CHAPTER 17- UnEXpected Again
SA condo na ni Jay ako natulog. Magkatabi kami sa kama pero walang nangyari. Iginalang talaga niya ang desisyon ko. Buong magdamag na nakayakap lang siya sa akin. Nang mag-umaga na ay sabay kaming nagising. Nag-almusal at inihatid niya ako sa labas. May lakad kasi siya ng araw na iyon, pupuntahan niya iyong negosyo niya kaya hindi niya ako maihahatid.
Nag-taxi na lang ako pauwi para hindi na ako magpalipat-lipat pa ng sasakyan. Gusto ko na rin kasing makauwi na. Pero malas yata talaga ang araw na iyon dahil bigla namang nasiraan iyong taxi na sinasakyan ko. Wala akong choice kundi ang bayaran na lang ang taxi driver at bumaba ng taxi niya.
Pagkababa ko ay tumama agad sa balat ko ang matinding sikat ng araw. Napasimangot na lang ako.
Nasa gilid ako ng kalsada nang may isang kotseng huminto sa harapan ko. Bumuba ang bintana niyon sa may driver's seat at nanlamig ako nang makita ko na si Macoy pala ang sakay niyon.
"Japoy!" tawag niya sa akin. "Saan punta mo?"
"U-uuwi na," sagot ko.
"Hatid na kita."
"Naku, 'wag na. Okey lang ako."
Bakit naman ako papayag na ihatid niya ako? Saka kung i-approach niya ako parang walang nangyari. Kaswal na kaswal lang siya.
"No. Ihahatid na kita. Sumakay ka na."
"'Wag na sabi, Macoy. Salamat na lang."
"Sumakay ka na. Hindi ako aalis dito hangga't hindi ka sumasakay. Sige na, baka may makakita pa sa aking pulis dito. Bawal huminto ang sasakyan dito, eh." Bigla siyang bumaba at binuksan ang pinto sa unahan ng kotse niya.
Tiningnan niya ako. Mukhang hindi talaga siya aalis. Bahala na nga. Baka isipin pa niya na bitter pa rin ako sa break up namin kung hindi ako papayag na ihatid niya ako. Iisipin niya siguro na iniiwasan ko siya. Kaya ang ending, nanalo si Macoy. Sumakay na ako sa kotse niya. Palagi naman siyang nananalo, eh. Katulad nang magdesisyon siya na makipaghiwalay na sa akin kahit ayaw ko, siya pa rin ang nanalo.
"Kumusta ka na, Japoy?" tanong niya habang nagda-drive.
Sabihin ko kaya sa kanya ang totoo. Sabihin ko kaya na hindi pa rin okey dahil hindi pa rin ako nakaka-move on sa break up namin.
"Okey naman. Ikaw, kumusta? Bago itong kotse mo, ha. Mukhang sinwerte ka nang maging kayo na ni Theo. Hindi katulad noong tayo pa, hindi ka nakakabili ng ganitong bagay." Huli na para bawiin ko ang mga sinabi ko dahil dire-diretso at kusang lumabas ang mga iyon sa bibig ko.
Ang tanga ko! Nagmukha tuloy akong bitter!
"Hindi naman. Hinuhulugan ko pa rin naman ito kaya kailangang magsipag pa ako sa pagtatrabaho. At saka... wala na kami ni Theo."
Bigla akong napatingin sa kanya. Nakamaang lang ako sa kanya dahil hindi ko alam ang sasabihin ko sa sinabi niya.
Mabilis siyang sumulyap sa akin at ngumiti. "Oh, bakit hindi ka nakapagsalita?"
"W-wala naman. Akala ko kasi kayo pa. Pero, seryoso, wala na kayo?"
Tumango siya. "Yup! A week ago. Nakipag-break ako sa kanya dahil na-realize ko na hindi ko pala siya mahal. Masyado lang akong na-stress noon sa relasyon natin kaya naghanap ako ng iba na mas mapapasaya ako. Ang I am so sorry for that, Japoy..."
"Matagal na kitang pinatawad, Macoy..."
"Pero hindi ko pa napapatawad ang sarili ko, Japoy. Napakasama ko para saktan ka."
Alam ko, anytime ay papatak na ang luha ko pero ginawa ko ang lahat para pigilan iyon.
