CHAPTER 14- Shout It Out
"KAPAG may gusto akong sabihin o ilabas, dito lang ako pumupunta. Dito ko isinisigaw lahat-lahat. At kapag nasabi ko na lahat... napakagaan na ng pakiramdam ko. Pero, 'yong sa'yo kasi, imposibleng mawala iyan sa pagsigaw mo dito."
"Eh, bakit mo pa ako dinala dito?"
"Para kahit papaano, masabi mo or maisigaw mo 'yang nasa dibdib mo. Makakatulong ito kahit paano. Trust me, Japoy..."
Napatingin ako sa mga mata ni Jay. Nakikita ko ang concern niya sa akin. Bakit ganito siya sa akin? Kakakilala lang namin pero kung mag-alala siya sa akin parang matagal na kaming magkakilala. Marahil ay talagang gusto niya ako. Pero parang ayaw ko namang maniwala na gusto niya ako kasi sobrang gwapo niya, artisthain talaga tapos ang yaman pa. Walang-wala ako kung ikukumpara sa kanya. Baka naman trip niya lang ito. Bored lang at ako ang ginagawa niyang pampalipas-oras.
Muli akong tumingin sa tanawin na nasa harapan namin. Iyon pa lang ay nakakagaan na agad ng pakiramdam. Pati ang kalangitan na puno ng stars ay napakaganda din. Hindi ko makita ang buwan. Siguro ay nakatago sa ulap.
Huminga ako ng malalim. "Okey. Gagawin ko ang sinabi mo, Jay."
"Talaga?" excited na paniniguro niya.
"Oo. Wala naman sigurong makakarinig sa akin dito, 'no?"
"Wala. Promise! Basta, 'wag mong tatangkain na tumalon, ha. Papahirapan mo pa ang mga tao na linisin sa ibaba 'yong dugo at lamang-loob mo," tatawa-tawang sabi ni Jay.
Medyo natawa naman ako sa sinabi niya. "Malabong gawin ko ang mag-suicide! Mahal ko pa ang buhay ko at ang kapatid ko. Sige na, umalis ka na muna."
"Okey. Good luck!" At umalis na nga si Jay. Isinara niya ang sliding door at nakita ko siyang lumabas ng kanyang kwarto.
Nang mapag-isa ako ay yumakap sa akin ang tila walang hanggang katahimikan. Inisip ko na nasa kalangitan ang mukha ni Macoy. Hindi ko na napigilan pa ang lumuha.
At doon na ako nag-umpisang magsalita habang umiiyak. "M-macoy, sa totoo lang hanggang ngayon, mahal na mahal pa rin kita. Kahit anong pilit ko na alisin ka sa puso ko, hindi ko magawa. Alam mo ba noong tayo pa, never kong inisip na maghihiwalay tayo sa ganitong dahilan. Iniisip ko nga na kung maghihiwalay tayo, eh, dahil sa pagiging paranoid at seloso ko. Hindi pala... Ang laki ng tiwala ko sa'yo, Macoy. Kasinglaki ng pagmamahal ko sa'yo! Pero bakit gano'n? Ang sakit-sakit! Hindi mo alam kung ano ang pinagdadaanan ko ngayon. Napakaselfish mo! Alam mo ba 'yon?! Mas matatanggap ko pa kung nakipaghiwalay ka muna sa akin bago mo ako pinagpalit sa iba, eh!"
Unti-unti nang naging intense ang emosyon na lumulukob sa akin. Kaya naman medyo nagkakaroon na ng diin ang bawat salitang lumalabas sa aking bibig. "Alam mo bang hirap na hirap ako ngayon?! Tapos ikaw nagpapakasarap sa piling ng Theo na iyan?! Tao ka pa ba? Naiisip mo ba akong niloloko mo ako noon?! Sabi mo, faithful ka! Shit ka, Macoy! Shit ka! Manloloko! Wala kang karapatang sumaya! Karmahin ka sanang hayop ka!!! Sana makalimutan na kita! Sana makalimutan na kita para hindi na ako nasasaktan!!!"
Parang naubusan na ako ng sasabihin at lakas. Nanghihina na napaupo na lang ako sa sahig habang humahagulhol. Umiyak ako nang umiyak. Hindi ko alam kung gaano ako katagal sa ganoong posisyon, basta nagisnan ko na lang ang sarili ko na tapos na sa pag-iyak.
Tumayo ako at tumitig sa kawalan. Kinuha ko ang panyo ko sa bulsa at pinahid ang luha sa aking pisngi at mata. Sa paghinga ko ng malalim ay parang may natanggal na bara sa aking dibdib. Totoo nga ang sinabi ni Jay. Ang sarap at gaan sa pakiramdam matapos kong masabi lahat ng gusto kong sabihin. Masyado kasi akong pabebe noon kay Macoy na hindi ko siya masyadong masumbatan kahit na niloko niya ako.
