CHAPTER 03- Doubt

2.2K 99 6
                                    

CHAPTER 03- Doubt

"JAPOY"

MAKALIPAS ang limang araw ng cool off namin ay hindi rin ako nakatiis, itinext ko agad si Macoy at nag-sorry ako. Ramdam ko na galit pa rin siya pero pinatawad na niya ako. Nag-promise ako sa kanya na magbabago na ako.

Hindi na ako magiging mahigpit sa kanya.

Hindi ko na siya sasakalin sa relasyon namin.

Hindi ko na rin siya pipilitin na makipagkita sa akin kapag pagod siya sa trabaho.

"Bakit kasi hindi pa kayo magpakasal, Japoy at Macoy?" Minsan ay sabi sa amin ni Benj habang nasa bahay kami at nagmo-movie marathon.

Magkatabi kami ni Macoy sa sofa. Nakahiga ako at nakaunan sa hita niya. Habang si Benj ay solo sa isang upuan.

Tumingala ako kay Macoy at nagtama ang mga mata namin. Mahina kaming napatawa sa sinabi ni Benj.

"Oh, anong nakakatawa? Two years na kayo, at sa same-sex relationship parang sampung taon na ang katumbas niyan, 'no!" patuloy pa ni Benj.

Bumangon ako at umayos ng upo. "Kasal? Legal na ba ang same-sex marriage dito sa Pilipinas? Isang pangarap pa lang ang kasal na sinasabi mo," natatawang turan ko.

"Isa pa, hindi na namin kailangang magpakasal... Ang importante ay nagkakaintindihan kaming dalawa." Kinilig naman ako sa sinabing iyon ni Macoy though medyo hindi ako sang-ayon dahil ang gusto ko talaga ay makasal kami.

Gusto ko 'yong masasabi ko balang araw na akin siya, na asawa ko siya. Iyong may pinanghahawakan ako sa kanya.

Nang mga sumunod na buwan ay naging maayos naman ang relasyon namin ni Macoy. Bagaman at minsan ay nagkakatampuhan kami, naaayos rin naman namin agad.

Medyo naninibago nga lang ako kasi 'yong once a week na pagkikita namin ay nabawasan na. Minsan, sa isang buwan ay dalawang beses na lang kaming magkita. Kung ako ang tatanungin, mahirap dahil ang gusto ko ay palagi siyang kasama. Iyon nga lang, hindi na ako masyadong makapag-demand na magkita kami every week dahil iyon ang naging dahilan ng pagko-cool off namin last time.

Siguro ay masasanay din ako. Mahirap pero kakayanin...

-----***-----

"MACOY, sino itong Theo Rocess sa friends mo?" tanong ko kay Macoy habang nasa isang coffee shop kami at hinihintay si Benj. Papunta kasi kami ng Ilocos at dito ang meeting place namin.

"Theo Rocess?" nakakunot ang noo na tanong niya.

Tinitingnan ko kasi ang profile niya sa Facebook at napunta ako sa list ng friends niya at isang hindi pamilyar na account ang nakita ko. Ang alam ko kasi ay hindi siya nag-a-accept or add ng hindi niya talaga kilala. Gwapo iyong Theo at ang profile picture nito ay nakahubad ng pang-itaas.

Hindi ko alam pero kinabahan agad ako nang makita ko sa friends list niya iyon.

"Yes. Kilala mo?" Pinakita ko pa sa kanya ang phone ko. "Iyan, oh. Friend mo."

"Wala iyan," balewalang sagot niya at uminom siya ng kape.

"Anong wala? Eh, friend mo? Kilala mo ba ito?"

Umiling siya.

"Bakit mo ka-friend?"

"Masama bang mag-add ng hindi ko kilala? He added me, in-accept ko lang."

Sumama na ang mood ko sa sinabi ni Macoy. Oo, nagdududa na ako. Ewan ko ba, iba ang pakiramdam ko sa Theo na ito. Malakas ang kutob ko na may 'something'.

"Ang alam ko kasi hindi ka nakikipag-friends sa Facebook sa hindi mo talaga kilala. Napaka espesyal naman ng Theo na ito para i-accept mo!"

"'Ayan ka na naman, Japoy! Akala ko ba magbabago ka na? Noong una, sinasakal mo ako ngayon naman pinagdududahan mo ako. What's next?"

Mas pinili ko na lang na tumahimik matapos na magalit ni Macoy sa pagdududa ko. Baka kasi makipag-cool off na naman siya sa akin or baka break na talaga. Natatakot akong mangyari iyon—ang maghiwalay kami. Mahal na mahal ko siya at baka pati ang paghinga ay makalimutan ko na oras na mawala siya sa akin.

Ilang sandali pa ay dumating na si Benj at may dala siyang sasakyan.

Naging masaya naman ang bakasyon namin sa Vigan. Sayang at hindi pwedeng sumama si Nash dahil may exam sila the whole week.

-----***-----

TATLONG araw at dalawang gabi kami sa Vigan.

After that vacation ay nakita ko na in-upload ni Macoy sa Facebook account niya ang pictures namin doon. Ang pangalan ng album—"VIGAN TRIP WITH MY FRIENDS".

Friends talaga?

Sabagay, hindi naman kasi alam ng family at friends niya kung ano siya.

Isa pa iyan sa nagpapahirap sa relasyon namin ni Macoy. Out ako, siya hindi. Kapag lalabas kami, doon kami lagi sa lugar na walang makakakilala sa kanya. O kung may makakakita man sa amin na kakilala niya, lagi niyang sinasabi na kaibigan niya ako.

Masakit iyon sa part ko. Gusto ko kasi ay maipagmalaki niya na partner niya ako.

"Macoy, kailan mo balak umamin sa inyo na bi ka?" Minsan ay tanong ko sa kanya habang magkausap kami sa phone.

"Wala pa 'yan sa isip ko, Japoy. Ang gusto ko ay may maipagmalaki muna ako sa family ko. Saka, hindi pa talaga ako ready," aniya.

"Gusto mo ba na tulungan kita? Wala namang pinagkaiba kung ngayon o sa ibang araw ka aamin sa kanila. Umamin ka na kasi..." May pamimilit ang pagkakasabi ko noon.

Gusto ko kasi ay maging malaya na kaming dalawa.

"No, Japoy... Hindi pa talaga ako handa. Sana maintindihan mo iyon."

"Naiintindihan ko naman pero ang hirap lang sa part ko..."

"Kung nahihirapan ka na, hiwalayan mo na lang ako."

"Anong sabi mo?!" Labis akong nabigla sa sinabi niya. "Wala akong sinabi na gusto kitang hiwalayan."

"Eh, sabi mo kasi nahihirapan ka na? Hindi naman kita pinipilit na mag-stay kung nahihirapan ka na sa akin."

"Alam mo, nagtataka na talaga ako sa'yo. Ngayon mo lang sinabi 'yan sa akin! Umamin ka nga, humahanap ka lang ba ng butas para makipaghiwalay? Siguro may iba ka na!"

Narinig ko ang malalim na paghinga ni Macoy sa kabilang linya. "'Ayan ka na naman sa pagdududa mo, Japoy. Sige na, bye na. Baka sa awayan na naman ito mapunta. Ayokong matutulog ako ng may kaaway."

"Okey. Sabi mo, eh!" mabigat ang loob na turan ko.

"Bye. I love you..."

"Bye. I love you too."

At doon natapos ang pag-uusap namin ng gabing iyon. Pero ang pagdududa ko ay hindi pa rin natatapos. Mas lalo pa ngang lumalala.

TO BE CONTINUED...

When The Rainbow EndsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon