Chapter Seventeen

3.5K 112 26
                                    



NASA labas na si Abby nang lingunin ko siya. Naka-Snoopy na T-shirt at jersey shorts lamang siya. Parang lumundag ang puso ko at sandali akong napipi.

'Eto na naman ako, natotyope na naman dahil kaharap ko siya. Para akong kinakapos ng paghinga.

Pero sandaling naagaw ng kapuna-punang bagay kay Abby ang sinisikap kong i-construct sa isip na sasabihin sa kanya. Pumayat siya at parang iba ang kulay ng balat niya.

Hindi ko mabasa sa mga mata niya kung masaya ba siya na makita ako o ano.

"Kumusta ka na?" tanong ko nang lapitan ko siya. Kung alam lang niya kung gaano ko siya gustong yakapin nang sandaling iyon.

Hinampas niya ako nang malakas sa noo. "Narinig ko ang lahat nang sinabi mo."

Napahimas ako sa biglang uminit na noo ko. "O, ano?"

Tinaasan niya ako ng kilay. "Hindi pala ako ang type mo at hindi ka nalilibugan sa akin, ha?" Nakita ko ang pagpipigil niyang ngumiti.

"Sorry na po." Nilungkutan ko ang boses ko. Pagkatapos nagbaba ako sandali ng tingin.

'Eto na siya sa harapan ko.

Pagkakataon ko na.

Sinalubong ko siya ng tingin at saka seryosong sinabi, "I'm sorry that I'm in love with you, Abigael Santillan."

Napatitig siya nang matagal sa akin. Tapos ay mabilis na pumatak ang luha sa mga mata niya na mabilis niyang pinahid. Biglang kinabakasan ng lungkot ang mukha niya.

Hinampas niya ako sa balikat. "Hindi ba, sabi ko sa iyo 'di ka puwedeng ma-in love sa akin?" sabi niya habang nagpipigil ng iyak.

Hindi ko siya maitindihan nang sandaling iyon.

"'Yong totoo, Abby? Iyon na lang ang alam ko ngayon, e. Paano ba kita ia-unlove?"

Napahikbi siya. Lumakas iyon. "Hindi mo ako puwedeng mahalin, Kei."

Lalo na akong naguluhan.

"Bakit?" nalilitong tanong ko.

Sinalubong ng luhaang mga mata ni Abby ang naguguluhuang mga mata ko. "Kasi hindi puwede. Because I'm not meant to stay."

Hindi ko talaga siya naiintindihan. Aalis ba siya?

Sandaling napatanga lang ako sa kanya.

"I'm sick." Nakita ko sa mukha ni Abby ang labis na pagpipigil na umiyak. "I'm dying, Kei."

Parang napatid ang hininga ko sa narinig ko. Hindi ko nga alam kung totoong narinig ko ang narinig ko.

"I have an acute myeloid leukemia," mahina pero may tapang sa boses ni Abby. "I don't have much longer to live."

Nakatitig lang ako sa kanya. Parang sasabog ang ulo ko nang sandaling iyon kasabay ng dibdib ko. Biglang umikot sa akin ang paligid. Sana'y nasa taxi lang ako at nakatulog at isang masamang panaginip lang ang nangyayari.

Inabot ni Abby ang kamay ko nang matagal na sandali akong parang naestatwa sa harap niya.

Hindi panaginip.

Nararamdaman ko siya.

Mahigpit ko siyang niyakap.

"Huwag ka namang gago, please," mahinang sabi ko habang ayoko na siyang pakawalan pa. "Sinabi ko naman na kung hindi mo ako gusto ayos lang sa akin. Huwag ka lang magbiro nang ganyan para lumayo ako kasi hindi nakakatawa. Hindi magandang biro. Kung gusto mo ako lumayo, lalayo naman ako. Pero, please naman, bawiin mo lang ang sinabi mo," mariing sabi ko at napatiim ang mga bagang ko. "Please, Abby."

Narinig ko ang paghikbi niya.

"I'm sorry, Kei," sabi niya nang pakawalan ko siya.

Nakatitig pa rin ako sa kanya. Naghihintay ako na bigla na lang siya tatawa at sasabihin na isang joke time lamang ang lahat.

Umaasa ako na gano'n ang mangyayari kahit alam ko na. Ang akala ko'y dahil sa gown lang niya no'ng una kong mapansin ang pagpayat niya. Ang sakit niya siguro ang dahilan kung bakit maaga siyang natutulog sa gabi at hindi siya puwedeng magpuyat.