Umalis na ako ng terrace at pinuntahan si Jay na nasa salas. Nakaupo siya sa sofa at nanonood ng TV. Nang makita niya ako ay pinatay niya ang TV at lumapit sa akin.
"Jay..." nakangiting tawag ko sa kanya.
"Okey ka lang ba?" Hinawakan pa niya ako sa magkabilang balikat.
Tumango ako. "Oo. Thank you!" At niyakap ko siya nang buong higpit para iparamdam sa kanya ang pasasalamat ko.
-----***-----
"OH? Sino na naman 'yang ka-text mo? Si Macoy na naman ba? Naku, Japoy! Sinasabi ko na sa'yo, tigil-tigilan-"
"Hindi," putol ko sa iba pang sasabihin ni Benj. Nasa bahay kami at nakatambay lang. "Hindi si Macoy ang ka-text ko. Si Jay..." nakalabi kong sagot.
Tila na-excite si Benj sa sinabi ko at mas lumapit siya sa akin. "Jay? Sino naman iyon? Bagong jowa mo?"
"Malandi ba ako para magkaroon agad ng jowa? Two months pa lang simula nang maghiwalay kami ni Macoy. Ayoko naman na pumasok agad sa isang relasyon. Kaibigan ko lang si Jay."
"'Sus! Kung ang ex ko lang din naman ay katulad ng manlolokong Macoy na iyon, papalitan ko agad kara-karaka!"
"Eh, hindi naman kasi ako ikaw, Benj. Saka paano ka naman magkakaroon ng ex, wala ka namang jowa. Takot ka sa commitment."
"Excuse me! Iba ang takot sa ayaw, okey? So, nakikipagkaibigan ka na ulit sa iba... Ibig bang sabihin nito ay naka-get over ka na sa ex mo?"
"I'm getting there... Ayoko nang umasa na magkakabalikan pa kami lalo na at sila na ulit ni Theo ngayon. Mahirap na i-focus ko ang sarili ko sa isang bagay na imposibleng mangyari."
Tumayo bigla si Benj at pumalakpak. "Wow! Ang taray mo na ngayon, Japoy! Pero like ko 'yan! Like na like!" sabay upo ulit sa tabi ko. "So, sino ba talaga si Jay?"
"Kaibigan nga lang! Sinagot ko na kanina, 'di ba? Hindi nag-pe-pay attention?"
"Hindi kasi ako naniniwala sa sagot mong kaibigan mo lang! Kilala kita. Pinapanood kita habang nagtetext at iba ang ningnig sa mata mong bakla ka!"
"Intrigera ka talaga! Okey, sasabihin ko na. Ang sabi niya, gusto niya ako-"
"Aaayyy!!!" Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil sa makabasag eardrum na pagtili ni Benj. Kinikilig na niyugyog niya ang braso ko. "Nanliligaw sa'yo?!"
"Ano ba? Bitiwan mo nga ako! Hindi siya nanliligaw. Basta, sinabi niya na gusto niya ako. 'Yon lang!"
"Ay! Ang labo naman. Pero, 'di bale, atleast kahit hindi ka kagwapuhan ay may nagkakagusto pa rin sa'yo."
Tinampal ko siya sa braso. "Ang sakit mong magsalita, ha!"
"Hayaan mo na, totoo naman. Wait, may picture ka ba niya?"
Ipinakita ko kay Benj ang pictures ni Jay sa Facebook account nito at kilig na kilig naman ang kaibigan ko dahil kahit ito ay nagwapuhan kay Jay.
"Naku, Japoy! Kapag niligawan ka, sagutin mo agad. Ang gwapo gwapo gwapooo!!!"
Naiiling na lang ako. Medyo nagulat pa ako nang biglang tumunog ang cellphone ko.
Napatingin ako kay Benj. "Tumatawag siya..."
"Sino? Sino?"
"Si Jay!"
"Sagutin mo, bilis! Tapos i-loud speaker mo!" At talagang mas excited pa siya sa akin, ha.
Hindi ko sinunod ang sinabi ni Benj. Lumabas ako ng bahay at doon ko sinagot ang tawag niya. Nang akmang susunod si Benj ay sinenyasan ko siya na susuntukin ko siya kapag sumunod siya. Halos five minutes lang naman kaming nag-usap saka ako bumalik kay Benj.
Excited akong inusisa ng kaibigan ko. "Anong sabi? Magkwento ka!" aniya.
"Ini-invite niya ako sa birthday party niya tonight," nakakagat sa daliri na sagot ko. Hindi ko kasi alam na birthday niya ngayon. Kinakabahan tuloy ako.
"Pasama ako! Hindi pwedeng hindi! Gusto kong makilala ang ipapalit mo kay Macoy!" masayang sigaw ni Benj.
TO BE CONTINUED...
BINABASA MO ANG
When The Rainbow Ends
RomansaKapag natapos na ang lahat... Kaya mo pa bang magsimula ulit?