bigat ng nakapatong sa aking balikat.

Nag-umpisa na ako maglakad papuntang free throw line. Nag-iisip kung ano ang kahahantungan ng aking tatlong bonus shots. Panalo, kapag naipasok ko ang lahat. Tabla kung dalawa ang nagawa ko, at ang masaklap, talo kung isa o wala ni-isang puntos ang naidagdag ko sa kaban ng aming kabuuang puntos upang habulin ang dalawang kalamangan ng kalaban.


First free throw by jersey number 19, Lopez....


Yumuko ako hawak ang bola. Pumikit at huminga ng malalim. Isa, dalawa, tatlong dribble. Pukol.

Diretso ang bagsak ng bola sa sahig. Nagsimula na ang nakakabinging ingay sa loob ng gym.


First free throw, good! Score, ninety-six, ninety-five. Lamang ang kalaban ng isa.


Second free throw, good! Score, dead lock. Ninety-six all.


Sa ikatlong free throw, nagsimula na akong makaramdam ng panginginig ng katawan. Isang puntos para tuluyan na naming mahawakan ang laban.

Huminga muli ako ng malalim. Sana magawa ko.

BOO! Sigawan ng mga taga-suporta ng kalaban. Biglang nabura ang nararamdaman kong kaba at napalitan ng yabang. Gumanti ako ng isang mapang-inis na ngiti sa kanila bago ko ipinukol ang bola.


Quits.

Most Valuable PlayerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon