May 6 billion na tao sa buong mundo, 100,096,496 sa buong Pilipinas. Tapos 'yong isang tao na gustong-gusto mo, isa lang, inayawan ka pa.
***
HINDI ako duwag na tao. Lahat kaya kong harapin. Kahit sino pa sila. Kahit ilan pa sila. Kaya ko silang patumbahin. Wala akong sinusukuan.
Pero suko na ako.
Hindi ko kaya ito.
Hindi ko na kayang magdaan pa ang isang araw sa buhay ko.
Araw-araw nauubos ako.
Pagod na pagod na ako.
Ang buong akala ko kasi ay okay kami. Akala ko'y magiging steady na.
Akala.
Akala.
Akala.
Tama nga ang sabi nila na marami ang namamatay sa maling akala. Dahil iyon ang pumatay sa akin.
Nakapagpasya na ako.
Ngayong araw, magpapakamatay ako.
Tutal parang pinatay na rin naman ako ni Lindsey. Putang-ina. Sana nga'y pinatay niya na lang ako. Hindi 'yong ganito, pinahihirapan pa niya ako.
Alam ng lahat sa campus na hindi ako baduy at korni na tao. Pero nagpakabaduy at nagpakakorni ako para lang sa kanya. Gago kasi 'tong tropa kong si Jake. Ito kasi ang may idea ng propose-propose na iyon kay Lindsey sa campus. Kelangan gawin ko raw romantic na parang sa pelikula para mapasagot ko siya.
Ako naman si tanga at gago at inutil, pumayag kahit na noon pa man ay pinagtatawanan ko lang ang mga gano'ng kabaduyan sa mga pelikulang mahilig na panoorin ni Lindsey. Tinipid ko ang baon ko sa isang linggo para lang makabili ng maraming balloons at bulaklak sa Dangwa na props daw na gagamitin. May napanood raw kasing gano'ng proposal si Jake na viral video sa Youtube at naging happy naman daw ang ending. Gusto raw kasi ng mga girls ng romantic na proposal. 'Yong mala-John Lloyd ba. Sabi ni Jake sureball daw na sagutin na ako ni Lindsey kapag gano'n ang ginawa ko.
'Yon lang naman ang gusto ko. 'Yon lang ang pinakaaasam ko sa halos dalawang sem kong panliligaw kay Lindsey. 'Yong puntong matatawag ko na siyang 'akin' at meron na akong matatawag na 'kami'.
Pero binasted niya 'ko.
Sa harap mismo ng marami sa campus sinabi niya na hindi pa siya ready na makipagrelasyon. At ang gusto niya ay maging magkaibigan lang kami. Ang dami nag-video sa akin. Kingina. Naging viral pa sa Internet. Ang kinatatakutang makabangga sa campus ay naging isang nakatatawang payaso.
Kapag nasa gano'ng sitwasyon ka pala hindi mo agad unang mararamdaman ang sakit. Ang natatandaan ko no'n ay nabigla muna ako. Kasi hindi ko talaga inaasahan. Kasi halos kami na. Sagot na lang talaga niya ang kulang.
Namanhid ang buong katawan ko. 'Yon ang sumunod kong naramdaman. Pero no'ng umuwi ako sa bahay at nagkulong ako sa kwarto ko saka ko lang naramdaman ang sakit. Kumbaga sa lindol, aftershock. Nayanig ako nang sobra. Doon nag-sink in na ang lahat. 'Yong mahal na mahal mo siya... pero wala na. Tapos na. At hindi mo alam kung minahal ka rin ba niya.
Bakit? Bakit hindi naging kami? Bakit hindi niya ako gusto? Mga tanong na tumo-torture sa akin.
Kinabuksan no'n papasok ako sa eskuwela, may nadaanan akong lamay ng hindi ko kilalang tao sa street namin. Doon ako umiyak. Ang sakit kasi, e.
BINABASA MO ANG
Somewhere Between Moving On and You
RomancePinaasa at niloko. 'Yan ang kinahantungan ni Kei Sawada. Dahil ang love life niya ay love life rin pala ng iba. Kaya nang magwakas ang 8 months, 1 week at 3 days na parang sila pero hindi naman na relasyon nila ni Lindsey ay sobra siyang nasaktan. S...