"Japoy, gusto kitang balikan. Alam mo ba iyon-"
"Macoy, please... 'Wag mo na akong pahirapan pa. Unti-unti ko nang tinatanggap ang nangyari sa atin. Isa pa, si... Jay kasi..."
"Kayo na ba?"
"Hindi pa..."
"Kung mahal mo na siya, 'wag mong pigilan ang sarili mo. Mahal pa rin kita, Japoy. Tulad ng sinabi ko kanina ay gusto pa rin kitang balikan pero hindi pa sa ngayon. Pakiramdam ko kasi ay hindi pa ako karapat-dapat sa iyo. Hihintayin ko na maghilom muna ang sugat na nilikha ko sa puso mo!"
Hindi ko na napigilan pa ang hindi maluha. Pakiramdam ko ay muling bumuka ang sugat sa puso ko na unti-unti na sanang gumagaling. Sana ay ganoon lang kadali ang lahat... Na sa isang iglap ay magkakabalikan kami agad ni Macoy. Pero marami na kasing nangyari. At may Jay pa na naghihintay ng kasagutan sa pag-ibig na ino-offer niya sa akin...
"Babalikan kita kapag nagbago na ako, Japoy. Pangako..."
Wala na akong balak na magsalita pa.
Sana nga lang ay may babalikan ka pa kapag binalikan mo na ako, Macoy. Mahal na mahal pa rin kita! Hindi ko na isinatinig ang mga iyon. Tama nang ang isip at puso ko ang makadinig niyon.
-----***-----
"SI Macoy ba 'yong naghatid sa'yo? Si Macoy 'yon, ano. Nakita ko siya na ipinagbukas ka ng pinto ng kotse. Kayo na ba ulit?" Nagulat na lang ako nang pagpasok ko ng bahay ay naroon pala si Benj. Nasa tabi siya ng bintana at obvious na nakita niya ako na inihatid ni Macoy.
Tinaasan ko siya ng kilay. "Hindi ka naman siguro bulag, Benj, para hindi mo makita na si Macoy nga iyon. Nakita mo na, tinatanong mo pa."
"Gusto ko lang manggaling mismo sa bibig mo. Gaga! So, kayo na nga?" usisa pa niya.
"Inihatid lang ako, kami na ulit agad? Hindi, ha."
"Very good! Akala ko naman nagpauto ka na naman sa hayop na iyon..."
Umupo si Benj sa tabi ko at sinabi ko sa kanya ang mga napag-usapan namin ni Macoy habang hinahatid niya ako dito. Lahat sinabi ko.
"So, aasa ka na babalikan ka ni Macoy after niyang magbago? Eh, paano na si Jay? Nanliligaw siya sa iyo, 'di ba?"
"Hindi pa naman ako sure kay Jay pero ang dami na niyang nagawa para sa akin. Siya iyong nandiyan nang mga sandaling kailangan ko ng kausap."
"Tarantado talaga ang Macoy na iyon! Kung kailan medyo nakakausad ka na, saka naman babalik. Hindi lang naging successful ang relasyon niya doon sa isa kaya siya babalik sa'yo!"
"Benj, mahal ko pa si Macoy. Hindi basta-basta mawawala iyon."
"Pero sinaktan ka niya. Kung ako sa'yo, sagutin mo na si Jay para tigilan ka na niya at para maramdaman ng hayop mong ex ang sakit na ibinigay niya sa'yo."
"Sasagutin ko si Jay para ano? Maging panakip-butas. Ayokong gumamit ng tao para lang makapanakit ng ibang tao."
"'Yan... Iyan ang hirap sa iyo. Masyado kang mabait kaya ang dali mong saktan. Sasapakin na kita para masaktan ka ng literal, eh!"
Naku, at nagsermon na naman ang kaibigan ko.
Ano ba? Naguguluhan na talaga ako dahil sa mga sinabi ni Macoy.
Siguro nga, kung kami talaga ni Macoy sa huli, kami pa rin talaga...
Bakit kasi kailangan pa naming magkahiwalay para marealize niya na ako talaga ang mahal niya at hindi si Theo?
TO BE CONTINUED...
BINABASA MO ANG
When The Rainbow Ends
Любовные романыKapag natapos na ang lahat... Kaya mo pa bang magsimula ulit?