Naguguluhan ako... Bakit naguguluhan na naman ako? Isang daang libong beses ko nang pinag-isipan ang dapat kong gawin, pero bakit ganon? Bigo pa rin ako na kalimutan siya.
Hay.
Tumayo ako. Nagsinop-sinop. Nilinis ang kwarto kong nawalan ng bihis, na nahubaran ng nagdaang gabi. Buntong-hininga. Napaisip na naman ako. Tang-na. Siya na naman ang naalala ko.
Kung napag-aaralan lang sana ang pinaka mabilis na paraan upang kalimutan ang tulad niya, kahit saang eskwelahan pa mag-e-enroll ako, kahit marami pang seatwork at homework papasukan ko, maturuan lang ang bobo kong puso.
Binitiwan ko na kung ano man ang ginagawa ko nuong mga oras na 'yun.
Naligo ako at nagbihis. Nagpabango ako ng sampung beses. Nag-toothbrush, nag-mouthwash at nag-ahit ng balbas. Kahit para na akong tanga, makaalis lang ako pansamantala sa mundo kung saan ko siya naaalala.
* * *
Dumaan ako kay manong barbero hindi para kumuha ng kwento kundi para magpatabas ng buhok... para magpa semi-kalbo.
"Manong, gwapo na po ba 'ko?" tanong ko, nakaharap ako sa malapad na salamin habang siya ay abala sa pag-alis sa aking patilya.
"Syempre naman." Napapangiti pa si manong.
"Aakyat po kasi ako ng ligaw, manong. Papasa na kaya ako? Ano sa tingin mo?"
"Pasadong pasado ka, bata. Kung ako ang liligawan mo, u-oo agad ako sa'yo."
Ganon sana. Lakas ni manong.
"Manong, basketbolista ka rin ba?"
"Hindi. Bakit?"
"Basketbolita po kasi ako pero hindi ako ganyan kalakas mambola."
"Hindi bola yun, bata."
"Sige. Naniniwala na 'ko sa inyo. May isang tanong pa ako, manong."
"Ang dami-dami mo naman tanong, bata."
"Last na 'to."
"Sige. Ano ba yun?"
"Kunwari close tayong dalawa. Kunwari lang naman. Tapos bibigyan kita ng regalo, anong regalo ang gusto mo? Nakuha mo ba manong? Basta parang tipong ganon."
"Nako. Hmm. Pwedeng bagay na gusto ko makuha, makita o kaya paborito ko. Dapat ikaw ang umisip nun. Hindi naman mahalaga kung ano, ang importante nakaalala ka."
"Wow."
Napakunot-nuo tuloy ako.
Pagkatapos sa barber shop ni manong, tuloy ako sa flower shop ni manang Ising sa kanto. Bumili ako ng paboritong bulaklak ni Mariel, pulang rosas. Tatlong piraso.
Pagkatapos ay sumaglit ako sa mall para bumili ng isa pang regalo.
Pasado alas kwarto na ng hapon ng dumating ako sa bahay nila Mariel. Agad ko binigay ang binili kong bulaklak sa kanya.
"Pasensya ka na hon, ha. Medyo malungkot yung mga bulaklak. Hindi ko kasi nasamahan ng chocolates. Ayoko kasi tumaba ka," palusot ko. Sa totoo lang kinulang talaga ako ng pera para makabili pa ng tsokolate para sa kanya. May ibang pagkakataon pa naman.
"Ikaw talaga. Oh teka bakit nagbago itsura mo?"
"Wala lang. Maiba lang. Nagustuhan mo ba?"
"Oo naman. At bakit may bag ka pang dala?"
BINABASA MO ANG
Most Valuable Player
General FictionMay mga bagay talagang hindi inaasahan kahit sa isang bagay na nakagisnan na, tulad na lang ng basketball. Hanggang saan nga ba dadalhin si Mark ng kanyang pagmamahal sa larong ito? Story Copyright © 2010 Sympaticko. Book Cover Art Copyright © 2015...