Wala ako sa sarili no'ng mga sandaling 'yon.
"Akala ko ba ayaw mo sa Jollibee?"
"Basta."
"May problema ka?"
Hindi ako makasagot sa tanong niya. Magulo ang isip ko. Napansin siguro niya ang hilatsa ng mukha ko.
"Mark, okey ka lang?" tanong niya. Nagsimula na siyang mag-alala.
"Mags, mahal mo 'ko?" seryosong tanong ko.
"Ha?"
Nagulat siya sa tanong ko. Hindi siya makasagot, halatang nagtataka.
"Kasi ako mahal kita," dagdag ko.
"Mark, ano ba nangyayari sa 'yo?" mataas ang tono ng boses niya. Nagulat siya marahil sa sinabi ko.
"Gusto ko sana tayo na," mabilis kong tugon.
"May girlfriend ka."
"Wala na 'yun. Ano, sex tayo?"
Sinampal niya ako, malakas at sigurado akong narinig 'yon ng mga tao sa paligid. Nagtinginan ang iba at ang ilan ay patay-malisya. Tinitigan niya ako nang masama, nangingilid ang kanyang luha. Bigla akong natauhan sa aking mga ginawa. Nagsimula na akong makaramdam ng matinding pagkahiya.
"Sorry, Maggie." Nakayuko ako, hiyang hiya. Wala akong mukhang maiharap sa kanya.
Bigla siyang umiyak.
"Mark, babae ako na dapat ding igalang. Akala ko, iba ka. Iba sa mga bastos na lalaki 'jan. Akala ko hindi ka tulad nila na kung tratuhin ako ay isang laruan."
Pinagpipyestahan kami ng mga matang nasa paligid, pero hindi ko 'yon pinansin.
"Sorry. Hindi ko sinasadya." Nanginginig ang boses ko.
Tumayo siya, biglang lumabas. Sinundan ko naman siya pero 'yon nga lang, hindi ko alam ang gagawin ko. Naglakad siya, naglakad palayo. Sinundan ko lang siya.
"Sorry, Maggie. Magulo lang kasi isip ko kanina," sabi ko.
Kinakausap ko siya habang naglalakad kami. Nasa harapan siya, nauuna, habang ako ay nasa likuran lang niya.
"Hindi ko inaasahan na sa 'yo manggagaling 'yun, Mark." Umiiyak pa rin siya.
Binilisan ko ang paglalakad at naabutan ko siya sa tapat ng isang walang taong eskenita, sa ilalim ng isang poste ng ilaw. Hinawakan ko siya sa kamay. Nagpupumiglas siya. Niyakap ko siya. Kumakawala pa rin siya.
"Patawarin mo ko, Maggie. Magulong-magulo lang talaga ang isip ko kanina. Ikaw ang unang pinuntahan ko dahil iniisip ko na ikaw lang ang makakaintindi sa akin, sa pinagdadaanan ko. Hindi ko talaga sinasadya na bastusin ka pero tinatanggap ko ang pagkakamali ko. Sinaktan kita at hindi man lang inisip ang mararamdaman mo. Puro sarili ko lang ang inintindi ko. Nagmamakaawa ako sa 'yo, Maggie. Patawarin mo ako."
Tumigil na siya sa pagkawala sa pagkakayakap ko. Mas lalo pa siyang umiyak kaya mas lalo ko pang hinigpitan ang yakap ko.
"Gusto kita, Mark. Gustong gusto. Pero hindi dahilan 'yun para ibaba ko ang pagkababae ko. Hindi ko alam 'yang pinagdadaanan mo pero iintindihin na lang kita. Nagagawa mo lang siguro ang lahat ng 'to dahil may mabigat kang dahilan."
Ilang saglit pa ay umupo kami sa isang tabi, hindi kalayuan sa poste ng ilaw. No'ng una, medyo naiilang pa kaming magsalita pero siya na ang bumasag ng katahimikan ng panimulang, "Sige, ilabas mo 'yan, makikinig ako." Nabubulol pa ako sa kaba no'ng simula pero nagawa ko naman ikwento ang lahat ng nangyari at pagkatapos ay niyakap niya ako, tinapik sa balikat.
BINABASA MO ANG
Most Valuable Player
Aktuelle LiteraturMay mga bagay talagang hindi inaasahan kahit sa isang bagay na nakagisnan na, tulad na lang ng basketball. Hanggang saan nga ba dadalhin si Mark ng kanyang pagmamahal sa larong ito? Story Copyright © 2010 Sympaticko. Book Cover Art Copyright © 2015...