"B-bakit..." Nautal ako. Nahihirapan ako magsalita sa bilis ng pintig ng puso ko. "Bakit hindi mo sinabi sa akin dati pa?"

"Because I didn't want you looking at me the way that you are looking at me right now." Inilapat niya ang palad niya sa pisngi ko. "I didn't want you to treat me differently. Kung sinabi ko sa iyo no'n, sa tingin mo kaya mo pa akong kupalin. Baka wala ka ring kaibahan sa mga friend ko na hindi ko na makain ang gustong kong pagkain dahil pinagbabawalan nila ako. Kapag lalabas kami'y kulang na lang kargahin ako para hindi ako mapagod. Nakaantabay sila palagi sa akin na para bang naghihintay kung kelan ako hihimatayin. Lalo lang nilang ipinaparamdam na may sakit ako. But when I'm with you... I've never felt so alive." Nginitian niya ako.

Paano pa nagagawang ngumiti ng gaga na 'to?

Biglang naging malungkot ang ngiti niya. "Hindi ako dumating sa buhay mo para mahalin mo ako. Kundi para mahalin mo ang sarili mo."

PARANG patay na buhay ako nang umuwi ako sa amin. Tuloy-tuloy lang ako sa loob ni hindi ko binigyang pansin ang tatay ko na nakaupo sa sofa habang nanonood ng basketball sa TV.

"Ano ba 'to, Kei?" salubong ni Nanay na parang nakalunok na naman ng megaphone, nilingon ako mula sa makinang panahi nito. Napansin kong hawak niya ang uniform ko. "Bakit may punit 'tong polo mo?"

Mabilis na kinuha ko sa kanya ang polo ko.

"Akin na 'yan at tatahiin ko." Hindi binatawan ni Nanay iyon.

"H'wag na."

"Gagawin ko na 'yan habang nakaupo na ako rito."

"Huwag na sinabi!" Napataas ang boses ko at napabitaw si Nanay sa polo ko. Manghang napanganga siya sa akin.

Mabilis akong tumuloy ng kwarto ko at isinara ang pinto. Ang bigat ng pakiramdam ko. At parang walang lakas na napaupo ako sa gilid ng kama ko.

Napababa ako ng tingin sa hawak ko, sa parte ng polo ko na napunit ni Abby nang hilain nito iyon.

Hindi ko maipaliwanag ang sobrang lungkot na sumasanib sa pagkatao ko. Parang nayayanig ako. Nanginginig ang mga kamay ko at nilalamig ako. Para akong lalagnatin.

Hindi ko matanggap ang nangyayari.

Hindi ko kayang tanggapin.

Nayakap ko ang polo ko.

Narinig kong may kumatok sa pinto.

Alam kong si Tatay iyon. Mabagal ang katok. Kapag katok na parang nasusunugan kami si Nanay naman iyon.

Hindi na hinintay ni Tatay ang sagot. Pumasok siya sa kuwarto ko at tahimik na umupo sa tabi ko. Nakita ko ang pag-aalala sa mukha niya dahil siguro kanina. Bigla akong nahiya sa inasal ko.

"Bihira na kita makausap nang seryoso simula nang magbinata ka," mahinang sabi ni Tatay sa tabi ko. "Kasi alam ko naman na kaya mo na. Matapang ka naman. Pero nitong mga nakararaang araw, napapansin ko na parang may dinadala ka. Baka mabigat, anak, at gusto mong pabuhat kay tatay?"

Napatiim ang bagang ko nang parang may gustong umakyat na luha sa mga mata ko.

Nagyuko ako ng ulo. Ayoko makita ni Tatay ang lungkot sa mukha ko.

"Kokoro kara, itami ga kanjiru kedo yoku wakaranai. Yappari... kurushii."

"Tamatta namida nan janai no kai, kokoro kara no? Kurushii nara nakeba ii yo."

Hindi pa natatapos ang sinasabi ni Tatay nang bumunghalit ako ng iyak. Umiyak ako nang umiyak habang hinihimas ni Tatay ang likod ko.

***

"I feel something that hurts in my heart, but I don't know what. It hurts so bad."

"Maybe it's tears piled up in your heart? If it hurts, then cry."


Somewhere Between Moving On and YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon